Tanong
May mga propeta pa ba sa Iglesya sa panahon ngayon?
Sagot
Ang kaloob ng propesiya o panghuhula ay isang pansamantalang kaloob ng ibinigay ni Kristo para sa pagtatatag ng unang iglesya. Ang mga propeta ang pundasyon ng Iglesya (Efeso 2:20). Ipinahayag ng mga propeta ang mensahe mula sa Panginoon sa mga unang mananampalataya. Minsan ang mensahe ng isang propeta ay isang kapahayagan (o katotohanang mula sa Diyos), at minsan naman ay isang mensahe tungkol sa isang bagay na magaganap sa hinaharap (tingnan ang Gawa 11:28 at 21:10). Wala pang kumpletong Bibliya ang mga unang mananampalataya at ang ilan sa kanila ay walang kopya ng mga aklat ng Bagong Tipan. Ang mga propeta sa Bagong Tipan ang "pumuno sa puwang" na ito sa pamamagitan ng pangangaral ng Salita ng Diyos sa mga tao na hindi nakakabasa ng Bagong Tipan. Ang huling aklat sa Bagong Tipan (Aklat ng Pahayag) ay hindi pa kumpleto hanggang sa huling bahagi ng unang siglo. Kaya, ipinadala ng Diyos ang mga propeta upang ipahayag ang Salita ng Diyos sa Kanyang sariling Iglesya sa mga panahong iyon.
May mga tunay pa bang propeta sa panahon ngayon? Wala na! Kung ang layunin ay ang pagpapahayag ng mga bagay na ipinaalam ng Diyos sa kanyang Salita bakit kailangan pa natin ng propeta gayong nasa Bibliya na ang kumpletong kapahayagan ng Diyos? Kung ang mga propeta ang "pundasyon" ng unang Iglesya, dapat pa ba tayong magkaroon muli ng mga tagapagtayo ng pundasyon ng Iglesya ngayon? Maaari bang ibigay ng Diyos ang mensahe sa isang tao upang sabihin ito sa isang tao? Oo! Ipinahahayag pa rin ba ng Diyos ang katotohanan sa mga mananampalataya sa isang mahimalang paraan at gumagamit ng mga mananampalataya upang sabihin ang kalooban ng Diyos sa ibang mananampalataya? Oo! Ngunit hindi ito matatawag na kaloob ng propesiya o panghuhula na ayon sa Bibliya.
Kung may isang tao na nag-aangkin na nagsasalita siya para sa Diyos (na siyang esensya ng propesiya), ang susi upang malaman kung totoo ang kanyang sinasabi ay ikumpara ang kanyang sinasabi sa sinasabi ng Bibliya. Kung gagamit ang Diyos ng isang tao upang ipahayag ang Kanyang kalooban, tiyak na sumasang-ayon ang kanyang mensahe sa sinasabi ng Diyos sa Bibliya. Hindi maaaring salungatin ng Diyos ang kanyang sarili. Sinabi ni Apostol Juan sa 1 Juan 4:1, "Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa't espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Dios: sapagka't maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan." Idineklara ni Apostol Pablo sa 1Tesalonica 5:21, "Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti." Kaya nga, kung sinasabi ng isang tao na ang kanyang sinasabi ay "salita mula sa Panginoon" o isang "propesiya," dapat na pareho ang ating tugon. Kung sinasalungat ng nagsasalita ang sinasabi ng Salita ng Diyos o wala sa salita ng Diyos ang kanyang sinasabi, hindi natin iyon dapat tanggapin at paniwalaan. Kung ayon sa salita ng Diyos ang kanyang sinasabi, hindi iyon propesiya na galing sa kanyang sarili kundi galing sa mga propeta sa Bibliya. Inuulit lamang nila ang mga sinabi na ng mga totoong propeta. Kung magkagayon, humingi tayo ng karunungan sa Diyos upang maisapamuhay natin ang mensaheng iyon mula sa nakasulat na Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16-17; Santiago 1:5).
English
May mga propeta pa ba sa Iglesya sa panahon ngayon?