Tanong
Paanong nakakaapekto sa iba ang aking personal o pribadong kasalanan?
Sagot
Kung nakatira ka sa isang isla sa gitna ng dagat, hindi makakaapekto sa iba ang iyong personal na kasalanan. Gayunman, dahil nga may kasabihan na “hindi nabubuhay ang tao sa kanyang sarili lamang,” tiyak na mayroon kang pamilya o kahit kaibigan at kakilala na iyong nakakausap at nakakasalamuha araw araw. Lahat sila ay naaapektuhan sa iba’t ibang kaparaanan ng iyong kasalanan dahil lahat ng kasalanan ay may konsekwensya (Roma 6:23). Ito ay isang prinsipyo na itinakda ng Diyos sa sangnilikha. Ang bawat nilikha ay may binhi na panggagalingan ng “uri” nito (Genesis 1:11, 21, 25). Sa ibang salita, hindi ka maaaring magtanim ng mais at umasang aani ng palay. Hindi ka maaaring “magtanim” ng kasalanan – kahit na sa pribado – at aasang hindi ka magaani ng mga konsekwensya. At laging ang konsekwensya ay humahanap ng paraan na kumalat sa lahat ng mapapalapit dito dahil sa isa pang prinsipyo na tinatawag na “kaugnayan.” Nangangahulugan ito na ang lahat ng nasa iyong paligid ay maaaring mapagpala o masaktan dahil sa kanilang kaugnayan sa iyo at sa mga aksyon na iyong ginagawa, sa pribado man o sa publiko.
Maaari nating maging pamantayan ang mga iskandalo na kinasasangkutan ng mga lider ebangheliko na naganap kamakailan lamang upang makita ang epekto ng mga pribadong kasalanan sa ibang tao. Pagkatapos na matuklasan ang pribadong kasalanan ng mga lider ebanghelikong ito – gaya ng sinasabi sa atin ng Bibliya na “tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan” (Bilang 32:23) — ang kanilang pamilya, mga kaibigan, kongregasyon at ang komunidad ng mga Kristiyano ay naapektuhan. Ang higit na masakit ay nadungisan ang pangalan ng Panginoon at pinagtawanan ng mga hindi mananampalataya ang mga Kristiyano. Maaaring may mga kasalanan na hindi nakikita ang panlabas na konsekwensya, ngunit ang anumang ginawa sa lihim ay tiyak na malalantad isang araw. “Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag” (Lukas 8:17). Maaari mo bang masabi ng buong katapatan na walang sinumang maaapektuhan kung malalantad ang iyong mga sikretong kasalanan?
Ang itinatagong kasalanan ay nagbubunga ng paguusig ng budhi at may masamang epekto ito sa atin. Nakikita ng iba ang epekto nito sa ating buhay at naaapektuhan din naman sila ng kanilang nakikita sa atin. Halimbawa ang isang asawang babae na walang alam sa pagkalulong ng kanyang asawa sa pornograpiya. Ang paguusig ng budhi ang nagiging dahilan upang maglihim at magbago ang pakikitungong sekswal ng lalaki sa kanyang asawa. Napansin ng babae ang pagbabagong ito sa kanyang asawa at nagisip siya ng mga posibleng dahilan. Naisip ng babae na maaaring hindi na siya maganda sa kanyang paningin, o baka hindi na siya mahal nito o maaaring mayroon itong kalaguyo. Habang wala sa mga palagay na ito ng babae ang totoong dahilan, ang konsekwensya ng “pribadong kasalanan” ng lalaki ay maaaring makasira sa kanilang pagsasama at sa kanilang pamilya kahit na hindi pa malantad ang kasalanan ng lalaki.
Ito pa ang isang prinsipyo na dapat isaalang-alang. “Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala…upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo”(Mateo 6:6, 18). Kung sasangguniin natin ang sinasabi ng Bibliya, makikita natin ang isang prinsipyo na maaaring ilapat sa ating buhay sa positibo o negatibong paraan. Anuman ang ginagawa natin sa lihim, ay gagantimpalaan ng Diyos sa hayagan. Kung mananalangin tayo at magaayuno dahil sa Panginoon, gagantihan Niya tayo. Kaya’t masasabi ding kung magkakasala tayo sa lihim, “gagantihan” Niya tayo sa hayagan dahil sa kasalanang iyon. Alinman sa dalawang argumentong ito, ang tiyak ay nakikita at nalalaman ng Diyos ang lahat ng ating mga kasalanan, sa publiko man o sa pribado, at hindi Niya hahayaan na hindi maparusahan ang mga ito.
Ang pinakamalaking konsekwensya ng personal o pribadong kasalanan ay sa ating sariling kaluluwa. Sinasabi sa Ezekiel 18:4 na “ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay,” at sinasabi naman sa atin sa Roma 6:23 na “kamatayan ang kabayaran ng kasalanan.” Binibigyang diin dito ang parusa sa taong hindi binago ng Panginoon at nagpapatuloy sa kanyang makasalanang pamumuhay. Para sa isang isinilang na muli ng Diyos, sa naglagak ng kanyang pagtitiwala kay Hesus para sa kanyang kaligtasan at tinanggap ng Diyos bilang Kanyang anak, may pamantayan sa kanyang pamumuhay maging ito man ay sa pribado o sa publiko. “Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos” (1 Corinto 10:31). Ang isang taong isinilang na muli ay nagnanasa na luwalhatiin ang Diyos sa Kanyang buhay, at kahit na may mga pagkakataoan na siya ay nagkakasala, binigyan siya ng probisyon ng Diyos upang makabalik sa kanyang pakikisama sa Kanya. Ipinangako Niya na “kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid” (1 Juan 1:9).
English
Paanong nakakaapekto sa iba ang aking personal o pribadong kasalanan?