settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na si Satanas ay pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid (Efeso 2:2)?

Sagot


“Kayo noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. Namuhay kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway” (Efeso 2:1–2, idinagdag ang diin). Sa tekstong ito, inilarawan ni Pablo si Satanas una, bilang isang “pinuno” na may kapangyarihan dahil may tunay siyang kapangyarihan sa mundo (1 Juan 5:19). Ang kapangyarihang ito ay ibinigay sa kanya ng Diyos (Lukas 4:6). May kapangyarihan si Satanas sa ilang karamdaman (Lukas 13:16; tingnan din ang 2 Corinto 12:7—hindi alam kung ang “tinik” sa tagiliran ni Pablo ay isang sakit o ibang bagay). Sa ilang antas, may kapangyarihan si Satanas sa kamatayan (Hebreo 2:14). Ang dahilan kung bakit tinatawag na pinuno si Satanas sa halip na isang hari ay dahil may nagiisa lamang hari—si Jesu Cristo (1 Timoteo 6:15).

May kapangyarihan din si Satanas sa ilang tao. Ang “mga anak ng pagsuway” na tinutukoy sa Efeso 2:2 ay ang mga taong hindi nagtiwala kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas (Gawa 26:18; 2 Corinto 4:4; Pahayag 13:12). Ang mga demonyo ay nasa ilalim din ng pamumuno ni Satanas (Mateo 12:24), at isa sa kanyang mga titulo ay “prinsipe ng mga demonyo” (Mateo 9:34). May isang kaharian si Satanas (Mateo 12:26) at isang trono (Pahayag 2:13). Si Satanas ay tinatawag na pinuno dahil siya ay isang tagapamahala at nagtataglay siya ng kapangyarihan para maghasik ng kasamaan sa mundo sa pamamagitan ng pagimpluwensya sa mga tao at paguutos sa mga demonyo.

“Ang himpapawid” sa Efeso 2:2 ay maaaring tumukoy sa hindi nakikitang lugar sa itaas ng mundo kung saan umiiral at kumikilos si Satanas at ang mga demonyo. Ang lugar na ito, siyempre, ay nasa atmospera o “himpapawid” ng mundo. Sa Efeso 6:12, isinulat ni Pablo, “Sapagkat ang pakikipaglaban natin ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga makasanlibutang hukbo ng kadilimang ito, laban sa mga espirituwal na puwersa ng kasamaan na nasa kaitaasan.” Ang kasamaan na nasa kaitaasan na tinatawag na “himpapawid” ay maaaring aktwal na lokasyon, pero maaari din itong kasingkahulugan ng “sanlibutan” sa Juan 12:31. Ang buong sanlibutang ito ang lugar na pinamamahalaan ni Satanas (Mateo 4:8–9).

Bagama’t may kapangyarihan at awtoridad si Satanas sa kasalukuyang sistema ng mundo kung saan tayo naroroon, limitado ang kanyang kapangyarihan at lagi siyang nasa ilalim ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos (Job 1:12), at ang kapangyarihan niya ay panandalian lamang (Roma 16:20). Hindi sa atin ipinalam ng Diyos ang mga bakit at kailan sa pamamahala ni Satanas ngunit ginawa Niyang malinaw na may isa lamang tanging daan para labanan ang kapangyarihan ni Satanas at iyon ay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus (Gawa 26:18; Colosas 1:13–14). Nagdeklara si Jesus ng tagumpay bago Siya ipako sa krus: “Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin” (Juan 12:31).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na si Satanas ay pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid (Efeso 2:2)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries