Tanong
Kung ligtas na ako at pinatawad na ang lahat ng aking mga kasalanan, bakit hindi na lang magpatuloy sa pagkakasala?
Sagot
Sinagot ni Apostol Pablo ang parehong katanungan sa Roma 6:1-2, "Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan kaya't hindi na tayo dapat mamuhay sa pagkakasala." Ang ideya na ang tao ay maaaring magtiwala kay Hesu Kristo para sa kanyang kaligtasan at pagkatapos ay mamuhay sa kasalanan gaya ng bago siya maging mananampalataya ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Ang mga nananampalataya kay Kristo ay mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Binabago tayo ng Banal na Espiritu upang huwag ng mamuhay pa ayon sa laman (Galatia 5:19-21) at sa halip ay ipamuhay ang mga bunga ng Espiritu (Galatia 5:22-23). Ang buhay Kristiyano ay isang binagong buhay dahil binago na ng Diyos ang pagkatao ng isang tunay na Kristiyano.
Ang ipinagkaiba ng Kristiyanismo sa ibang mga relihiyon sa mundo ay ang ginawa ng Diyos para sa atin sa pamamagitan ni Hesu Kristo - isang tagumpay ng Diyos. Ang turo ng lahat ng ibang relihiyon sa mundo ay kung ano ang dapat gawin ng tao upang makamtan ang pabor at kapatawaran ng Diyos o tagumpay ng tao. Ang lahat ng ibang relihiyon ay nagtuturo na dapat tayong gumawa ng mga bagay at tumigil naman sa paggawa ng ibang mga bagay upang makamtan ang awa at pag-ibig ng Diyos. Samantalang ang Kristiyanismo ay nagtuturo na ginagawa natin ang ibang mga bagay at tumitigil tayo sa paggawa ng ibang mga bagay dahil sa ginawa ni Kristo para sa atin.
Papaanong ang isang tao, pagkatapos na siya'y iligtas sa kaparusahan ng kasalanan, sa walang hanggang pagdurusa sa impiyerno ay babalik na muli sa kanyang dating makasalanang pamumuhay na magdadala sana sa kanya sa impiyerno? Papaanong ang isang tao na matapos na linisin ang kanyang karumihan dahil sa kanyang mga kasalanan ay magnanais muli na maglunoy sa putik ng kasalanan? Papaanong ang isang tao, matapos na malaman ang ginawa ni Hesu Kristo para sa kanya ay magpapatuloy sa pamumuhay sa kasalanan na parang walang halaga si Kristo? Papaanong ang isang tao pagkatapos na maunawaan kung paano naghirap si Kristo para mapatawad ang kanyang mga kasalanan ay magpapatuloy sa pagkakasala at ituturing na ang pagdurusa ni Kristo ay walang kabuluhan?
Idineklara sa Roma 6:11-15, "Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang mamamatay upang hindi na kayo maalipin ng masasamang pita nito. Huwag ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay at muling binuhay at ihandog sa kanya ang buo ninyong pagkatao bilang kasangkapan ng katuwiran. Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, yamang kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos. Ngayon, gagawa ba tayo ng kasalanan dahil sa wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos? Hindi!"
Para sa mga tunay na ipinanganak ng Diyos, hindi opsyon ang magpatuloy sa kasalanan. Dahil mayroon na tayong bagong kalikasan, ang ating pagnanasa ay hindi na ang mamuhay pa sa kalasanan. Oo, nagkakasala pa rin tayo, ngunit sa halip na magpakaligaya tayo sa kasalanan gaya ng dati nating ginagawa bago tayo tinanggap ni Kristo, tayo ay namumuhi na sa kasalanan at nagnanais na makalaya mula roon. Ang pagsasamantala sa ginawang pagsasakripisyo ni Kristo upang makapagpatuloy sa kasalanan ay hindi kayang isipin ng isang tunay na Kristiyano. Kung ang isang tao ay naniniwala na siya ay isang Kristiyano ngunit nagnanais pa rin na mamuhay sa kanyang dating makasalanang pamumuhay, may napakalaking dahilan upang pagdudahan niya ang kanyang kaligtasan. Maaaring hindi siya tunay na naligtas. Sinabi ni Pablo, "Tiyakin ninyong mabuti kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga itinakwil" (2 Corinto 13:5).
English
Kung ligtas na ako at pinatawad na ang lahat ng aking mga kasalanan, bakit hindi na lang magpatuloy sa pagkakasala?