settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinakamalaking kasalanan?

Sagot


Walang kasalanan na mas malaki kaysa sa iba para sa pangwalang hanggan. Inihihiwalay tayo ng lahat ng kasalanan sa Diyos, at kinakailangang maibsan ang poot ng Diyos sa lahat ng kasalanan. Gayundin, walang tinatawag na "mortal" at "benyal" na kasalanan na gaya ng itinuturo ng simbahang Romano Katoliko. Ang lahat ng kasalanan ay "mortal" dahil kahit ang isang kasalanan ay sapat na upang ang isang tao ay makaranas ng espiritwal na kamatayan at ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Gayundin naman, sinasabi sa Bibliya na sa Araw ng Paghuhukom, may mga kasalanan na karapatdapat sa mas malaking kaparusahan (Mateo 11:22, 24; Lukas 10:12, 14).

Tinukoy din ni Hesus ang isang kasalanan na mas malaki kaysa iba (bagama't hindi ang pinakamalaki) sa Juan 19:11. Habang nakikipagusap kay Pontio Pilato, sinabi ni Hesus na mas malaki ang kasalanan ng nagdala sa Kanya sa harap ni Pilato kaysa sa kasalanan ni Pilato. Sinabi ni Hesus na mas malaki ang responsibilidad ng taong nagdala sa Kanya kay Pilato, si Judas man o si Caiphas kaysa kay Pilato mismo dahil sa tahasan at walang pusong pagtataksil sa Kanya pagkatapos na masaksihan ang napakarami Niyang himala at marinig ang Kanyang mga turo na nagpapatunay na Siya ang Mesiyas o ang Tagapagligtas at Anak ng Diyos. Mas malaki ang kanilang kasalanan kaysa sa kasalanan ng mga taong walang alam tungkol kay Hesus. Nangangahulugan ito na ang mga taong may mas maraming kaalaman tungukol kay Hesus bilang Anak ng Diyos ngunit patuloy na tumatanggi sa Kanya ay makakaranas ng mas malaking kaparusahan kaysa sa mga taong nananatiling walang kamalayan tungkol kay Hesus: "Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga bulag, ay hindi kayo magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y sinasabi ninyo, kami'y nangakakakita: nananatili ang inyong kasalanan" (Juan 9:41).

Gayunman, ang mga insidenteng ito ay hndi nagpapatunay na may isang kasalanan na pinakamalaki sa lahat. Ang Kawikaan 6:16–19 ay isang listahan ng pitong kasalanan na kinamumuhian ng Diyos: "Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya: Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo; Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan; Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid." Ngunit wala sa pitong ito ang tinukoy na mas malaki kaysa iba at wala sa mga ito ang tinawag na pinakamalaking kasalanan.

Bagama't hindi pinangalanan sa Bibliya ang anumang kasalanan bilang pinakamalaki, binabanggit naman dito ang isang kasalanang hindi mapapatawad ng Diyos — ang kasalanan ng hindi pananampalataya. Walang kapatawaran para sa sinumang namatay ng hindi sumasampalataya. Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa sanlibutan, ipinagkaloob ng Diyos ang paraan upang maranasan ng sinuman ang waang hanggang kaligtasan — si Hesu Kristo at ang Kanyang kamatayan sa krus — para sa "sinumang sasampalataya sa Kanya" (Juan 3:16). Ang tanging kundisyon kung kailan hindi maipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang kapatawaran ay kung tatanggihan ng tao ang tanging daan sa kaligtasan. Sinabi ni Hesus, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Maliwanag na itinuturo ni Hesus na Siya at Siya lamang ang tanging daan patungo sa Diyos at sa kaligtasan. Ang pagtanggi sa Kanya ay hindi mapapatawad ng Diyos at dahil dito, ito ang maituturing na pinakamalaking kasalanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinakamalaking kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries