Tanong
Ano ang anointing? Ano ang ibig sabihin na ang isang tao ay anointed?
Sagot
Ang pinagmulan ng pagpapahid ng langis o anointing ay ang mga pastol. Ang mga kuto at iba pang parasito ay laging tumitira sa balahibo ng mga tupa at kung makarating sila sa ulo ng mga ito, maaari silang makapasok sa kanilang tainga at maging sanhi iyon ng kanilang kamatayan. Kaya, pinapahiran ng langis ng mga pastol noong unang panahon ang ulo ng kanilang mga tupa. Pinadudulas ng langis ang balahibo sa ulo ng mga tupa, at dahil dito nagiging imposible para sa mga insekto na makalapit sa tainga ng mga tupa dahil nadudulas sila. Mula dito, ang anointing o pagpapahid ng langis sa ulo ay naging simbolo ng pagpapala, pagiingat at pagbibigay ng awtoridad.
Ang salitang Griyego sa Bagong Tipan para sa salitang ‘pinahiran’ ay ‘chrio,’ na nangangahulugang ‘punasan’ o ‘pahiran ng langis’ at bilang implikasyon, ito ay nangangahulugan na ‘italaga para sa isang gawaing panrelihiyon’ at ‘aleipho,’ na nangangahulugang ‘pahiran.’ Sa panahon ng Bibliya, ang mga tao ay pinapahiran ng langis bilang simbolo ng pagpapala ng Diyos o pagtawag ng Diyos sa isang tao para sa isang natatanging gawain (Exodo 29:7; Exodo 40:9; 2 Hari 9:6; Mangangaral 9:8; Santiago 5:14). Ang isang tao ay pinapahiran ng langis para sa natatanging layunin – upang maging hari, propeta, tagapagtayo, at iba pa. Walang masama sa pagpapahid ng langis sa ulo ng isang tao sa panahon ngayon. Kailangan lamang nating tiyakin na ang layunin ng pagpapahid ng langis ay sang-ayon sa Kasulatan. Hindi dapat isipin na ang langis na ipinapahid ay isang “magic potion” o may taglay na kapangyarihan. Walang kapangyarihan ang mismong langis. Ang Diyos lamang ang tunay na makakapagtalaga sa isang tao para sa isang natatanging layunin. Kung gagamitin natin ang langis, ito ay isang simbolo lamang ng ginagawa ng Diyos sa buhay ng isang tao.
Ang isa pang kahulugan ng salitang ‘anointed’ o ‘pinahiran’ ay ‘isang taong pinili.’ Sinasabi ng Bibliya na si Hesu Kristo ay ‘anointed’ o isang taong pinili ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang ipangaral ang Mabuting Balita at palayain ang mga naaalipin ng kasalanan (Lukas 4:18-19; Gawa 10:38). Pagkatapos umakyat sa langit ni Hesus, ipinagkaloob Niya sa atin ang Banal na Espiritu (Juan 14:16). Ngayon ang lahat ng mananampalataya ay ‘mga pinahiran’ at ‘pinili’ para sa isang natatanging gawain ng pagpapalaganap ng kaharian ng Diyos (1 Juan 2:20). “Ngayon, siya na ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa atin, ay ang Dios, na siyang nagtatak naman sa atin, at nagbigay ng patotoo ng Espiritu sa ating mga puso” (2 Corinto 1:21-22).
English
Ano ang anointing? Ano ang ibig sabihin na ang isang tao ay anointed?