settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinagmulan ng kasalanan?

Sagot


Ang napakatandang tanong kung saan at paano nagsimula ang kasalanan ay sinaliksik at pinagtatalunan ng ilan sa mga pinakadakilang kaisipan ng kasaysayan, ngunit walang makapagbibigay ng ganap na tiyak o kasiya-siyang sagot. Ang ilan, sa pagsipi sa Isaias 45:7, ay naghahangad na gawin ang Diyos na may-akda ng kasalanan: "Aking inanyuan ang liwanag, at lumilikha ng kadiliman: Ako'y gumagawa ng kapayapaan, at lumilikha ng kasamaan: akong Panginoon ang gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito". Ang salitang masama, mula sa orihinal na Hebreong rah, ay mas mainam na isinalin bilang “kapahamakan”. Ang konteksto ng talatang ito ay may kinalaman sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos sa mga natural na sakuna. Ang Diyos ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay (Exodo 4:11), ngunit hindi Siya ang may-akda ng kasalanan (1 Juan 1:5; cf. Santiago 1:13). Kinamumuhian niya ang kasalanan (Kawikaan 8:13). Ang kasamaan sa ugali ay nagmula sa nilalang, hindi sa Lumikha.

Isinulat ni John Calvin na, “Ipinahayag ng Panginoon na ‘lahat ng bagay na ginawa niya . . . ay totoong mabuti’ (Genesis 1:31). Saan nga nanggagaling ang kasamaang ito ng tao, na siya'y humiwalay sa kaniyang Dios? Upang hindi natin isipin na nagmula ito sa paglikha, inilagay ng Diyos ang Kanyang tatak ng pagsang-ayon sa kung ano ang nagmula sa kanyang sarili. Sa pamamagitan ng kanyang sariling masamang layunin, kung gayon, sinira ng tao ang dalisay na kalikasan na natanggap niya mula sa Panginoon; at mula sa kanyang pagkahulog ay hinila ang lahat ng kanyang mga inapo na kasama niya sa kapahamakan. Alinsunod dito, dapat nating pagnilayan ang maliwanag na dahilan ng pagkondena sa tiwaling kalikasan ng sangkatauhan—na mas malapit sa atin—sa halip na maghanap ng isang nakatago at lubos na hindi maunawaang dahilan sa mga itinalaga ng Diyos” (Institutes, 3:23:8). Sa madaling salita, ang kasalanan ay hindi bahagi ng orihinal na nilikha, at hindi rin ito itinakda ng kalooban ng Lumikha.

Ang unang tao, si Adan, ay nagkasala, at ang kanyang paglabag ay nagtulak sa sangkatauhan sa pagkakasala, ngunit hindi ito ang pinagmulan ng kasalanan. Sinasagisag ng Ezekiel 28:13-15 si Satanas, na orihinal na nilikhang walang kapintasan, gaya ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Ang bersikulo 15 ay nagbibigay sa atin ng pahiwatig tungkol sa pinagmulan ng kasalanan: “Ikaw ay walang kapintasan sa iyong mga lakad mula nang araw na lalangin ka hanggang sa ang kasamaan ay nasumpungan sa iyo”. Ang Isaias 14:12-14 ay higit pang nagpapahiwatig na si Satanas (Lucifer) ay nagkasala sa kanyang kapalaluan at sa kanyang pag-iimbot sa trono ng Diyos. Nang siya ay maghimagsik laban sa Diyos, si Satanas ay pinalayas mula sa langit (Ezekiel 28:15-17; cf. 1 Timoteo 3:6).

Dinadala tayo nito sa tanong na, paano nagpakita ang kasamaan sa isang perpektong nilalang? Maaaring magandang banggitin na ang kasamaan ay hindi isang nilikhang bagay—ito ay hindi isang nilalang at walang sariling pagkatao. Gayundin, ang kasamaan ay walang pamantayan gaya ng kabutihan; ito ay isang kakulangan, isang kasalatan, isang pagbagsak sa pamantayan ng perpektong kabutihan ng Diyos. Ang lahat ng kasalanan, gaano man ito mukhang walang halaga, ay kulang sa parin sa pagiging perpekto. Ang Diyos ay palaging umaayon sa Kanyang perpektong kalikasan (Deuteronomio 32:4). Ang lahat ng kasalanan, samakatuwid, ay dapat magmula sa nilalang, at ang pagnanasa sa kasamaan ay nagmumula sa loob ng nilalang (Santiago 1:14-15). Ang kasalanan ay “natagpuan” kay Lucifer dahil sa isang pagpili na ginawa ng anghel na maghanap ng iba kaysa sa pinili ng Diyos para sa kanya. Anumang oras na naghahanap tayo ng "iba" maliban sa pinili ng Diyos, tayo ay nagkakasala.

Ang pagsasabi na ang kasalanan ay nagmula sa loob ng mga nilalang ng Diyos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay nagulat o nahuli na walang kamalayan dito. Bagama't hindi nagdulot ng kasalanan ang Diyos, tiyak na pinahintulutan Niya ito o hindi ito iiral, dahil ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay totoo na maaari Niyang pigilan ang kasalanan, ngunit iyon ay mangangahulugan ng pagtanggal sa Kanyang nilikha sa malayang pagpapasya dito (Daniel 4:17; cf. Awit 33:10-11). Lahat ng Kanyang mga paraan ay mabuti. Sa Kanya ay “walang kadiliman” (1 Juan 1:5), at Siya ngayon ay gumagawa sa lahat ng bagay para sa Kanyang mabuting kasiyahan (Roma 8:28; cf. Isaias 46:9-10).

Ang misteryo ng kasamaan at kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang katotohanan nito kasama ang lahat ng pagdurusa na dulot nito ay maaaring hindi ganap na malalaman sa mundo, ngunit tinitiyak ng Kasulatan na ang kasamaan ay pansamantala. Kapag nakumpleto na ang kasukdulan ng plano ng pagtubos ng Diyos, sisirain na ni Jesu Cristo ang gawain ng diyablo magpakailanman (1 Juan 3:8).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinagmulan ng kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries