settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pinaging-banal?

Sagot


Ang pinapaging banal ay “ibinukod.” Ang mga kasing kahulugan ng salitang “pinaging-banal” ay banal, gawing banal, at sagrado. Binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa mga bagay na “pinaging-banal” gaya ng Bundok ng Sinai (Exodo 19:23) at ng mga kaloob sa templo (Mateo 23:17); mga araw, gaya ng Sabbath (Exodo 20:8); mga pangalan, gaya ng sa Diyos (Mateo 6:9); at mga tao, gaya ng mga Israelita(Levitico 20:7–8) at mga Kristiyano (Efeso 5:26).

Kung pinaging-banal ang isang bagay, nangangahulugan ito na ang bagay na iyon ay ibinukod para sa isang espesyal na gamit. Ibinukod ang bundok ng Sinai sa lahat ng mga bundok dahil sa pagbibigay ng Diyos ng Kanyang Kautusan. Ibinukod ang Templo ng Jerusalem mula sa ibang lokasyon para sa pagsamba sa nagiisang tunay na Diyos: “Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman” (2 Cronica 7:16).

Ang mga bagay na pinaging-banal ay nakareserba para sa mga layunin ng Diyos at hindi dapat gamitin para sa mga pangkaraniwang gawain. Noong gabing bago bumagsak ang kaharian ng Babilonia, “Ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito” (Daniel 5:2). Ito ang isa sa mga huling ginawa ni haring Belsasar, dahil pinatay siya ng gabi ding iyon ng mga taga Persia. Banal ang pangalan ng Diyos (Lukas 11:2) at anumang hindi tama at walang paggalang na paggamit sa Kanyang pangalan ay isang malaking kasalanan.

Binanggit ni Hesus ang sarili na pinaging-banal sa Juan 17:19; sa ibang salita, Siya ay Banal at “ibinukod” sa kasalanan. Gayundin naman, ibinukod ang kanyang mga tagasunod mula sa kasalanan at para sa paggamit ng Diyos (tingnan ang 1 Pedro 1:16).

Ang mga taong pinaging-banal ay mga taong isinilang na muli at dahil doon naging bahagi sila ng pamilya ng Diyos (Hebreo 2:11). Nakatalaga sila para sa paggamit ng Diyos. Alam nila ang “nagpapabanal na gawain ng Banal na Espiritu” sa kanilang mga buhay (1 Pedro 1:2). Nauunawaan nila na sila ay tinawag upang tawagin bilang “banal na bayan ng Diyos” (1 Corinto 1:2).

Ang pagpapaging-banal ay nangangahulugan na ang Diyos ang gumagawa sa ating mga buhay. Sa ilalim ng Lumang Tipan, ang handog na dugo ng hayop ay kinakailangan upang ibukod ang mga bagay para sa Diyos: “Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung hindi sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo” (Hebreo 9:22). Iwiniwisik ang dugo sa mga gamit sa tabernakulo, sa damit ng mga saserdote, at sa mga tao. Walang bagay na itinuturing na banal malibang mawisikan ang bagay na iyon ng dugo. Ito ay isang larawan ng espiritwal na paglalapat ng dugo ni Kristo para sa ating kaligtasan - tayo ay “winisikan ng Kanyang dugo” (1 Pedro 1:2). Gaya ng kung paanong ang lumang templo ay pinaging-banal para gamitin ng Diyos, ang ating mga katawan, na siyang templo ng Banal na Espiritu ay ibinukod din para ipamuhay ang mga layunin ng Diyos (1 Corinto 6:19). Ang mapaging-banal ay nangangahulugan na may epekto sa atin ang Salita ng Diyos. “Sa pamamagitan ng Salita ng Diyos” tayo luminis at naging banal (Efeso 5:26; Juan 17:17).

Inaanyayahan tayo na mga makasalanan na lumapit sa Diyos sa “kung ano tayo” at tumanggap sa Kanya ng kahabagan at kapatawaran. Noong maranasan natin ang kaligtasan, nagumpisa ang Banal na Espiritu ng kahanga-hangang gawain ng pagbabago sa ating pagkatao upang maging kawangis tayo ni Kristo. Ang mapaging banal ay nangangahulugan na inibig tayo ng Diyos ng gayon na lamang upang hindi tayo maging gaya ng dati.

Ito ang panalangin ni Apostol Pablo para sa lahat na mananampalataya sa lahat ng dako: “Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (1 Tesalonica 5:23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pinaging-banal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries