settings icon
share icon
Tanong

Posible ba ang kumpletong pagpapaging banal/ perpektong kabanalan sa buhay na ito?

Sagot


Sinasabi sa Efeso 4:13 na ang mga espiritwal na kaloob ay ibinigay para sa ikalalago ng katawan ni Kristo, “Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” Sinasabi sa ibang salin na magiging “perpekto” tayo (sa halip na paglaki), at mula sa mga saling ito, ipinakahulugan ng iba na maaari nating maabot ang perpektong kabanalan sa buhay na ito. Itinuturo ng Bibliya na habang tayo ay nasa laman, lagi tayong makikipagpunyagi sa ating makasalanang kalikasan (tingnan ang Roma 7:14-24). Walang sinuman ang magiging “perpekto” (walang kasalanan) malibang makarating na tayo sa langit.

Ang salitang isinalin na “paglaki” sa Efeso 4:13 ay mula sa wikang Griyegong “teleios” (tel’-i-os). Ginagamit ito sa buong Bagong Tipan upang ipakahulugan ang salitang “perpekto,” “kumpleto,” “tamang gulang” at “hustong edad.” Ang itinuturo sa Efeso 4:13 ay lumago tayo kay Kristo at mas maging matatag para sa pagkakaisa ng Iglesya. Hindi itinuturo ng talata na hindi na magkakasala pa ang mga mananampalataya.

Ang isa pang talata na kadalasang nagdudulot ng kalituhan ay ang Colosas 1:28 kung saan sinasabi sa ibang salin na nais ni Pablo, “upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawa't tao.” Gayundin sa Colosas 4:12, ipinanalangin tayo ni Pablo na “magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.” Sa parehong talata, ang salitang “sakdal” ay dapat na isinalin sa salitang “tamang gulang na” hindi “sakdal” na tulad sa isang walang kasalanan.

Bilang mga tao, nasa ilalim tayo ng sumpa ng Diyos kay Adan habang nasa mundong ito. Gaano man ang ating pagsisikap, magkakasala at magkakasala pa rin tayo sa Diyos. Sinaway ni Apostol Pablo si Apostol Pedro dahil sa paboritismo nito (Galacia 2:11-13). Sa huling bahagi ng kanyang ministeryo, tinawag ni Pablo ang kanyang sarili bilang “pangulo ng mga makasalanan” (1 Timoteo 1:15). Inamin din nina Pedro, Santiago at Juan na hindi sila perpekto. Masasabi ba natin na kakaiba tayo sa kanila?

Ang ganap na kabanalan ay hindi natin mararanasan malibang maganap ang pagdagit sa mga mananampalataya, kung kailan sasalubungin natin ang Panginoong Hesus sa himpapawid (1 Tesalonica 4:17). Sa panahong iyon, tatanggap tayo ng bagong katawan (Filipos 3:20, 21; 1 Corinto 15:54) at haharap tayo sa hukuman ni Kristo (2 Corinto 5:10) kung saan huhukuman ang ating mga gawa at ibibigay sa atin ang mga gantimpala (1 Corinto 3:9-15). Sa panahong iyon, mabubuhay tayo magpakailanman at maghaharing kasama ni Kristo sa ganap na kabanalan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba ang kumpletong pagpapaging banal/ perpektong kabanalan sa buhay na ito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries