settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapapagtagumpayan ang paulit-ulit na pagkakasala?

Sagot


Ang una nating dapat na ikunsidera kung paano malalabanan ang paulit-ulit na pagkakasala ay pansinin ang pagbabago o transpormasyon na naganap sa buhay ng isang tao pagkatapos niyang maranasan ang kaligtasan. Inilalarawan ng Bibliya ang isang karaniwang tao bilang isang taong “patay sa kasalanan at pagsuway” (Efeso 2:1). Dahil sa pagbagsak ni Adan sa kasalanan, ang lahat ng tao ay ipinanganak na patay sa espiritu. Sa kalagayang ito bilang patay sa espiritu, hindi kaya ng tao at hindi niya ninanais na sumunod sa Diyos at ang kanyang tanging ginagawa ay paulit-ulit na pagkakasala. Para sa mga taong hindi pinananahanan ng Espiritu Santo, kahangalan lamang ang mga bagay tungkol sa Diyos (1 Corinto 2:14) at lumalaban sila sa Diyos (Roma 8:7). Pagkatapos na maranasan ng isang tao ang pagliligtas ng Diyos, nagaganap ang isang pagbabago. Tinukoy ni Pablo ang pagbabagong ito na pagiging isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Sa sandaling ilagak natin ang ating pananampalataya kay Kristo, naguumpisa sa atin ang proseso ng pagpapaging-banal.

Ang pagpapaging-banal ay isang proseso kung saan ang mga na kay Kristo ay ginagawang kawangis Niya sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu (Roma 8:29). Ang pagpapaging-banal sa buhay na ito ay hindi magiging kumpleto, na nangangahulugan na patuloy na makikipaglaban ang mananampalataya sa natitirang kasalanan sa kanyang buhay. Inilarawan ni Pablo ang pakikibakang ito laban sa kasalanan sa Roma 7:15–25. Sa mga talatang ito, sinabi niya na bagama’t nais niyang gawin ang mabuti sa paningin ng Diyos, ang kanyang ginagawa ay ang kabaliktaran. Ginagawa niya ang masama na ayaw niyang gawin at nabibigo siyang gawin ang mga bagay na nais niyang gawin. Inilalarawan niya dito ang pakikipagbaka laban sa kasalanan ng bawat Kristiyano.

Sinasabi ni Santiago na nagkakasala tayong lahat sa iba’t ibang kaparaanan (Santiago 3:2). Nararanasan natin ang pakikipagbaka sa iba’t ibang paraan sa iba’t ibang uri ng kasalanan. Maaaring ang isang kasalanan ay magaan na pagtagumpayan ng isang mananampalataya, ngunit mahirap pagtagumpayan ng isa pang mananampalataya. Para sa iba, maaaring ang kasalanang nahihirapan silang iwaksi ay galit, ngunit para naman sa iba ay pagtitsismis o kaya nama’y pagsisinungaling. Maaaring ang isang kasalanan na para sa atin ay mahirap pagtagumpayan ay ang kasalanan na paulit-ulit nating nagagawa. Kadalasan, ang mga kasalanang ito ay mga kasalanan na palagian nating ginagawa noong hindi pa tayo mananampalataya at nangangailangan ng higit na biyaya at disiplina upang mapagtagumpayan.

Bahagi sa proseso ng pagtatagumpay sa mga kasalanang paulit-ulit nating nagagawa ay ang pagkilala sa pagbabago na tunay ng naganap sa mga mananampalataya. Isinulat ni Pablo, “Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus” (Roma 6:11). Nang sabihin ni Pablo na “ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan,” sinasabi niya na dapat nating alalahanin na sa ating paglapit kay Kristo, nawasak na ang kapangyarihan ng kasalanan sa ating mga buhay. Gumamit siya ng isang pigura ng pananalita tungkol sa isang alipin upang bigyang diin ang kanyang puntos. Noong unang panahon, dati tayong naging alipin ng kasalanan, ngunit ngayon, tayo ay mga alipin na ng katuwiran (Roma 6:17–18). Doon sa krus, nadurog na ang kapangyarihan ng kasalanan, at sa ating pagiging mga Kristiyano, pinalaya na tayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Kaya nga, sa tuwing nagkakasala ang isang Kristiyano, hindi na ito dahil sa pangangailangan ng kanyang kalikasan, sa halip kusang loob siyang nagpapailalim sa kapangyarihan ng kasalanan (Galacia 5:1).

Ang sunod na bahagi sa proseso ng pagtatagumpay laban sa paulit ulit na pagkakasala ay ang pagkilala sa ating kawalan ng kakayahan na labanan ang kasalanan at ang ating pangangailangan ng pagtitiwala sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ng Diyos na nananahan sa atin. Sinabi ni Pablo sa Roma 7, “Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawâ ang mabuting ninanais ko” (Roma 7:18). Ang pakikipagtunggali ng Kristiyano laban sa kasalanan ay isang labanan kung saan ang ating kakayahan ay salungat sa ating kagustuhan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Sinabi ni Pablo, “Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo” (Roma 8:11). Ang Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (Juan 17:17), ang nagpapaging-banal sa mga anak ng Diyos. Mapagtatagumpayan ang paulit-ulit na pagkakasala habang ipinapasakop natin ang ating mga sarili sa Diyos at tumatanggi tayo sa mga tukso ng laman (Santiago 4:7–8).

Ang isa pang bahagi sa proseso ng pakikipagtunggali sa paulit-ulit na pagkakasala ay ang pagbabago sa ating mga nakasanayang gawin na siyang nagiging dahilan ng pagkakasala. Dapat nating gayahin ang ginawa ni Jose na dagling tumakbo palabas ng silid noong tinukso siya ng asawa ni Potifar anupa’t naiwan sa kamay ng babae ang kanyang balabal (Genesis 39:15). Simpleng dapat tayong gumawa ng nararapat na aksyon upang tumakas muila sa mga bagay na tumutukso sa atin upang magkasala, kasama dito ang paglayo sa mga lugar kung saan madaling makakuha ng pagkain kung nakikipaglaban ang Kristiyano sa katakawan, at paglayo sa mga bagay at lugar kung saan may tukso ng pornograpiya kung natutukso ang Kristiyano na gumawa ng kasalanang sekswal. Sinabi sa atin ni Hesus na putulin natin ang ating kamay o dukutin ang ating mata na nagiging sanhi ng ating pagkakasala (Mateo 5:29–30). Ito ay pigura ng pananalita na nangangahulugan na dapat nating iwaksi sa ating mga buhay ang mga bagay na nagiging sanhin upang tayo’y magkasala maging ang mga bagay na ating kinagigiliwan. Sa madaling salita, dapat nating baguhin ang ating mga nakasanayang gawin na nagtutulak sa atin sa pagkakasala.

Panghuli, dapat tayong magbabad sa katotohanan ng Ebanghelyo. Hindi lamang ang Ebanghelyo ang kasangkapan ng Diyos para sa ating kaligtasan, ngunit kasangkapan din ito ng Diyos sa pagpapabanal sa atin (Roma 16:25). Kung iniisip natin na naligtas tayo sa biyaya ngunit pinapaging-banal sa pamamagitan ng ating sariling gawa, ito ay isang pagkakamali (Galacia 3:1–3). Ang pagpapaging-banal ay gawain din ng Diyos katulad ng pagpapawalang sala. Ito ang pangako sa atin ng Diyos sa Kanyang Salita: “Ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo” (Filipos 1:6).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapapagtagumpayan ang paulit-ulit na pagkakasala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries