settings icon
share icon
Tanong

Biblikal ba ang pagkakaiba sa pagitan ng pastor o lingkod sa iglesya (clergy) at layko o karaniwang miembro (laity)?

Sagot


Hindi makikita sa Bibliya ang salitang clergy na maaaring isalin sa wikang tagalog na lingkod ng Iglesya at laity na sa salitang tagalog ay layko o karaniwang mananampalataya. Ito ay mga terminolohiyang pangkaraniwang ginagamit ngayon upang tukuyin ang “mga tao sa likod ng pulpito” laban sa “mga tao sa upuan o mga tagapakinig.” Habang may iba’t ibang pagkatawag at kaloob ang mga mananampalataya (Roma 12:6), pareho-pareho lamang silang mga lingkod ng Diyos (Roma 14:4).

Itinuring ni Pablo ang kanyang sarili na isang “kapatid” at “kapwa lingkod” kasama ni Tiquico (Colosas 4:7). Ganito rin ang pagpapakilala ni Pablo sa kanyang sarili kasama si Epafras (Colosas 1:7). Ipinakilala si Epafrodito bilang isang “kapatid,” “kamanggagawa” at “kapwa sundalo ni Kristo” (1 Corinto 4:5). Kinilala ni Pedro si Silas bilang “tapat na kapatid” (1 Pedro 5:12). Hindi kailanman ipinakilala ng mga apostol ang kanilang sarili na hiwalay sa mga karaniwang mananampalataya sa konteksto ng paglilingkod kay Kristo. Itinuring nila ang kanilang sarili na mga kapwa manggagawa kasama ng mga mananampalataya sa Iglesya.

Ang pagkakaiba sa pagitan ng “propesyonal na ministeryo” at “ministeryo ng mga karaniwang mananampalataya” ay nagsimula ng kilalanin ng mga iglesya ang mga tagapanguna na hindi kabilang sa kanilang sariling kongregasyon. Sa panahon ng unang iglesya noong unang siglo, nakararaming iglesya ang kinikilala ang kanilang sariling mga miyembro bilang mga tagapanguna at binigyan sila ng karapatan at kapangyarihan na mamahala sa kanila. Halos lahat ng pagtukoy sa Bagong Tipan tungkol sa mga tagapanguna sa Iglesya, pastor man o matanda sa Iglesya ay mga tagapanguna na nanggaling sa loob mismo ng kanilang iglesya. Halimbawa, ihambing ang 1 Timoteo 3:1–7 at 5:17–20 sa Gawa 20:17–38. Isa pang halimbawa ang Tito 1:5–9.

Sa pagdaan ng panahon, nagbago ang ganitong kalakaran ng mga Kristiyano sa ibang bahagi ng mundo at nagumpisa silang kilalanin ang mga “propesyonal” na ministro bilang mga kinatawan ng iglesya, habang ang mga hindi propesyonal naman ay kinilala bilang mga tagasunod o tagadalo sa halip na mga kapwa lingkod ni Hesu Kristo. Mula sa pananaw na ito nagmula ang sistema ng herarkiya na pinag-ugatan ng paglaki ng distansya sa pagitan ng mga “propesyonal na pastor o lingkod” (clergy) at mga “karaniwang mananampalataya” (laity).

Gayunman, dapat na isaalang-alang ang mga talata sa Bibliya gaya ng 1 Corinto 12 hanggang 14, malaking bahagi ng aklat ng Efeso at Roma 12. Binibigyang diin sa mga talatang ito ang tunay na pagiging magkakapatid ng lahat ng sumasampalataya kay Kristo at kapakumbabaan na dapat na makita sa atin habang sinasanay ang ating mga espiritwal na kaloob at posisyon sa iglesya upang mapagpala at mapaglingkuran ang isa’t isa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Biblikal ba ang pagkakaiba sa pagitan ng pastor o lingkod sa iglesya (clergy) at layko o karaniwang miembro (laity)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries