Tanong
Gaano kalaking awtoridad dapat na mayroon ang isang pastor sa isang iglesya?
Sagot
Tinatawag na “kawan ng Diyos” (1 Pedro 5:2), “mana ng Diyos” (1 Pedro 5:3), at “iglesya ng Diyos” (Gawa 20:28) ang iglesya. Si Hesus ang “ang pangulong Pastor” (1 Pedro 5:4) at “pangulo ng iglesya” (Efeso 5:23). Pagaari ni Kristo ang iglesya, at Siya ang may kapamahalaan dito (Mateo 16:18). Ito ay totoo sa lokal na iglesya, maging sa pangkalahatang iglesya o unibersal na katawan ni Kristo.
Kabilang sa plano ng Diyos sa pagtatatag ng Kanyang iglesya ang paggamit ng mga tao na tinatawag na pastor. Unang-una, ang pastor ay isang matanda sa iglesya, at kasama ng iba pang matanda sa iglesya, ang pastor ang responsable sa mga sumusunod:
1) Pamamahala sa iglesya (1 Timoteo 3:1). Ang pangunahing kahulugan ng salitang “obispo” ay “tagapamahala.” Ang pangkalahatang pamamahala sa operasyon at gawain ng iglesya ay responsibilidad ng pastor at ng iba pang matanda sa iglesya. Kasama dito ang pagiingat sa pananalapi ng iglesya (Gawa 11:30).
2) Pangunguna sa iglesya (1 Timoteo 5:17). Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na “pangunguna” ay literal na nangangahulugang “tumayo sa harap.” ang ideya ay manguna at magayos, at ang diin ay ang pagiging isang “mabuting katiwala.” Kasama dito ang responsibilidad na magpatupad ng disiplina sa iglesya at magtuwid sa mga maling aral (Mateo 18:15-17; 1 Corinto 5:11-13).
3) Pagpapakain sa iglesya (1 Pedro 5:3). Ang salitang pastor ay literal na nangangahulugang “pastol ng kawan.” Isa sa mga tungkulin ng pastor ang “magpakain ng Salita ng Diyos sa kawan ng Diyos” – ang iglesya – at pangunahan sila sa tamang paraan.
4) Pagbabantay sa doktrina ng iglesya (Tito 1:9). Ang mga katuruan ng mga apostol ay dapat na ipagkatiwala sa mga “lalaking tapat na magtuturo din naman ng gayon sa iba” (2 Timoteo 2:2). Ang pagpapanatili ng kadalisayan ng Ebanghelyo ay isa sa pinakamataas na tawag ng Diyos sa pastor.
May mga pastor na itinuturing ang titulong “tagapamahala” bilang isang utos na magkaroon ng impluwensya sa lahat ng gawain sa iglesya. Iyon man ay pagaayos ng sound system o pagpili ng kakantahin para sa araw ng Linggo o paglilinis ng silid ng paaralang lingguhan, may mga pastor na nagaakala na dapat na may kinalaman sila sa lahat ng gawain at desisyon sa iglesya. Hindi lamang ito nakakapagod para sa pastor, dahil kailangang lagi siyang kasama sa lahat ng miting ng bawat komite. Nakakasagabal din ito sa iba sa paggamit ng kanilang mga espiritwal na kaloob. Maaaring mamahala ang pastor at magbigay ng tungkulin sa iba. Bilang karagdagan, ang modelo ng Bibliya sa pagkakaroon ng maraming matanda sa iglesya, maging ng mga diyakono upang tumulong sa pastor ang nagpapahiwatig na hindi dapat na kontrolin ng iisang tao lamang ang mga gawain ng iglesya.
Kadalasang inaabuso ng ilang pastor ang tungkulin na pangunahan ang iglesya. Ang pangunahing responsibilidad ng pastor ay pangunahan ang iglesya, kasama ang matatanda at ang kanyang pinagtutuunan dapat ng pansin ay ang espiritwal na aspeto ng iglesya, ang pagpapalakas ng loob ng mga mananampalataya at pagsasanay sa mga miyembro para sa ministeryo (Efeso 4:12). Maraming pastor ang tila mas umaaktong diktador kaysa sa isang pastor na kinakailangan pang humingi sa kanya ng permiso ang mga miyembro bago mamuhunan sa negosyo, bago magbakasyon at iba pa. Ang mga ganitong klase ng pastor, para sa amin ay simpleng nagnanais lamang ng kapangyarihan at hindi nababagay na mamuno sa iglesya ng Diyos (tingnan ang 3 Juan 9-10).
Sinabi sa 1 Pedro 5:2-3 ang kahanga hangang paglalarawan sa isang balanseng ministeryo: “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan” (tingnan din ang 1 Timoteo 4:12.) Ang pastor ay “katiwala ng Diyos” (Tito 1:7), at mananagot siya sa Diyos sa kanyang pangunguna sa iglesya.
English
Gaano kalaking awtoridad dapat na mayroon ang isang pastor sa isang iglesya?