Tanong
Ano ba ang tamang paraan sa pagbabawtismo?
Sagot
Ang pinakasimpleng sagot sa tanong na ito ay matatagpuan sa kahulugan mismo ng salitang "bawtismo.” Ang salitang ito ay galing sa salitang Griego na nangangahulugang "ilubog sa tubig.” Kaya nga ang pagbabawtismo sa pamamagitan ng pagwisik at pagbubuhos ng tubig sa ulo ay hindi ayon sa kahulugan ng salita o salungat mismo sa kahulugan ng salita. Ang pagbabawtismo sa pamamagitan ng pagwiwisik ay mangangahulugan ng ganito "paglubog sa tubig sa isang tao sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig.” Ang bawtismo sa likas na kahulugan nito ay nararapat na sa pamamagitan ng paglulubog sa isang tao sa tubig.
Inilalarawan ng bawtismo ang pakikiisa ng isang Kristiyano sa kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli ni Kristo. "Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay na muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong pamumuhay." Ang paglubog sa tubig ay larawan ng pagkamatay at pagkalibing na kasama ni Kristo. Ang pag-ahon naman sa tubig ay naglalarawan ng pagkabuhay na muli ni Kristo. Dahil dito, ang bawtismo sa pamamagitan ng paglubog sa tubig ay ang tanging paraan ng bawtismo na makapaglalarawan ng pagkamatay at pagkabuhay na muli kasama ni Kristo. Ang pagbawtismo sa pamamagitan ng pagwiwisik at pagbubuhos ang naging dahilan ng hindi Biblikal na doktrina ng pagbibinyag sa mga bata.
Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ang pinaka-biblikal na paraan sa pakikitulad kay Kristo ngunit hindi kinakailangang gawin para maligtas ang isang tao. Sa halip, ito ay isinasakatuparan ng isang mananampalataya bilang pagsunod kay Kristo at pagsasapubliko ng kanyang pananampalataya at pakikiisa sa Kanya. Ang bawtismo ay isang panlabas na paglalarawan ng pagtalikod sa dating pamumuhay at ng pagiging isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ang siyang tanging paraan ng pagbabawtismo na makapaglalarawan ng isang radikal na pagbabago.
English
Ano ba ang tamang paraan sa pagbabawtismo?