settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang nararapat na pananaw ng Kristiyano patungkol sa paninigarilyo? Ang paninigarilyo ba ay kasalanan?

Sagot


Hindi nabanggit sa Bibliya ang salitang paninigarilyo. Subalit may mga tuntunin sa Bibliya na tahasang magagamit laban sa paninigarilyo. Una, inuutos ng Diyos sa Bibliya na huwag nating hayaan na ang ating katawan ay maalipin ng anumang bagay. "May magsasabi ng ganito: ‘Malaya akong gumawa ng kahit ano.’ Kung sabagay nga, ngunit hindi lahat ng bagay ay makabubuti sa inyo. Maaari ko ring sabihin, ‘Malaya akong gumawa ng kahit ano,’ ngunit hindi ako paaalipin sa anumang bagay" (1 Corinto 6:12). Hindi maikakaila na ang paninigarilyo ay nakakaadik. Nabanggit din sa mga sumusunod na talata sa 1 Corinto 6:19-20, “Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Diyos? Ang inyong katawan ay hindi talagang inyo kundi sa Diyos; binili niya kayo sa malaking halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.” Walang pag-aalinlangan na ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan. Ang sigarilyo ay napatunayang sumisira sa puso at baga ng tao.

Maaari bang ituring na ‘makabubuti’ ang paninigarilyo (I Corinto 6:12)? Maaari bang maparangalan ang Dios sa pamamagitan ng paninigarilyo (I Corinto 6: 20)? Maaari bang manigarilyo ang isang tao para "sa kapurihan ng Dios" (I Corinto 10:31)? Kami ay naniniwala na ang kasagutan sa tatlong tanong na ito ay ang tumataginting na ‘hindi.’ Ayon sa mga nabanggit, kami ay naniniwala na ang paninigarilyo ay kasalanan kaya hindi ito dapat gawin ng isang tunay na tagasunod ni Hesu Kristo.

Ang pangangatwiran ng iba na tumututol sa pananaw na ito ay marami din naman umano ang kumakain ng mga pagkain na nakasasama sa kalusugan na maaring makaadik at makasira ng pangangatawan. Halimbawa, maraming tao ang naaadik sa kape at hindi sila makapagtrabaho kung hindi sila makakainom ng isang tasa ng kape sa umaga. Kahit may katotohanan ito, mabibigyang katwiran ba nito ang paninigarilyo? Kami ay naninindigan na ang mga Kristiyano ay kailangang umiwas sa katakawan at sa sobrang pagkain ng mga pagkaing nakasasama sa kalusugan. Totoong may mga Kristiyano na kadalasan ay mapagkunwari. Ipinagbabawal nila ang isang kasalanan at pinalalampas naman ang iba, ngunit sa kabila nito hindi pa rin mabibigyan ng hustisya na ang paninigarilyo ay nagbibigay ng kapurihan sa Dios.

Ang isa pang pangangatwiran na ginagamit laban sa pananaw na ito ay ang pagbanggit sa maraming mga makadiyos na mga kalalakihan na naninigarilyo. Ginagamit nilang halimbawa ang tanyag na mangangaral ng Britania na si C.H. Spurgeon, na hindi itinago ang pananabako. Muli, hindi kami naniniwala na ang mga pangangatwirang ito ay maaaring gamitin upang bigyang katwiran ang paninigarilyo. Si Charles Spurgeon ba ay isang makadiyos at mapagkakatiwalaang guro ng Salita ng Dios? Walang pasubali. Ang lahat ba ng kanyang asal at pag-uugali ay nagbigay ng kaluguran sa Dios? Hindi!

Sa pagsasabi na ang paninigarilyo ay kasalanan, hindi namin sinasabing ang mga naninigarilyo ay hindi na maliligtas. May mga tunay na nananalig kay Hesus na naninigarilyo. Ang paninigarilyo ay hindi makahahadlang sa tao upang maligtas. Hindi rin ito ang magiging dahilan upang mawala ang kanyang kaligtasan. Ang paninigarilyo ay hindi mas madaling patawarin kaysa anumang kasalanan. Ang lahat ng kasalanan ay mapapatawad ng Diyos (maliban sa pamumusong sa Espiritu) sa sinumang umaamin at nagsisisi sa kanyang kasalanan (1 Juan 1:9). Ngunit sa kabila nito, kami ay lubos na naniniwala na ang paninigarilyo ay kasalanan na kailangang talikdan, at sa tulong ng Dios, ay mapagtagumpayan. Ito'y mapagtatagumpayan ng isang tunay na Kristiyano sapagkat nananahan na sa kanya ng Espiritu na siyang susumbat sa kanya sa tuwing siya'y maninigarilyo at babago sa kanya upang mapagtagumpayan niya ang bisyong ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang nararapat na pananaw ng Kristiyano patungkol sa paninigarilyo? Ang paninigarilyo ba ay kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries