Tanong
Ano ang mga pangalan ng mga anghel sa Bibliya?
Sagot
Inilalarawan ng Bibliya ang mga anghel bilang mga makapangyarihang espiritwal na nilalang na nilikha ng Diyos para isakatuparan ang mga partikular na gawin sa langit at dito sa lupa. At bagama’t lagi laging binabanggit sa Bibliya ang salitang “hukbo ng mga anghel,” ilan lamang sa kanila ang pinangalanan.
Si Gabriel ang isa sa ipinakilala sa lahat ng anghel sa Bibliya. Sa bawat pagkakataon na binanggit ang kanyang pangalan, makikita natin na gumagawa siya bilang isang mensahero para magbahagi ng karunungan o ng isang espesyal na balita mula sa Diyos. Sa aklat ni Daniel, nagpakita si Gabriel kay propeta Daniel para ipaliwanag ang ilang pangitain na ipinakita ng Diyos sa huli tungkol sa mga huling panahon (Daniel 8:15–27; 9:20–27). Habang nahihirapan pa rin si Daniel sa pangunawa sa mga pangitain, ang mga paliwanag ni Gabriel, maging ang iba pang impormasyon sa Bibliya tungkol sa mga huling panahon ang nagbigay sa atin ng ilang konklusyon kung ano ang magaganap sa mga huling panahon.
Nagpakita din si Gabriel sa Bagong Tipan. Nagpakita siya kay Zacarias sa templo para ibalita na ang kanyang asawang si Elizabeth ay magsisilang ng isang sanggol na lalaki na papangalanang Juan. Nagpakita din si Gabriel kay Maria para ibalita ang pagsilang ni Jesus. Kalaunan, nakatanggap si Jose ng gabay sa dalawang pagbisita ni anghel Gabriel. Dahil sa napakahalagang kontribusyon ng mga balitang ito na humugis sa kasaysayan, tila si Gabriel ang isa sa mga pangunahing mensahero ng Diyos.
Ang ikalawang anghel na pinangalanan sa Bibliya ay tinatawag sa pangalang Miguel na iba ang gawaing ginagampanan kay anghel Gabriel. Si Miguel ay isang arkanghel, na ang ibig sabihin ay “pangunahing anghel.” Ang titulong ito ay nagpapahiwatig na mataas ang katungkulan ni Miguel sa langit. Bagama’t hindi tiyak na si Miguel lamang ang nagiisang arkanghel, posible ito ayon sa Judas 1:9 kung saan tinukoy si Miguel bilang “ang arkanghel Miguel.” Kung may iba pang mga arkanghel, malamang na si Miguel ang nangunguna sa kanila.
Sa tuwing nagpapakita si Miguel sa Bibliya, kadalasang ito ay sa isang uri ng digmaan. Nakikipaglaban siya sa mga nagkasalang anghel (ang mga anghel na nagkasala sa Diyos at naging mga demonyo) at kay Satanas para sa Diyos at sa Kanyang bayan. Nagpakita si Miguel ng ilang beses sa aklat ni Daniel bilang isang mandirigma (tingnan ang Daniel 10:21 at 12:1). Sa isang pagkakataon, inilarawan ni anghel Gabriel si Miguel na nakikipaglaban sa isang demonyo na “prinsipe ng kaharian ng Persia” para makapunta si Gabriel kay Daniel at maipaliwanag ang pangitain sa kanya (Daniel 10:13).
Makikita din si Miguel sa aklat ng Pahayag sa kanyang pakikipaglaban sa malaking dragon na si Satanas sa huling panahon (Pahayag 12:7–9). Ang katotohanan na pinangungunahan ni Miguel ang isang hukbo ng mga anghel laban kay Satanas ay nagpapatunay sa mataas na ranggo at kapangyarihan ni Miguel.
Kung ang mga nagkasalang anghel ay kasama sa listahan ng mga anghel na pinangalanan sa Bibliya, may dagdag na dalawang pangalan ang dapat banggitin: Si Lucifer/Satanas at Apolyon/Abadon. Nagrebelde si Lucifer sa Diyos at pinalayas mula sa langit kasama ang mga anghel na kumampi sa kanya. Bago siya magrebelde, si Lucifer ay isang maganda at makapangyarihang nilalang; ngunit ninais niya na maging kapantay ng Kataas-taasang Diyos kaya nga siya ay naging masama at isinumpa (Isaias 14:12–18; Lukas 10:18). Kilala siya ngayon bilang si Satanas, ang pangunahing kaaway ng Diyos na nagnanais na dayain at wasakin ang sangkatauhan (Juan 10:10). Si Apolyon/Abadon ay isa pang nagkasalang anghel na binanggit sa Pahayag 9:11 at pangungunahan niya ang hukbo ng mga demonyo sa huling panahon.
English
Ano ang mga pangalan ng mga anghel sa Bibliya?