Tanong
Paano ko malalaman kung ano ang mga pangako ng Diyos na para sa akin?
Sagot
Literal na may daan-daang pangako ang Diyos sa Bibliya. Paano natin malalaman kung ano sa mga pangakong iyon ang para sa atin, at kung ano ang ating maaaring angkinin? Kung babalangkasing muli ang tanong na ito sa ibang paraan, paano malalalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng pangkalahatang pangako ng Diyos at mga pangako na para lamang sa mga partikular na tao? Ang isang pangkalahatang pangako ay ibinigay ng Banal na Espiritu sa bawat mananampalataya sa lahat ng panahon. Nang isulat ng may akda ang pangako, hindi siya naglagay ng limitasyon sa panahon at sa tatanggap ng pangako.
Ang isang halimbawa ng pangkalahatang pangako ng Diyos ay makikita sa 1 Juan 1:9, “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” Ang pangakong ito ay ayon sa mapagpatawad na kalikasan ng Diyos na para sa lahat ng mananampalataya sa lahat ng dako. Ang isa pang halimbawa ng pangkalahatang pangako ng Diyos ay ang Filipos 4:7, “At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.” Ang pangakong ito ay para sa lahat ng mananampalataya na sa halip na magalala ay dinadala ang kanilang mga kahilingan sa Diyos (Filipos 4:6). Ang iba pang halimbawa ng mga panagko ng Diyos na para sa lahat ng mananampalataya ay ang Awit 1:3; 27:10; 31:24; Juan 4:13-14 (pansinin ang salitang “sinuman”); at Pahayag 3:20.
Ang partikular na pangako ay isang pangako na ginawa ng Diyos para sa mga indibidwal sa mga partikular na okasyon. Ang pangakong ito ay para sa tumanggap nito sa Bibliya ayon sa konteksto. Halimbawa ay ang 1 Hari 9:5: “Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian sa Israel magpakailan man…” Malinaw na makikita sa mga nagdaan at sumusunod na mga talata na ang Diyos ay nakikipag-usap kay Haring Solomon at para sa kanya ang pangakong ito.
Naglalaman din ang Lukas 2:35 ng isang partikular na pangako: “Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa…” Ang hula/pangakong ito ay sinabi kay Maria at naganap sa kanyang buhay sa lupa. Habang ang isang partikular na pangako ay hindi para sa lahat ng mananampalataya sa pangkalahatan, maaari pa ding gamitin ng Banal na Espiritu ang isang partikular na pangako upang gabayan at palakasin ang loob ng Kanyang mga anak. Halimbawa, ang pangako sa Isaias 54:10 ay ginawa para sa mga Israelita, ngunit maaaring gamitin ng Banal na Espiritu ang mga pananalitang nagbibigay ng kalakasan sa mga Kristiyano ngayon: “Sapagka't ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.”
Habang ipinangangaral ni Pablo ang Ebanghelyo sa mga Hentil, inangkin ni apostol Pablo ang pangako sa aklat ni Isaias: “Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa” (Gawa 13:47). Ang pangakong ito sa aklat ng Isaias ay orihinal na patungkol sa Mesiyas, ngunit sa pangakong ito, nakatagpo si Pablo ng gabay ng Panginoon para sa kanyang buhay. Sa tuwing inaangkin natin ang isang pangako ng Diyos na makikita sa Bibliya, dapat nating isaisip ang mga sumusunod na prinsipyo:
1) Sa tuwina, ang mga pangako ng Diyos ay may kundisyon. Tingnan ang salitang “kung” sa konteksto.
2) Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang mga pangako upang tulungan tayo na matutong magpasakop sa Kanyang kalooban at magtiwala sa Kanya. Hindi maaaring gamitin ang pangako ng Diyos para pasunurin Siya sa ating sariling kagustuhan.
3) Huwag ipagpalagay na ating nalalaman ng eksakto kung saan, kailan o kung paano gaganapin ng Diyos ang Kanyang pangako sa atin. English
Paano ko malalaman kung ano ang mga pangako ng Diyos na para sa akin?