Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pandaraya sa paaralan?
Sagot
Ang pagsusulit sa paaralan ay isang mahalagang bahagi ng edukasyon ngunit ang pandaraya sa paaralan ay labag sa kalooban ng Diyos. Ang pandaraya ay pagkilos ng hindi tapat o hindi patas upang makamit ang personal na pakinabang. Ito ay pagbalewala sa mga itinakdang patakaran na pabor sa personal na tagumpay. Kapag ang pansariling pagnanais para sa tagumpay ay lumalabas na mas mahalaga kaysa sa moral na pangako sa katotohanan at pantay na pagtrato, ang pandaraya ay maaaring maging isang tukso. Subalit bilang mga bagong nilalang kay Kristo (2 Corinto 5:17), maaari nating piliin na tanggihan ang nakasasamang tukso (Mateo 26:41; 1 Corinto 10:13).
Ang mga Kristiyano ay dapat na magsumikap na luwalhatiin ang Panginoon sa kanilang mga pagiisip at gawain (1 Corinto 3:16). Ang pandaraya ay labag sa kabutihan ng pagpupuri sa Kanya. Ang hindi pagiging tapat ng isang indibidwal ay sumisira sa kanyang integridad at reputasyon (Kawikaan 10:9). Ang hindi pagsasabi ng totoo ay kasalanan (Levitico 19:11; Kawikaan 12:22).
Kahit na pinalalampas ng mundo ang kasinungalingan kapag ito ay itinuturing na walang halaga, hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod na maging mga tagapagsalita ng katotohanan sa lahat ng oras. Kung ang isang mag-aaral ay bumagsak sa pagsusulit dahil hindi siya nag-aral, ang kanyang mababang marka ay likas na bunga ng isang masamang desisyon. Igagalang ng Diyos ang katapatan na iyon, at matututo ang mag-aaral mula sa kanyang mga pagkakamali. Ang mababang marka sa pagsusulit ay maaaring magturo at mag-udyok sa isang mag-aaral na mag-aral nang mas maaga o kumuha ng tagapagturo o magkaroon ng sapat na tulog bago ang araw ng pagsusulit. Ang mga marka sa paaralan ay dapat na kumakatawan sa kung ano ang natutunan sa klase at sa mga sumunod na gawain ng mag-aaral. Ang pandaraya ay nagsisikap na palusutin ang proseso ng pag-aaral at manipulahin ang mga kahihinatnan sa pamamagitan ng hindi pagtatapat.
Ang mga tagasunod ni Kristo ay dapat na lumakad sa liwanag, at ang pandaraya ay humahadlang sa mga tao na makita ang kaluwalhatian ni Cristo. Ang kasinungalingan ay nagpapahamak sa kabutihan na dapat taglayin ng mga anak ng Diyos. Kung hinahatulan ng ating Ama sa Langit ang pagsisinungaling (Kawikaan 6:16-19), walang paraan para mabigyang katuwiran ng isang mananampalataya ang kahit na isang "walang masamang intensyong” kasinungalingan tulad ng pandaraya.
Ang pandaraya ay isang makasariling gawa na nagbibigay sa atin ng kalamangan sa iba na nahaharap sa parehong hamon. Bilang mga Kristiyano, dapat nating sikaping tulungan ang iba ng patas at makatarungan habang pinananatili ang moral na integridad at isang maka-Diyos na reputasyon. Ang pandaraya ay hindi nakakatulong para panatilihin ang pamantayang iyon.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pandaraya sa paaralan?