settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga na maggugol ng panahon na mag-isa kasama ang Diyos?

Sagot


Kinakailangan ang panahon sa lahat ng relasyon. Ang pakikipagrelasyon sa Diyos, habang hindi gaya ng ibang mga relasyon sa maraming aspeto, ay kailangan din ang panahon. Punong puno ang Bibliya ng paglalarawan upang maunawaan natin ang konsepto ng ating relasyon sa Diyos. Halimbawa, inilarawan si Hesus bilang lalaking ikakasal, at ang Iglesya naman ay inilarawan bilang babaing ikakasal. Ang pagaasawa ay pagpapaging isa sa dalawang tao (Genesis 2:24). Ang ganitong malapit na kaugnayan ay kinapapalooban ng paglalaan ng panahon sa isa’t isa. Ang isa pang uri relasyon na ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang ating relasyon sa Diyos ay ang relasyon sa pagitan ng Ama at anak. Ang mag-ama ay naggugugol ng panahon sa isa’t isa. Ang paggugol ng panahon kasama ang isang mahal sa buhay ang nagbibigay ng pagkakataon upang higit na makilala ang isa’t isa. Ganito rin ang layunin ng paggugol ng panahon na kasama ang Diyos. Kung mag-isa tayong lumalapit sa presensya ng Diyos, napapalapit tayo sa Kanya at higit natin Siyang nakikilala na hindi mo magagawa kung mayroon kang kasamang iba.

Ninanais din ng Diyos na maggugol ng panahon kasama natin. Nais Niya ang isang personal na relasyon. Nilikha Niya tayo bilang mga indibidwal, na “hinugis Niya sa tiyan ng ating ina” (Awit 139:13). Alam ng Diyos maging ang pinaka-personal na detalye ng ating mga buhay gaya ng bilang ng ating buhok (Lukas 12:7). Kilala din Niya ang mga maya ngunit “higit tayong mahalaga kaysa sa mga maya” (Mateo 10:29, 31). Iniimbitahan Niya tayo na lumapit sa Kanya at kilalanin Siya (Isaias 1:18; Pahayag 22:17; Awit ni Solomon 4:8). Kung nanaisin natin na makilala ang Diyos sa isang malapit na kaparaanan, maaga natin Siyang hahanapin (Awit 63:1) at gugugol tayo ng panahon kasama Niya. Magiging katulad tayo ni Maria na umupo sa paanan ni Hesus upang making sa Kanyang pagtuturo (Lukas 10:39). Mauuhaw tayo sa katuwiran at bubusugin Niya tayo (Mateo 5:6).

Maaaring ang pinakamagandang dahilan sa paggugol ng panahon kasama ang Diyos ay ang pagsunod sa halimbawa ng Bibliya. Sa Lumang Tipan, makikita natin na tinawag ng Diyos ang mga propeta na lumapit sa Kanya na mag-isa. Kinatagpo ng Diyos si Moises ng mag-isa sa bundok ng Sinai. Si David, na ang maraming imno ay nagpapakita ng kanyang pagiging malapit sa Diyos ay laging nakikigpagniig sa Kanya kahit habang tumatakas kay Haring Saul (Awit 57). Dumaan ang presensya ng Diyos habang nasa loob ng isang kuweba si Elias. Sa Bagong Tipan, gumugol si Hesus ng maraming oras na magisang nananalangin sa Diyos Ama (Mateo 14:13; Markos 1:35; Markos 6:45-46; Markos 14:32-34; Lukas 4:42; Lukas 5:16; Lukas 6:12; Lukas 9:18; John 6:15). Aktwal na itinuro sa atin ni Hesus na maggugol ng panahon sa pananalangin sa Diyos habang nagiisa: “Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim” (Mateo 6:6a).

Upang makapagtiwala kay Hesus bilang ating Panginoon (Juan 15:1-8), Kailangan natin na direktang makipagugnayan sa Kanya. Gaya ng isang sanga na direktang nakaugnay sa puno at sa pamamagitan ng puno ay nakakabit sa iba pang mga sanga, tayo rin ay nakakonekta kay Kristo at dahil dito ay kabahagi ng isang komunidad. Naggugugol tayo ng personal na oras sa pananalangin sa Diyos gayundin habang kasama ng ibang mananampalataya para sa ating ikakalago. Kung hindi tayo naggugugol ng panahon na magisang nananalangin sa Diyos, hindi matutugunan ang ating mga pangangailangang espiritwal; at hindi natin tunay na mauunawaan ang kahulugan ng isang buhay na ganap at kasiya siya na ibinibigay sa atin ng Diyos.

Ang paggugol ng panahon na magisa kasama ang Diyos ang maglalayo sa ating isip sa mga kaabalahan sa buhay upang maituon natin ang ating atensyon sa Kanya at sa Kanyang Salita. Sa pagsunod at pananatili sa Kanya, matatamasa natin ang isang buhay na malapit sa Diyos kung saan tayo tinawag. Sa pamamagitan nito, higit na makikilala natin ang ating Diyos at Ama.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga na maggugol ng panahon na mag-isa kasama ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries