settings icon
share icon
Tanong

Ano ang disenyo ng Bibliya para sa pamumuno sa iglesya?

Sagot


May natatanging disenyo para sa pamunuan ng iglesya sa Bagong Tipan, bagamat ang disenyong ito ay tila ipinagpapalagay lamang sa halip na ipag-utos. Binabanggit ng Bagong Tipan ang dalawang opisyal na posisyon sa iglesya: ang mga diyakono at matatanda na tinatawag ding mga pastor o tagapangasiwa.

Ang mga salitang matanda (na minsan ay isinasalin sa salitang “presbitero”), pastor (na maaaring isalin sa salitang “pastol”), at tagapangasiwa (na minsan ay isinasalin sa salitang “obispo”) ay salitan na ginagamit sa Bagong Tipan. Bagama’t ang mga terminolohiyang ito ay ay laging magkakaiba ng pakahulugan sa iba’t ibang mga iglesya ngayon, tila ginagamit ng Bagong Tipan ang mga salitang ito sa parehong tungkulin na inookupahan ng ilang makadiyos na lalaki sa bawat iglesya. Ang mga sumusunod na mga talata ang naglalarawan kung paanong nagkakapareho ang kahulugan ng mga salita at ginagamit ng salitan:

Sa Gawa 20:17–35, sinusulatan ni Pablo ang mga tagapanguna ng iglesya sa Efeso. Tinatawag silang matatanda sa talatang 17. Pagkatapos, sa talatang 28 kanyang sinabi, “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.” Sa talatang ito, ang matatanda ay tinatawag na tagapangasiwa at ang kanilang tungkulin bilang mga pastor ay ipinahiwatig habang ang iglesya ay tinatawag naman na “kawan.”

Sa Tito 1:5–9, ibinigay ni Pablo ang mga kwalipikasyon ng matatanda sa iglesya (talata 5) at sinasabi na ang mga kwalipikasyong ito ay kinakailangan dahil ang tagapangasiwa ay, “kailangang walang kapintasan” (talata 7). Sa 1 Timoteo 3:1–7, ibinibigay ni Pablo ang mga kwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa na sa esensya ay pareho ng kwalipikasyon para sa matatanda sa aklat ng Tito. Sa 1 Pedro 5:1–4, sinabi ni Pedro sa matatanda na “pangalagaan ang kawan ng Diyos.” Mula sa mga talatang ito, makikita natin na ang opisina o tungkulin ng matanda/pastor-pastol/tagapangasiwa-obispo ay iisa. Ang mga may taglay ng tungkuling ito ay nangunguna, nagtuturo, at nagbabantay sa iglesya na tulad sa isang pastol.

Sa karagdagan, makikita natin na ang bawat iglesya ay may mga matatanda (pangmaramihan). Ang matatanda ay inaasahan na mamumuno at magtuturo (1 Timoteo 5:17). Ang disenyo ng Bibliya ay isang grupo ng mga lalaki (at laging lalaki ang matatanda) ang responsable sa espiritwal na pangunguna at ministeryo sa iglesya. Walang banggit tungkol sa isang iglesya na may iisang matanda o pastor na may kapamahalaan sa lahat, o may pamamahala sa kongregasyon (bagama’t ang kongregasyon ay may bahagi).

Habang ang matatanda ay responsable sa pagtuturo at pangunguna sa kawan, napakarami pang dapat na gawin sa pisikal na aspeto. Ang tungkulin ng isang diyakono ay nakatuon sa pagkatagpo sa mga pisikal na pangangailangan ng iglesya. Sa Gawa kabanata 6, kinakatagpo ng iglesya sa Jerusalem ang mga pisikal na pangangailangan ng maraming tao sa iglesya sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain. May ilan sa mga balo na pumunta sa mga apostol dahil hindi nila nakukuha ang kanilang mga pangangailangan. Tumugon ang mga apostol, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay” (Gawa 6:2). Para magaanan ang mga apostol, sinabihan nila ang mga tao na “pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita” (Gawa 6:3–4). Bagama’t ang mga lalaking pinili dito ay hindi tinatawag na mga diyakono, mas maraming iskolar ng Bibliya ang nagsasabi na sila ang mga unang diyakono, o ang mga unang nagkaroon ng ganitong posisyon. Ang salitang diyakono ay simpleng nangangahulugan ng “lingkod.” Ang mga diyakono ay itinalaga ng mga opisyal ng iglesya para katagpuin ang mga pisikal na pangangailangan ng iglesya, na pinagagaan ang trabaho ng matatanda para sila makagawa ng mas maraming ministeryong espiritwal. Ang mga diyakono ay nararapat na nakaabot sa pamantayang espiritwal at ang mga kwalipikasyon para sa kanila ay ibinigay sa 1 Timoteo 3:8–13.

Sa paglalagom, ang matatanda ay nangunguna at ang mga diyakono ay naglilingkod. Ang mga kategoryang ito ay hindi ekslusibong magkakasama. Pinaglilingkuran ng matatanda ang kanilang kawan sa pamamagitan ng pangunguna, pagtuturo, pananalangin, pagpapayo, atbp; at ang mga diyakono naman ang maaaring manguna sa iba sa paglilingkod. Sa katunayan. Ang mga diyakono ay maaaring maging mga tagapanguna sa mga grupong naglilingkod sa loob ng iglesya. Gayunman, walang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng mga responsable sa espiritwal na pangunguna sa iglesya at ng mga responsable sa paglilingkod.

Kaya nga, ano ang katayuan ng kongregasyon sa disenyo ng pamumuno sa iglesya? Sa aklat ng mga Gawa kabanata 6, ang kongregasyon ang pumili ng mga diyakono, kaya marami sa mga iglesya ngayon ang hinahayaan ang kongregasyon na magtalaga at magpatibay ng mga diyakono sa iglesya. At siyempre, ang mga miyembro ng kongregasyon ang dapat na maging pangunahing mga lingkod at mangangaral ng ebanghelyo sa ligaw na mundo. Ang ideya na umuupa ang kongregasyon ng mga propesyonal na ministro para gawin ang gawain ng iglesya ay hindi ayon sa Bibliya.

May mga pagkakaiba-iba sa pangunguna ng iglesya sa panahon ngayon dahil ito ay isa lamang pangunahing disenyo; ang bawat detalye ay hindi iniutos sa Kasulatan. Ang pangunahing disenyo na makikita sa Bagong Tipan ay dapat na marami ang makadiyos na matatandang lalaki na siyang responsable para sa pangunguna at pagtuturo sa iglesya at ang mga makadiyos na mga diyakono naman ang responsable sa pangangalaga sa mga pisikal na aspeto ng ministeryo ng iglesya. Pinoprotektahan ng mga matatanda ang iglesya sa mga kahinaan at posibleng pagabuso ng nagiisang tagapanguna. Hangga’t ang pangunahing disenyong ito ay sinusunod, tatakbo ang iglesya ayon sa disenyo ng Bibliya. Ang pagkakaroon ng nagiisang pastor na komokontrol sa iglesya ay hindi ayon sa disenyo ng Bibliya at hindi ang tamang kaayusan kung saan ang pastor ang gumagawa para sa mga diyakono na siya namang nagpapatakbo sa iglesya. Dapat na sumunod ang kongregasyon sa pangunguna ng mga pastor na sumusunod kay Cristo. Sa kanilang karunungan, maaaring humingi ang mga matatanda sa iglesya ng pagsang-ayon ng kongregasyon sa mga malalaking desisyon, ngunit hindi dapat na ang kongregasyon ang masusunod sa huli. Ang responsibilidad ng pagdedesisyon ay nakaatang sa mga matatanda/pastor/at mga tagapanguna na mananagot kay Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang disenyo ng Bibliya para sa pamumuno sa iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries