Tanong
Ano ang susi upang mamunga ang isang Kristiyano?
Sagot
Sa isang natural na mundo, ang bunga ay resulta ng isang malusog na halaman na namumunga ayon sa kanyang disenyo (Genesis 1:11-12). Ngunit sa Bibliya ay kalimitang tumutukoy ang salitang bunga sa panlabas na kilos na dulot ng kalagayan ng puso.
Ang mabubuting bunga ay mula sa Banal na Espiritu. Kapag sinimulan natin ito sa Galacia 5:22-23: “ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kapag ang Banal na Espiritu ay hinayaan nating gumawa sa buhay natin, lalong nahahayag ang mga bungang ito sa atin (Galacia 5:16, 25). Kaugnay nito, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad na, “Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga” (Juan 15:16). Ang matuwid na bunga ay mayroong walang hanggang pakinabang.
Malinaw na sinabi sa atin ni Jesus kung ano ang dapat nating gawin upang mamunga ng mabuti. Ang sabi Niya, “Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin. “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin” (Juan 15:4-5). Ibig sabihin nito, kinakailangang matibay na nakaugnay ang isang sanga sa puno upang manatili itong buhay. Kaya nga, bilang mga alagad ni Cristo, kinakailangang matibay tayong nakaugnay sa Kanya upang manatili tayong mabunga sa espirituwal. Sapagkat ang sanga ay kumukuha ng lakas, pag aalaga, proteksyon at sigla mula sa puno. ngunit ito ay dagling mamamatay at hindi na magbubunga kapag ito ay naputol. Gayundin naman, Tayo ay nagiging katulad ng sangang hiwalay sa puno kapag napapabayaan natin ang ating buhay espirituwal, binabalewala natin ang Salita ng Diyos, madalang tayong manalangin, at tumatanggi tayong ipasiyasat sa Banal na Espiritu ang ating buhay. Kaya't kailangan nating isuko ang ating buhay sa Kanya, laging makipag ugnayan, at ugaliin ang araw-araw--o bawat oras--na pagsisisi at ugnayan sa Banal na Espiritu upang magawa nating “mamuhay ayon sa Espiritu at mapagtagumpayan ang pagnanasa ng laman” (Galacia 5:16). Ang pananatiling matalik na nakaugnay sa Tunay na Puno ng ubas ang tanging paraan upang “patuloy na mamunga kahit sa katandaan” (Awit 92:14), upang “sa pagtakbo ay hindi mapagod” (Isaias 40:31), at upang “hindi mapagod sa paggawa ng mabuti” (Galacia 6:9).
Ang isa sa huwad na katibayan ng pamumunga ay pagkukunwari. Maaari tayong maging bihasa sa mga gawain, bukabularyo, at “kilos Kristiyano,” ngunit hindi naman natin nararanasan ang tunay na kapangyarihan ng Espiritu at hindi tayo namumunga ng pang walang hanggan. Kaya't kahit nakikita sa atin na tayo ay naglilingkod sa Diyos, mananatili pa rin sa ating puso ang pagiging makasarili, ang galit, at kawalan ng kagalakan. Madali tayong mabubulid sa kasalanan ng mga Pariseo noong panahon ni Jesus na ang iniisip ay kung paano magiging kanais nais sa pisikal na paningin ng iba ngunit napapabayaan naman ang puso na pinagmumulan ng mabubuting bunga. Ibig sabihin, kapag ang iniibig, hinahangad, pinagsisikapan, at kinatatakutan natin ay ang mga bagay na ginagawa ng sanlibutan, ipinapakita nito sa atin na hindi tayo tunay na nananatili o sumusunod kay Cristo. Maaaring tayo ay puno ng mga gawaing may kaugnayan sa simbahan. Ngunit, hindi natin napapagtanto na ang atin palang buhay ay hindi namumunga (1 Juan 2:15-17).
Ang ating mga gawa ay susubukin sa apoy. Gamit ang iba pang pagwawangis maliban sa bunga, sinasabi sa 1 Corinto 3:12-14 na, “..kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.
Ang Diyos ang humahatol kahit sa ating iniisip at motibo. At ang lahat ay mahahayag sa liwanag kapag humarap na tayo sa Kanya (Hebreo 4:12-13). Kahit ang isang dukhang babaing balo sa kubong may isang silid ay makakapamunga ng kasindami ng sa isang ebanghelista sa telebisyon na nangunguna sa malalaking krusada, kung ang lahat sa buhay niya ay nakasuko sa Diyos at ipapagamit niya ang lahat ng mayron siya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. At kung paanong ang mga bunga ng bawat puno ay magkakaiba gayundin naman ang ating bunga ay magkakaiba. Tandaan natin na alam ng Diyos kung ano ang mga ipinagkatiwala Niya sa atin at ang inaasahan Niyang gagawin natin sa mga bagay na ito (Lucas 12:48). Ang ating katungkulan sa Diyos ay “maging tapat sa maliit na bagay” upang pagkatiwalaan Niya tayo sa malaking bagay (Mateo 25:21).
English
Ano ang susi upang mamunga ang isang Kristiyano?