Tanong
Pamumuhay para sa Diyos – bakit napakahirap nitong gawin?
Sagot
Itinuro ni Jesus sa mga nagnanais na sumunod sa Kanya na pasanin ang kanilang krus, tayahin ang kapalit ng pagiging alagad, at isuko ang lahat ng bagay (Lukas 14:25—33). Sinabi ni Jesus, “Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay” (Mateo 7:14). Binabanggit ng Kasulatan ang maraming anak ng Diyos na lumakad sa makipot na daang iyon—sina Daniel, Elias, Joseph, at Juan Bautista ang ilan sa mga halimbawa.
Ipinapakita sa Roma 7 na ang pamumuhay para sa Diyos ay mahirap para sa ating lahat. Isinulat ni apostol Pablo ang kanyang sariling paghihirap: “Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan?” (mga talatang 22–23).
Bago tayo nakakilala kay Cristo, wala tayong magawa kundi magkasala. Wala tayong pagpipilian. Ang ating mga motibo ay bigyang kasiyahan ang ating sarili. Kahit ang ating pagkakawanggawa ay ating ginagawa dahil sa pansariling motibo: gumagawa tayo ng mabuti dahil maganda iyon sa ating pakiramdam, para pawiin ang paguusig ng ating budhi o pambayad konsensya, o pataasin ang ating reputasyon sa paningin ng ibang tao. Sa oras ng ating kaligtasan, nanahan ang Banal na Espiritu sa ating mga espiritu. Sinira Niya ang kapangyarihan ng kasalanan na bumihag sa ating mga buhay at pinalaya tayo para sumunod sa Diyos. Ang ating mabubuting gawa ay udyok ng pag-ibig sa halip na dahil sa paguusig ng budhi (Ezekiel 36:26–27).
Ngunit humaharap pa rin tayo sa tukso sa panloob at sa panlabas (2 Corinto 7:5). Tinatawag ng Bibliya ang ating dating makasalanang kalikasan na “laman” at binabalaan tayo na ang sinumang namumuhay sa laman ay hindi maaring kalugdan ng Diyos (Roma 8:8). Kahit ang mga Kristiyano ay maaaring “mamuhay sa laman.” Bagama’t nananahan na ang Banal na Espiritu sa puso ng bawat mananampalataya (1 Corinto 3:16; 6:19), nakasalalay sa bawat isa sa atin kung gaano kalaking kontrol ang hahayaan nating ibigay sa Banal na Espiritu. Inutusan tayo na “lumakad sa Espiritu at huwag bigyang kasiyahan ang mga pita ng laman” (Galatia 5:16, 25). Sa pamamagitan lamang ng pagsaalang-alang sa ating mga sarili na “ipinakong kasama ni Cristo” (Galatia 2:19–20) na tayo ay mananatiling lumalakad sa Espiritu.
Hindi nagtungo si Jesus sa mundo para baguhin ang ating laman kundi para ipako ito (Roma 6:6–7). Pero ayaw mamatay ng laman. Hindi madaling mamatay ang malalim na pagnanasa na bigyang kasiyahan ang ating mga sarili at makisang-ayon sa mundo. Kung nanghahawak tayo sa ating mga karapatan, opinyon, at mga plano, nananatiling tayo pa rin ang panginoon ng ating mga buhay. Ngunit kung isusuko natin ang ating kalooban sa altar sa harap ng Panginoon, mamamatay tayo sa ating mga sarili. Mapupuspos tayo ng Banal na Espiritu at ganap na makokontrol Niya (Gawa 4:8; 13:52; Efeso 5:18). Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu tayo makakapamuhay ng isang buhay na nakakaluwalhati sa Diyos. Tanging ang kapangyarihan lamang ng Banal na Espiritu ang magbubunga sa atin ng mabubuting gawa na malaya sa legalismo at pagmamataas.
Ang pagnanais na maging katanggap-tanggap sa mundo ang pinakamalaking daluyan ng pakikipagkompromiso para sa mga Kristiyano. Hindi natin nais na pagtawanan, laitin at humarap sa anumang uri ng paguusig. Mas katanggap-tanggap na sukatin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng pamantayan ng mga tao sa ating paligid sa halip na sa pamamagitan ng pamantayan ng Salita ng Diyos (2 Corinto 10:12). Ngunit sinasabi ni Santiago 4:4, “Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”
Kung pinaniniwalaan natin ang maling ideya na gagawing magaan ng ating kaligtasan ang ating mga buhay, tiyak na mabibigo tayo. Ang mga lumapit kay Cristo dahil sa “magagandang bagay” na Kanyang iniaalok ay laging tumatalikod matapos nilang matanto na ang pagtanggap sa Kanya ay nangangahulugan na mayroon na silang bagong Amo. Noong narito pa sa lupa si Jesus, nagustuhan ng mga tao ang libreng pagkain at mga himala. Ngunit ng magsimula Siyang magturo ng mabibigat na bagay ng Ebanghelyo, “marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya” (Juan 6:66).
Hindi tayo makakapaglingkod sa Diyos at sa ating mga sarili (tingnan ang Lukas 16:13). Ang pamumuhay para sa Diyos ay nangangahulugan na gagawa tayo ng ultimong desisyon kung sino talaga ang mangunguna sa atin. Sa tuwing nagsisimula ang ating laman na gamitin ang mga karapatan nito, dapat nating dalhin ito muli pabalik sa krus at hayaan itong mamatay. Sa tuwing tinutukso tayo ng kasalanan, tapos na ang ating desisyon: ang kalooban ng Diyos ang ating susundin hindi ang sa atin. Sinasabi ni Pablo sa Galatia 1:10, “Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.”
Maaring mahirap ang pamumuhay para sa Diyos ngunit puno ito ng kagalakan. Isinulat ni Pablo ang pinakamasaya niyang sulat habang nagdaranas siya ng paguusig sa Roma (tingnan ang aklat ng Filipos). Humaharap pa rin tayo sa mga tukso at kahirapan ngunit kung ang kaluwalhatian ng Diyos ang pinagtutuunan natin ng pansin, ang pamumuhay para sa Kanya ay magiging kadluan ng ating kagalakan sa halip ng kapaguran (Awit 100:2; 1 Corinto 6:20; 1 Pedro 4:16).
English
Pamumuhay para sa Diyos – bakit napakahirap nitong gawin?