Tanong
Ano ang pinakang susi upang magtagumpay sa pakikipaglaban sa kasalanan?
Sagot
Ang susi upang magtagumpay laban sa kasalanan ay hindi nakasalalay sa ating sarili, kundi sa Diyos at sa kanyang katapatan sa atin: ”Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo” (Awit 145: 18; tingnan din ang Awit 46:1).
Hindi na kailangang magpaliguy-ligoy pa: lahat tayo nakikipaglaban sa kasalanan (Roma 3:23). Kahit ang dakilang apostol na si Pablo ay nananaghoy habang siya ay nakikipaglaban sa kasalanan sa kanyang buhay: ”Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin” (Roma 7:18-20). Makikita natin na tunay ang pakikibaka ni Pablo sa kasalanan; sapagkat gayun na lamang ang kanyang pagdaing na, “ Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan?” (Roma 7:24).
At pagdaka ay sinagot niya ang sarili niyang katanungan, gayun din ang sa atin: “Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!” (Roma 7:25). Sa mga talatang ito ay hindi lamang si Pablo nagbigay sa atin ng pinaka susi upang magtagumpay tuwing tayo ay nakikipaglaban sa kasalanan, kundi ipinaliwanag din niya ang walang katapusang tunggalian sa pagitan ng makasalanang kalikasan at kalikasang espirituwal: “Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan” (Roma 7:25).
Sa mga naunang talata ay binanggit ni Pablo na, “Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan” (Roma 7:14). Dito ay inihahambing niya ang ating makasalanang kalikasan at pagiging makalaman sa isang alipin. Kung paanong ang isang alipin ay sumusunod sa kanyang panginoon, gayundin naman ang ating laman ay nagpapasakop sa kasalanan. Gayunman, bilang mga nananalig kay Cristo, tayo ay nabubuhay na sa espiritu at nasasaklaw na ng kanyang kautusan; ang ating puso ay nasa ilalim na ng pagmamay ari at kagandahang-loob ng Diyos at ng buhay ni Cristo (Roma 5:21). Ang ating kasalanan at pagnanasang makalaman ay nananatili sa atin habang tayo ay nabubuhay sa mundong ito. Subalit mayroon na tayong bagong pagkatao at kalikasan dahil kay Cristo. Kaya't ang bunga nito ay tunggalian sa pagitan ng mga gusto nating gawin at ng mga ginagawa natin, habang patuloy tayong inaatake ng kasalanan. Ang pakikibakang ito ay normal na bahagi ng ating pamumuhay bilang Kristiyano.
Dapat din nating tandaan na ipinahayag ng dakilang apostol na si Pablo na sa lahat ng makasalanan ay, “siya ang pinakamasama!” (1 Timoteo 1:15). Pinatutunayan niya ang ating pakikipaglaban sa kasalanan at mga tukso sa ating buhay. ang pakikibakang ito ay tunay, at sadyang nagdudulot ng kapanghinaan sa atin. Tayo ay mapapagod sa walang katapusang tukso at pagiging kapos sa kaluwalhatian ng Diyos. Ibig sabihin, ipinapaunawa sa atin ni Pablo na hindi natin kailangang magkunwaring hindi tayo natitinag ng ating mga pakikipaglaban sa kasalanan. Naranasan na niya ito. at kanyang nauunawaan. At kahit tayo ay desperado na sa ating pagsisikap na gumawa ng mabuti, mayroon tayong pag asa sa pamamagitan ni Jesu-Cristong Panginoon natin” (Roma 7:25; Hebreo 4:5). Sapagkat ang totoo ay Siya lamang ang susi upang mapagtagumpayan natin ang kasalanan.
Ang tunay na Kristiyano ay nakikipagdigma kay Satanas at sa kanyang araw-araw na pagsisikap upang tayo ay papanghinain. Ang Diyablo ang naghahari sa sanlibutang ito kaya't tayo ay nabubuhay “malapit sa teritoryo ng kaaway” (Efeso 2:2; Efeso 6:12; Juan 12:31). Gayunman, dahil tayo ay nakatuon kay Cristo, magagawa nating linangin ang pag iisip na mas mainam pa ang mamatay kaysa makagawa ng anumang bagay na magdudulot ng sakit sa Diyos. Kapag ibinigay natin ng lubos ang ating sarili kay Cristo (Mateo 16:24), lalayuan tayo ni Satanas. at kapag lumapit naman tayo sa Diyos ay tiyak na nariyan Siya para sa atin ( Santiago 4:7-8).
Ang ating susi upang magtagumpay sa ating pakikipaglaban sa kasalanan ay nakasalalay sa mga pangako ng Diyos: “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito” (1 Corinto 10:13). At bilang mga tunay na sumasampalataya kay Cristo, na “maaaring makaranas ng mga pagsubok na hindi natin kayang tiisin” (2 Corinto 1:8), ay maaari nating alalahanin ang pangungusap ni Pablo na makapagbibigay sa atin ng katiyakan, “Iniligtas niya kami.., at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas” (2 Corinto 1:10). At sa huli, ay binibigyan tayo ng mang aawit ng katagang magpapalakas ng ating loob: “Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain, Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala” (Awit 37:3-5).
English
Ano ang pinakang susi upang magtagumpay sa pakikipaglaban sa kasalanan?