Tanong
Ayos lang bang makipagkaibigan sa mga hindi mananampalataya?
Sagot
Bilang mga Kristiyano, lagi tayong humaharap sa mga tukso at paglaban ng mga hindi mananampalataya sa ating paligid. Ang lahat ng ating nakikita, nababasa, ginagawa, naririnig, at inilalagay sa ating mga katawan ay nakakaapekto sa atin sa ilang paraan. Kaya para tayo magkaroon ng patuloy na malapit na relasyon sa Diyos, dapat nating isantabi ang ating dating makasalanang pamumuhay – ang mga pinapanood natin sa telebisyon, ang dating masasamang bisyo, (paglalasing, paninigarilyo atbp.), ang mga aktibidad na ating sinasalihan, at ang mga taong ating nakakasalamuha sa tuwina. Nahahati ang mga tao sa dalawa lamang katergorya, ang mga makasanlibutan - sa pinuno nilang si Satanas, at ang mga anak ng Diyos (Gawa 26:18). Ang dalawang grupong ito ng tao ay inilarawan sa kanilang pagkakasalungatan sa buong Bibliya; ang mga nasa dilim/at ang mga nasa liwanag; ang mga may buhay na walang hanggan/at ang mga mapapahamak sa walang hanggan; ang mga may kapayapaan sa Diyos/at ang mga lumalaban sa Diyos; ang mga naniniwala sa katotohanan/at mga naniniwala sa kasinungalingan; ang mga lumalakad sa makipot na daan patungo sa kaligtasan/at ang mga tumatahak sa maluwang na daan patungo sa kapahamakan, at marami pang iba. Maliwanag na ang mensahe ng Bibliya ay nararapat na mabuhay ang mga mananampalataya ng kakaiba sa mga hindi mananampalataya at sa pananaw na ito dapat nating suriin kung anong uri ng pakikipagkaibigan ang maaari tayong magkaroon sa mga hindi mananampalataya.
May ilang matalinong talata ang aklat ng Kawikaan tungkol sa pakikipagkaibigan sa mga hindi mananampalataya: “Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay, ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw” (Kawikaan 12:26). Dapat tayong lumayo sa mga taong hangal (Kawikaan 13:20; 14:7), sa mga taong madaling magalit (Kawikaan 22:24), at sa mga rebelde sa Diyos (Kawikaan 24:21). Ang lahat ng mga ito ay naglalarawan sa mga taong hindi ligtas. “Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman?” (2 Corinto 6:14). Sinasabi sa atin sa 1 Corinto 15:33 na nakakasira sa paguugali ang isang masamang kasama. Ang mga hindi mananampalataya ay mga alipin ng kasalanan (Juan 8:34), habang ang mga Kristiyano naman ay mga alipin ng Diyos (1 Corinto 7:22). Kung magiging malalim ang ating pakikipagugnayan (sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan o romantikong relasyon) sa mga hindi Kristiyano, inilalagay natin ang ating mga sarili sa kaguluhan. Maaari itong maging dahilan ng pagkatisod ng ibang Kristiyano sa kanilang paglakad sa Panginoon at magbulid sa kanila pabalik sa makasalanang pamumuhay at maimpluwensyahan ang iba palayo sa Diyos (sa pamamagitan ng maling representasyon sa Diyos at sa Kristiyanismo). Ang isa pang masamang epekto ng pagiging malapit sa mga hindi mananampalataya ay ang pagkahilig na pababawin ang mga katotohanan ng Kasulatan para hindi makasakit ng damdamin. Maraming masasakit na katotohanan sa Salita ng Diyos gaya ng paghatol at impiyerno. Kung pinapababaw o hindi natin itinuturo ang mga doktrinang ito, sa esensya, ginagawa nating sinungaling ang Diyos alang alang sa mga taong hawak ni Satanas. Hindi ito tunay na pageebanghelyo.
Bagama’t hindi inirerekomenda ang malapit na relasyon sa mga hindi mananampalataya, hindi ito nangangahulugan na hindi natin papansinin ang mga hindi mananampalataya. Sinasabi sa atin sa 2 Timoteo 2:24-26 na dapat na marunong makisama at hindi nakikipagaway ang mga lingkod ng Diyos. Dapat na mahinahon nating turuan ang mga lumalaban sa katotohanan at maging matiyaga sa mga taong mahirap pakisamahan. Sinasabi sa atin sa Mateo 5:16, “Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.” Dapat nating paglingkuran ang mga hindi mananampalataya para makita nila ang kagandahang loob ng Diyos sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at lumapit sila sa Kanya sa pagpupuri. Sinasabi sa Santiago 5:16 na malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid, kaya dapat nating ipanalangin ang mga mananampalataya at tutugunin tayo ng Diyos.
Maraming tao ang nakaranas ng kaligtasan dahil sa mga panalangin at paglilingkod ng mga Kristiyano, kaya’t hindi natin dapat talikuran ang mga hindi mananampalataya. Pero ang pagkakaroon ng kahit anong malapit na relasyon sa isang hindi mananampalataya ay maaaring maging mabilis na dahilan para maging hadlang iyon sa ating paglakad kasama ni Cristo. Tinawag tayo para mangaral ng ebanghelyo sa mga naliligaw, hindi para maging malapit na kaibigan nila. Walang masama sa pagkakaroon ng de-kalidad na pakikipagkaibigan sa mga hindi mananampalataya ngunit ang pangunahin nating dapat pagtuunan ng pansin ay ang pag-akay sa kanila patungo kay Cristo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo at pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa ating sariling buhay.
English
Ayos lang bang makipagkaibigan sa mga hindi mananampalataya?