settings icon
share icon
Tanong

Paano ko malalaman kung ang naririnig ko ay ang Diyos, si Satanas, o ang aking sariling pagiisip?

Sagot


Ang buhay ay puno ng mga hindi siguradong desisyon, sa pangalan, at direksyon ng Bibliya sa mga bagay dito sa lupa. Ilang oras sa isang araw ko dapat hayaang manood ng telebisyon o maginternet ang aking anak? Okay lang bang maglaro ng ilang video games? Maaari ba akong makipagrelasyon sa isang kamanggagawa? Okay lang bang umabsent sa trabaho dahil masyado akong napuyat kagabi? May mga opinyon tayo tungkol sa katotohanan, pero paano natin matitiyak na ang mga ideyang iyon ay galing sa Diyos? Ang Diyos ba ang aking naririnig? O ang sarili ko lamang ang aking naririnig? O mas malala, baka ang naririnig ko ay ang mga tukso ni Satanas na nagpapanggap bilang Banal na Espiritu? Minsan mahirap kilalanin ang pagkakaiba sa ating sariling mga ideya at sa Diyos. At kung ang ating mga naiisip ay aktwal na nanggagaling sa kaaway ng ating mga kaluluwa at sa Diyos, paano natin “bibihagin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo” (2 Corinto 10:5) kung hindi tayo tiyak kung saan nanggagaling ang ating mga iniisip?

Pinakakaraniwan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Bibliya, ang Kanyang kinasihang Salita na iningatan sa loob ng maraming siglo para sa atin sa kasalukuyan. Pinapaging banal tayo sa pamamagitan ng Salita ng Diyos (Juan 17:17), at ang Salita ng Diyos ang liwanag sa ating landas (Awit 119:105). Maaari din tayong gabayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga nangyayari sa ating buhay (2 Corinto 2:12), sa udyok ng Espiritu (Galatia 5:16), at sa pamamagitan ng mga makadiyos na tagapayo (Kawikaan 12:15). Kung nais ng Diyos na mangusap sa atin, walang makakapigil sa Kanya. Narito ang ilang paraan para malaman kung saan nanggagaling ang ating mga naiisip:

Manalangin

Kung nalilito tayo kung ang saan nanggagaling ang ating naririnig, magandang manalangin para sa karunungan (Santiago 1:5). (Magandang manalangin para sa karunungan kahit hindi tayo nalilito!) Dapat nating hilingin sa Diyos na ipakita Niya sa atin ng malinaw ang Kanyang kalooban. Kung tayo’y nananalangin, dapat tayong “magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan” (Santiago 1:6). Kung wala tayong pananampalataya, “hindi tayo dapat umasa na tatanggap ng anuman mula sa Panginoon” (Santiago 1:7).

Sabihin mo sa Diyos ang iyong kahilingan at matiyagang maghintay sa Kanyang sagot. Gayunman, dapat na isaisip na hindi ibinibigay ng Diyos ang lahat ng ating nais at minsan ang kanyang sagot ay “Hindi.” Alam Niya ang ating mga pangangailangan sa lahat ng panahon at ipapakita Niya sa atin kung ano ang pinakamaganda para sa atin. Kung ang sagot ng Diyos ay “Hindi,” mapapasalamatan natin Siya sa malinaw Niyang direksyon at makakapagumpisa tayo mula doon.

Pagaralan ang Salita ng Diyos

Ang Bibliya ay tinatawag na Salita ng Diyos—ito ang pangunahing paraan para Siya mangusap sa atin. Ito din ang paraan para natin matutunan ang Kanyang mga katangian at pakikipagugnayan sa Kanyang bayan sa kasaysayan. Ang lahat ng Kasulatan ay “hiningahan ng Diyos” at ito ang gabay para sa isang matuwid na pamumuhay (2 Timoteo 3:16–17). Habang sinasabi natin sa Diyos ang ating mga kahilingan sa panalangin, nagsasalita Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Habang nagbabasa tayo, dapat nating isaalang-alang na ang mga salita sa Bibliya ay ang mismong Salita ng Diyos.

Anumang pagiisip, pagnanais, hilig, o udyok ay dapat na suriin sa Salita ng Diyos para sa paghahambing at pagsang-ayon. Hayaan natin na ang Bibliya ang maging hukom sa lahat ng ating iniisip. “Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso” (Hebreo 4:12). Gaano man ang halaga ng isang pagnanais, kung hindi ito sumasang-ayon sa Kasulatan, hindi ito sa Diyos at dapat na isantabi.

Sundin ang pangunguna ng Banal na Espiritu

Ang Banal na Espiritu ay Diyos—Siya ay Banal na persona na may isip, emosyon, at kalooban. Siya ay laging sumasaatin (Awit 139:7–8). Kabilang sa Kanyang mga gawain ang mamagitan para sa atin (Roma 8:26–27) at ang pagbibigay ng mga kaloob para sa kapakinabangan ng iglesya (1 Corinto 12:7–11).

Nais ng Banal na Espiritu na puspusin tayo (Efeso 5:18) at magbunga sa atin ng Kanyang mga bunga (Galatia 5:22–25). Anuman ang desisyon na ating ginagawa bawat araw, hindi tayo magkakamali kung nagpapakita iyon ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan atbp., para sa kaluwalhatian ng Diyos. Anumang bagay na ating maisip, dapat tayong matuto na “subukin ang mga espiritu” (1 Juan 4:1). Ang pagsunod ba sa ating iniisip ay hahantong sa ating pagiging kagaya ni Cristo? Ang pagiisip ba ng bagay na iyon ay magbubunga ng mas maraming bunga ng Espiritu sa aking buhay? Hindi tayo uudyukan ng Banal na Espiritu para bigyang kasiyahan ang makasalanang pagnanasa ng ating laman (Galatia 5:16); Lagi Niya tayong pangungunahan sa pagpapaging banal (1 Pedro 1:2). Ang buhay sa mundo ay isang espiritwal na labanan. Handa ang kaaway na guluhin ang ating isip para tayo akayin palayo sa kalooban ng Diyos (1 Pedro 5:8). Dapat tayong maging handa para tiyakin na ang ating nararamdaman at naririnig ay hindi lamang isang pakiramdam kundi nagmumula sa Diyos mismo.

Tandaan na nais ng Diyos na ipakita sa atin ang tamang landas na ating tatahakin. Hindi Niya nais na itago ang Kanyang kalooban sa sinumang humahanap sa Kanya.

Narito ang ilang magandang katanungan habang sinusuri natin kung ang ating naririnig ay mula sa Diyos: Ang mga ito ba ay malabo o nakakalito? Hindi ang Diyos ang may akda ng kalituhan at kaguluhan; Siya ang nagdadala ng kapayapaan (1 Corinto 14:33). Ang atin bang mga iniisip ay laban sa Salita ng Diyos? Hindi sasalungatin ng Diyos ang Kanyang sarili. Ang pagsunod ba sa ating mga naiisip ay magbubulid sa atin sa kasalanan? Ipinako na ng mga taong sumusunod sa Banal na Espiritu ang “kanilang laman at ang masasamang hilig nito” (Galatia 5:24–25).

Sa karagdagan, makabubuting humingi ng payo mula sa isang Kristiyanong kaibigan, miyembro ng pamilya, o isang pastor (Kawikaan 15:22). Nariyan ang ating mga pastor para tayo pangalagaan: “Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya” (Hebreo 13:17).

Hinadi nais ng Diyos na tayo ay mabigo. Kung mas nakikinig tayo sa Diyos, mas malalaman natin kung ang ating mga naiisip at nararamdaman ay mula sa Kanya o mula sa kaaway. Si Jesus, ang Mabuting Pastol ay nangako: “…Siya’y nangunguna sa kanila [sa mga tupa] at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig” (Juan 10:4). Maaaring magsalita ang iba, “ngunit hindi sila pakikinggan ng mga tupa” (talata 8). Mas kilala natin ang ating Pastol, mas hindi tayo magaalala tungkol sa pakikinig sa mga maling tinig.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko malalaman kung ang naririnig ko ay ang Diyos, si Satanas, o ang aking sariling pagiisip?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries