Tanong
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pakikibakang espiritwal?
Sagot
May dalawang pangunahing pagkakamali sa pagkaintindi ng mga Kristiyano tungkol sa pakikibakang espiritwal. Ang iba ay isinisisi ang bawat kasalanang nagagawa at bawat problemang dumarating sa buhay sa mga demonyo kaya't lagi silang nagpapalayas ng demonyo. Ang iba naman ay lubusang ipinagwawalang bahala ang pakikibakang espiritwal at ang katunayang sinasabi ng Biblia na ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo kundi laban sa mga espiritung naghahari sa himpapawid. Ang susi para sa matagumpay na pakikibakang espiritwal ay tuklasin kung ano ang itinuturo ng Diyos tungkol dito sa Bibliya. May mga pagkakataon na si Hesus ay nagpapalayas ng demonyo at mayroon din namang pagkakataon na pinagagaling Niya ang mga tao na hindi binabanggit ang tungkol sa demonyo. Si Pablo na apostol ni Kristo ay inatasan ang mga Kristiyano na labanan ang kanilang mga sariling kasalanan (Mga Taga Roma 6) at labanan din naman ang demonyo. (Mga Taga Efeso 6:10-18)
Sa sulat ni Pablo sa mga Taga Efeso 6:10-12 sinabi niya "Sa wakas, magpakatibay kayo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa Panginoon at sa tulong ng dakilang kapangyarihan niya. Isuot ninyo ang baluting kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga lalang ng diyablo. Sapagkat ang kalaban nati'y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito---ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid."
Si Arkanghel Miguel ang isang halimbawa ng nilalang na binigyan ng kapangyarihan ng Diyos. Siya ay nabanggit sa Judas 9. Si Miguel na marahil ang pinakamakapangyarihan sa mga anghel ng Diyos, gayunman hindi niya pinagwikaan si Satanas sa pamamagitan ng kaniyang sariling kapangyarihan sa halip ay kanyang sinabi dito, "Sawayin ka nawa ng Panginoon!" Sinasabi sa Pahayag 12:7-8 na sa katapusan ng sanlibutan si Satanas ay matatalo ni Arkanghel Miguel. Gayunman, sa pakikipagtalo niya kay Satanas, kinastigo ni Miguel si Satanas sa pangalan at kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng ating kaugnayan kay Hesu Kristo tayong mga Kristiyano ay may kapangyarihan laban kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Dahil lamang sa Kaniyang Pangalan nagkaroon tayo ng karapatan at kapangyarihan na pagsabihan at labanan si Satanas.
Inilalarawan sa Sulat sa mga taga Efeso 6:13-18 ang baluting espiritwal na ibinigay sa atin ng Diyos. Dapat tayong maging matatag sa pamamagitan ng bigkis ng katotohanan sa ating baywang, may sakbat na baluti ng katuwiran at ebanghelyo ng kapayapaan, may kalasag ng pananampalataya, turbante ng kaligtasan at ng tabak ng Espiritu sa pamamagitan ng pananalangin. Ano ang kinakatawan ng mga espiritwal na armas na ito sa ating pakikibakang espiritwal? Dapat tayong magsalita ng katotohanan laban sa mga kasinungalingan ni Satanas. Dapat tayong magtiwala sa katotohanan na tayo ay ginawang katwiran ng Diyos dahil sa pagpapakasakit ni Kristo para sa atin. Dapat nating ipahayag and Ebanghelyo kahit na gaano kahigpit ang ating nararanasang paguusig. Huwag tayong mag-aalinlangan sa ating pananampalataya sa Diyos, kahit gaano kalakas ang pag-atake sa atin. Ang ating pananggalang ay ang kasiguruhan ng ating kaligtasan na walang sinuman at anuman ang makakaagaw. Ang ating sandatang panlaban ang Salita ng Diyos hindi ang ating sariling mga kuru-kuro o damdamin. Dapat nating sundin ang halimbawang ibinigay sa atin ni Hesus na ang espiritwal na pagtatagumpay ay maaaring maganap sa pamamagitan ng panalangin.
Si Hesus ang ating tunay na halimbawa sa pakikibakang espiritwal. Tingnan natin kung paano Niya tinalo ang pag-atake ni Satanas nang Siya ay tuksuhin nito sa ilang. (Mateo 4:1-11). Ang bawat panunukso ni Satanas ay sinagot ni Hesus ng "Nasusulat."Ipinakita ni Hesus na ang buhay na Salita ng Diyos ang pinakamakapangyarihang sandata laban sa mga tukso ng kaaway. Kung si Hesus mismo ay ginamit ang Salita ng Diyos para labanan ang demonyo, kailangan ba nating gumamit ng iba pa?
Ang isang halimbawa kung papaano tayo hindi dapat na sumagupa sa hukbong espiritwal ay ang pitong mga anak na lalaki ni Esceva. Isinalaysay sa aklat ng Mga Gawa 19:13-16 "May ilang Judio roon na pagalagala at nagpapalayas ng masamang espiritu. Pinangahasan nilang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga inaalihan ng masasamang espiritu. Sinabi nila, "Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumabas kayo." Kabilang sa gumagawa nito ang pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong saserdoteng Judio na ang pangala'y Esceva. Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, "Kilala ko si Jesus. Kilala ko rin si Pablo. Ngunit kayo---sino kayo?" At sila'y nilundag ng lalaking inaalihan ng masamang espiritu. Ang mga Judio'y nagahis nito at pinahirapang mabuti anupat hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon." Ang pitong anak na lalaki ni Esceva ay ginamit lamang ang pangalan ni Hesus. Ngunit hindi iyon sapat. Wala silang relasyon kay Hesus at dahil dito, ang kanilang mga salita ay walang bisa at kapangyarihan. Ang pitong anak na lalaki ni Esceva ay umasa sa kanilang sariling kaparaanan. Hindi sila umasa kay Hesus na kanilang Panginoon at Tagapagligtas at hindi nila ginamit ang Salita ng Diyos sa kanilang espiritwal na pakikibaka. Dahil dito, sila ay tumanggap ng kahiya-hiyang pagkatalo. Sana ay matuto tayo sa kanilang halimbawa at gawin natin ang pakikibakang espiritwal ayon sa itinuturo ng Biblia.
Kaya nga, ano ang susi sa matagumpay na pakikibakang espiritwal? Una, dapat tayong umasa sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa ating sariling kakayahan. Pangalawa, sawayin natin ang demonyo sa pangalan ni Hesus. Pangatlo, lagi nating isuot ang baluting mula sa Diyos. Pang-apat, labanan nating ang Demonyo sa pamamagitan ng tabak ng Espiritu - ang Salita ng Diyos. At sa huli, dapat nating tandaan na hindi lahat ang demonyo ang laging responsable sa lahat ng masamang nangyayari sa ating mga buhay. Timbangin natin kung ito'y gawa ng demonyo o sarili nating kagagawan. Hindi lahat ng kasalanan o problema ay demonyo ang dapat pagsabihan at kastiguhin. Baka tayo mismo ang may kagagawan ng ating mga problemang kinakaharap at hindi ang demonyo kaya't nararapat din lamang na kastiguhin natin ang ating sarili.
English
Ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pakikibakang espiritwal?