settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pakikiapid at pangangalunya?

Sagot


Ang pakahulugan ng modernong diksyunaryo sa pakikiapid ay, “boluntaryong pagsiping sa isang taong hindi mo asawa” at ang pangangalunya naman ay ang “boluntaryong pagsisiping ng dalawang taong may kanya-kanyang asawa.” Ngunit binibigyan tayo ng Bibliya ng mas malalim na pangunawa kung paano tinitingnan ng Diyos ang mga sekswal na kasalanang ito. Sa Bibliya, literal na tinukoy ang dalawang kasalanan ngunit pareho silang ginamit upang ilarawan ang pagsamba sa diyus diyusan.

Sa Lumang Tipan, ang lahat na kasalanang sekswal ay ipinagbabawal ng Kautusan ni Moises at ng kulturang Hudyo. Gayunman, ang salitang Hebreo na isinalin na “pakikiapid” sa salitang Tagalog ay ginagamit din sa konteksto ng espiritwal na pakikiapid. Sa 2 Cronica 21:10-14, pinadalhan ng Diyos si haring Jehoram ng sakit at salot dahil pinangunahan niya ang bansang Israel sa espiritwal na pakikiapid. “Nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan” (v. 11) at “Inakit sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab” (v. 13). Si Jezebel, ang asawa ni Haring Ahab na isang babaylan ng diyus diyusang si Baal ang nagdala sa mga Israelita sa pinakamasamang uri ng pagsamba sa diyus diyusan. Sa Ezekiel 16, inilarawan ni Propeta Ezekiel ang detalye ng pagtalikod ng Isarel sa Diyos at sa pagmimistulang isang babaeng bayaran ng Israel na sumasamba sa sa mga diyus diyusan. Ang salitang “pakikiapid” na nangangahulugan na “pagsamba sa diyus diyusan” ay ginamit ng maraming beses sa kabanatang 16 ng Aklat ni Ezekiel.

Habang nakikilala ang bansang Israel sa gitna ng mga bansa dahil sa kanilang karunungan, kayamanan at kapangyarihan, naging bitag iyon para sa kanila. Gaya ng kagandahan ng isang babae, hinangaan sila at niligawan at pinuri ng mga katabing bansa at inakit sa pagsamba sa ibang mga diyos. Ang salitang pakikiapid ay ginagamit sa konteksto ng pagsamba sa diyus diyusan ng mga pagano dahil ang kanilang pagsamba ay karaniwang kinapapalooban ng pakikipagtalik. Karaniwan ang mga bayarang babae sa templo ni Baal at ibang diyus diyusan. Lahat ng kasalanang sekswal ay hindi lamang tinatanggap sa mga relihiyong ito kundi hinihimok pa bilang kasangkapan sa pagtatamo ng malaking pagpapala mula sa mga diyus diyusan, partikular ang pagdami ng kanilang kawan at pagaani ng sagana ng kanilang taniman.

Sa Bagong Tipan, ang pakikiapid ay nagmula sa salitang Griyego na porneia na ang kahulugan ay pangangalunya at pakikipagtalik sa malapit na kaanak. Ang salitang porneia ay nanggaling sa isa pang salitang Griyego na nangangahulugan na paggawa ng anumang uri ng kahalayan na labag sa batas, kasama ang pagiging bakla at tomboy, habang ang “pakikiapid” naman sa aklat ng Pahayag ay laging tumutukoy sa pagsamba sa diyus diyusan. Kinundena ng Panginoong Hesus ang dalawa sa mga Iglesya sa Asya Minor dahil sa pakikiapid na tumutukoy sa kanilang pagsamba sa mga diyus diyusan (Pahayag 2:14, 20), at tinukoy din Niya ang “dakilang patutot” sa mga huling araw, na walang iba kundi ang huwad na relihiyon “na nakaupo sa maraming tubig; na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid” (Pahayag 17:1-2).

Ang pangangalunya naman sa isang banda ay tumutukoy sa pakikipagtalik ng isang may asawa sa hindi niya asawa at ang salitang ito ay ginamit sa Lumang Tipan sa paraang literal at alegorikal. Ang salitang pangangalunya sa salitang Hebreo ay literal na nangangahulugan na “pagsira sa matrimonyo ng kasal.” Kapuna-puna na inilarawan ng Diyos ang pagtalikod sa Kanya ng kanyang bayan na isang pangangalunya. Ang bansang Israel ay itinuturing na “kabiyak na babae” ni Jehovah, kaya’t ng tumalikod sila sa Kanya at sumamba sa diyus diyusan ng ibang mga bansa, inihalintulad sila sa isang mangangalunya. Laging tinutukoy sa Lumang Tipan ang Israel na katulad ng isang patutot na “naglalandi” sa ibang mga diyos (Exodo 34:15-16; Levitico 17:7; Ezekiel 6:9). Bilang karagdagan, inihalintulad sa buong aklat ni Oseas ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng Israel sa pagsasama bilang magasawa ni Propeta Oseas at ng kanyang taksil na asawang si Gomer. Ang mga ginawa ni Gomer laban kay Oseas ay larawan ng kasalanan at kataksilan ng bansang Israel na sa tuwina ay iniiwan ang kanyang tunay na kabiyak (Jehovah) upang gumawa ng espiritwal na pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus diyusan.

Sa Bagong Tipan, ang dalawang salitang Griyego na isinalin sa salitang “pangangalunya” ay literal na ginagamit sa sekswal na kasalanan na kinasasangkutan ng mga may asawa. Ang tanging naiiba ay sa sulat sa Iglesya sa Tiatira, na kinundena dahil sa “pagpapahintulot sa babaeng si Jezebel na tinatawag ang kanyang sarili na isang propetisa” (Pahayag 2:20). Tinukso ng babaeng ito ang Iglesya sa na gumawa ng sekswal na imoralidad at sumamba sa mga diyus diyusan at maniwala sa kanyang mga maling doktrina na inilarawang gaya ng pangangalunya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pakikiapid at pangangalunya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries