settings icon
share icon
Tanong

Paano tutugon ang mga Kristiyano sa mga paguusig?

Sagot


Walang duda na ang paguusig ay isang hayag na katotohanan sa buhay ng isang Kristiyano. Dapat na asahan ng isang Kristiyano ang mga paguusig. Nagbabala si Pablo sa 2 Timoteo 3:12, "Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig" (2 Timoteo 3:12). Sinabi ni Hesus na kung pinag-usig Siya ng mga tao, paguusigin din nila ang Kanyang mga tagasunod (Juan 15:20). Nilinaw ni Hesus na kamumuhian ng mundo ang mga Kristiyano dahil kinamuhian din Siya ng mundo. Kung katulad ng mundo ang mga Kristiyano na makamundo, walang kabuluhan ang pamumuhay ng makalaman, at umiibig sa kayamanan at pansariling ambisyon — at hindi tayo uusigin ng sanlibutan. Ngunit hindi na taga-mundo ang mga Kristiyano at ito ang dahilan kung bakit pinaguusig sila ng mundo (tingnan ang Juan 15:18–19). Naiimpluwensyahan ang mga Kristiyano ng iba't ibang prinsipyo ng mga taga sanlibutan. Ang pag-ibig sa Diyos at kabanalan ang naguudyok sa mga Kristiyano habang inuudyukan ang mga taga-mundo ng kanilang pag-ibig sa kasalanan. Ang paghiwalay natin sa sanlibutan ang mismong dahilan ng paguusig sa atin ng mundo (1 Pedro 4:3–4).

Dapat na matutuhan ng mga Kristiyano ang pagkilala sa kahalagahan ng paguusig at ikagalak ang mga ito, hindi sa isang makasadistang pananaw kundi sa isang matahimik at mapagpakumbabang paraan dahil may malaking pakinabang sa espiritwal sa mga paguusig. Una, ang mga paguusig ang nagbibigay daan sa mga Kristiyano upang ibahagi ang kanilang naiibang relasyon sa Panginoon. Itinala ni Pablo ang mga bagay na kanyang isinuko alang-alang sa gawain ng paglilingkod. Gayunman, itinuturing ni Pablo na ang mga kalugihang iyon ay "basura"lamang (Filipos 3:8) o "dumi" (KJV) upang makabahagi siya sa mga paghihirap ni Kristo (Filipos 3:10). Ibinilang ni Pablo ang kanyang mga kalugihan maging ang kanyang mga tanikala na isang biyaya (pabor) na ibinigay sa kanya ng Diyos (Filipos 1:7).

Ikalawa, sa buong katotohanan, nakakabuti sa mga Kristiyano ang mga paguusig. Ipinaliwanag ni Santiago na ang mga paguusig ang pagsubok sa pananampalataya ng Kristiyano at humuhubog sa kanyang katiyagaan at nagpapalago sa kanyang pananampalataya (Santiago 1:2–4). Gaya ng bakal na pinapanday sa init, ang mga pagsubok at paguusig ang pumapanday sa karakter ng mga mananampalataya. Ipinapakita ng isang Kristiyanong buong tiyagang dumadaan sa mga pagsubok na higit siyang matibay kaysa sa kanyang mga kaaway (tingnan ang Hebreo 11:38). Madali ang magalit, ngunit ang pagiging katulad ni Kristo ang dahilan ng kabaitan at pagpapala sa pagharap sa masasama na umuusig sa mga Kristiyano. Sinabi ni Pedro patungkol kay Hesus, "Na, nang siya'y alipustain, ay hindi gumanti ng pagalipusta nang siya'y magbata, ay hindi nagbala; kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili doon sa humahatol ng matuwid" (1 Pedro 2:23).

Ikatlo, dahil sa mga paguusig, mas napapahalagahan ng mga mananampalataya ang tulong ng mga tunay na mananampalataya. Ang mga paghihirap at paguusig ang nagiging daan sa pagtutulungan ng mga anak ng Diyos at nagpapalakas ng loob ng isa't isa na maaaring hindi maganap kung walang mga pagsubok at paguusig. Ang mga kahirapan ang humahamon sa mga anak ng Diyos sa isang mas masidhing pagnanais na ibigin at damayan ang isa't isa at dalhin ang kahilingan ng isa't isa sa trono ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Wala ng mas magandang dahilan upang dalhin ang mga Kristiyano sa mas mataas na antas ng pag-ibig sa isa't isa kundi ang mga paguusig.

Kahit sa harap ng mga paguusig, maaari tayong magpatuloy. Mapapasalamatan natin ang Diyos sa Kanyang biyaya at katiyagaan sa atin. Maaari nating maipahayag ang ating pasasalamat para sa mga iniibig natin sa Panginoon at nakikisama sa atin sa panahon ng mga kahirapan. At maaari nating ipanalanging pagpalain ang mga taong nagaakusa, nanggagamit o nangaabuso sa atin (2 Corinto 11:24; Roma 10:1).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano tutugon ang mga Kristiyano sa mga paguusig?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries