settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagtalikod?

Sagot


Ang salitang “pagtalikod” o backslide, sa kontekstong Kristiyano ay nagpapahiwatig ng pagkilos ng papalayo kay Kristo sa halip na palapit sa Kanya. Ang isang taong tumalikod ay tumatahak sa maling landas sa espiritwal na pakahulugan. Siya ay humihina sa halip na lumalakas at umuurong sa halip na sumusulong. Minsang nagpakita ang isang tumalikod ng pagtatalaga kay Kristo o nagkaroon ng pagbabago sa ilang antas ng moralidad, ngunit muling bumalik sa dating uri ng pamumuhay. Maaaring makita ang pagtalikod sa iba’t ibang kaparaanan. Halimbawa ay ang pagalis bilang miyembro ng isang simbahan, pagkawala ng init sa paglilingkod, pagiwan sa isang ministeryo o sa pamilya, o pagbalik sa dating masamang bisyo.

May ilan na ginagamit ang salitang pagtalikod upang tukuyin ang pagkawala ng kaligtasan ng isang tao. Gayunman, dahil iniingatan ng Diyos ang isang taong Kanyang iniligtas (Juan 10:28–29)— hindi itatakwil ng Diyos ang Kanyang anak sa Kanyang pamilya — hindi natin gagamitin sa ganitong paraan ang salitang pagtalikod. Sa halip, kung paguusapan ang salitang pagtalikod, simpleng tinutukoy nito ang panlalamig ng isang tao kay Kristo. Ang pagtalikod ng isang tao sa pananampalataya ay maaaring magpahiwatig na ang taong iyon ay hindi tunay na naligtas sa umpisa pa lamang - at sa dahilang ito, ipinapakita lamang ng isang taong tumalikod ang kanyang tunay na kulay. Ngunit posible din para sa mga anak ng Diyos na pansamantalang tumalikod.

Ginagamit ng Bibliya ang salitang “pagkahulog” sa halip na “pagtalikod,” ngunit pareho ang ideya ng dalawang salitang ito. Sa Bibliya, ang “pagkahulog” ay maaaring mangahulugan ng dalawang bagay: una, ang isang tao ay ligtas ngunit nakakaranas ng isang panandaliang yugto ng pagaalinlangan na maaari nating tawaging “krisis sa pananampalataya.” Sa isang banda naman, ang isang tao ay hindi talaga naligtas sa umpisa nngunit pansamantalang nabubuhay na tulad sa isang taong naligtas. Tatawagin natin itong pagsubok sa Kristiyanismo.

Ang krisis sa pananampalataya ng mga nahulog sa pagkakasala:
Sa Markos 14:27 sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “Ako'y iiwan ninyong lahat.” Ang Kanyang ibig sabihin sa pananalitang ito ay, sa pagaresto sa Kanya, makakaranas sila ng krisis sa pananampalataya, isang pangyayari sa buhay na kagulat-gulat na anupa’t sila’y tatakbo palayo kay Hesus at pagdududahan ang mismong ugat ng kanilang pananampalataya. Ito ay isang gabi ng pagsalangsang, isang gabi ng kanilang pagkatisod. Ngunit ito ay isang lamang panandaliang kundisyon. Tatlong araw pagkatapos, nabuhay na mag-uli si Hesus mula sa mga patay at nagpakita sa Kanyang mga alagad. Nanumbalik ang kanilang pananampalataya at lumakas ng higit kaysa dati.

Itinuturo sa atin ni Pablo kung paano pakikitunguhan ang isang kapwa mananampalataya na nahulog sa kasalanan: “Mga kapatid, kung may makagawa ng kasalanan, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso” (Galacia 6:1). Sinabi naman ni Santiago: “Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi” (Santiago 5:19). Ang siang taong tumalikod ay naliligaw at hindi makarating-rating sa kanyang dapat puntahan at nakatigil sa kasalanan, ngunit kikilos ang iglesya upag papanumbalikin siya at ibabalik siyang muli sa daan ng katuwiran.

May mga pangyayari sa ating buhay gaya ng kamatayan ng isang mahal sa buhay na maaaring maging dahilan upang kwestyunin natin ang Diyos. Hindi naman ito masama hangga’t inilalapit natin sa Diyos ang ating mga katanungan sa halip na gamitin ang mga iyon bilang dahilan upang mamuhay sa paglaban sa Kanya. Sa tuwina, ang resulta ng krisis sa pananampalataya ay ang paglapit natin sa Diyos at mas malalim na relasyon sa Kanya. Sa panahon ng pagsubok, dapat tayong mamalagi sa Kanyang mga Salita, manalangin ng buong tiyaga (Lukas 18:1), at makisama sa mga taong malakas ang pananampalataya.

Ang pagtalikod ng mga sumubok sa Kristiyanismo:
Makiktia natin ang isang uri ng “pagtalikod sa pananampalataya sa Hebreo 6:4–6 at Lukas 8:13. Inilalarawan sa Hebreo 6 ang isang taong namumusong, isang taong “nakalasap ng kabutihan ng Salita ng Diyos” (vs. 5) at pagkatapos ay tinanggihan iyon. Sa Lukas 8:13 inilalarawan ni Hesus ang pagtalikod sa pananampalataya sa mabatong lupa— may mga bumabagsak o tumatalikod dahil “wala silang ugat.” Sa bawat isa sa mga talatang ito, ang taong binabanggit ay Kristiyano lamang sa panlabas, kahit na panandalian lamang ngunit hindi niya tunay na ipinagtiwala ang sarili sa Diyos. Ang ganitong tao ay maaaring dumalo sa pagsamba, nagbabasa ng Bibliya, nakikinig sa mga Kristiyanong musika, at nakikisama sa mga Kristiyanong kaibigan. Gusto niya ang kultura sa iglesya at ang mabubuting pakikisama na ipinapakita ng mga mananampalataya. Ngunit kung hindi binago ng Diyos ang kanyang puso; hindi siya tunay na isinilang muli. Sa huli, tatalikod siya at mamumusong. Sinubukan lamang niya ang Kristiyanismo at nagdesisyon na hindi siya mananatiling isang Kristiyano.

Nakakamtan ang kaligtasan sa pamamagitan ng isang tunay na pagkilala kay Hesus bilang Tagapagligtas ng isang puso na naniniwalang lubos sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Kristo (Roma 10:9–10). Kung ang isang tao ay tunay na naligtas at bumagsak sa kasalanan o nadulas sa isang gawa na nakasira ng kanyang pananampalataya at paguugali— ang pagtalikod ay panandalian lamang. Ibabalik siya ng paggdidisiplina ng Panginoon (tingnan ang Hebreo 12:4–13). Hahanapin ng Mabuting Pastol ang Kanyang mga tupang naliligaw (Lukas 15:3–7).

Kung ang isang tao ay hindi tunay na naligtas sa halip, nagpapakitang tao lamang siya at pagkatapos ay tumatalikod - ang totoo, hinubad lamang niya ang kanyang maskara at ipinakita ang kanyang tunay na kulay—ang kanyang huling kasasapitan ay mas masahol pa sa una niyang buhay (Hebreo 10:26–31). Paano natin malalaman kung ang pagtalikod ay sa diwa ng dalawang nabanggit sa itaas? Hindi natin kayang malaman sa tuwina, malibang binigyan tayo ng panahon upang malaman at kahit pa sa kabila noon, hindi natin alam kung gaano katagal bago Niya papanumbalikin ang isang tumalikod. Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam sa nilalaman ng puso ng tao.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagtalikod?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries