Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwalag sa Bibliya?
Sagot
Una sa lahat, dapat nating tandaan na hindi gaanong ginagamit sa Bibliya ang salitang pagtitiwalag. Ang salitang ito ay kalimitang ginagamit ng ibang relihiyon, lalo na ng simbahang Romano Katoliko bilang paraan ng pormal na proseso ng pagtatanggal sa isang tao sa pakikilahok at bilang kasapi ng simbahan, mula sa kaugnayan sa komunidad ng simbahan o kahit sa pamilya ng Diyos, ayon sa pananaw ng Katoliko.
Hindi itinuturo ng Bibliya na maaaring mawala ang kaligtasan ng isang Kristiyano, ngunit binabanggit naman sa ilang mga talata na ang salitang ito (pagtitiwalag) ay nagpapakita ng paraan o proseso ng simbahan sa pagdidisiplina. Ang huling hakbang ng pagdidisiplina o pagtutuwid sa iglesya ay ang pagtitiwalag na nangangahulugang tinatanggal ang isang tao bilang kaanib ng lokal na iglesya. Mababasa natin sa Mateo 18; 15-17 na nagturo si Jesus sa kanyang mga alagad ng tungkol sa pagtitiwalag at kanyang inisa-isa ang mga hakbang kung paano tutugunin ang kasalanang ginagawa sa komunidad ng mga mananampalaya:
Unang hakbang: Puntahan at kausapin ng sarilinan ang kaanib na nakagawa ng kasalanan, sabihin sa kanya na nagkasala siya sa 'yo at makipagkasundo ka. Kung ang taong iyon ay magsisi at tinanggap ang kanyang pagkakamali, wala ng hakbang na kailangan pang gawin.
Ikalawang hakbang: Kung hindi siya makinig, umuwi ka ngunit balikan mo siya at magsama ka ng dalawa o tatlong saksi at muli ninyo siyang kausapin, ng sa ganoon ay magkaroon kayo ng katibayan.
Ikatlong hakbang: Kung ayaw pa rin niyang makinig at hindi pa rin niya pinagsisihan ang nagawa niyang pagkakamali, iharap siya sa kapulungan ng iglesya at sabihin ang nangyari o ang kanyang ginawa.
Ikaapat na hakbang: Ngunit kung talagang hindi pa rin siya nagsisi sa kanyang kasalanan, ay nararapat lamang ang iglesya na magpasyang itiwalag siya. Sinasabi mismo ni Jesus na, “Ituring ninyo siyang parang hentil o isang maniningil ng buwis” (Mateo 18:17, MBB).
Ipinapahiwatig sa mga talatang binanggit ni Jesus na ang mga Hentil at maniningil ng buwis ay mga tagalabas dahil ang mga Hentil ay pagano o sumasamba sa diyus-diyusan at ang mga maniningil ng buwis naman ay may lihim na pakikipagkasabwatan sa pamahalaang Romano. Sapagkat sa panahon ni Jesus ang mga relihiyosong Israelita ay hindi nakikisama sa mga Hentil at maniningil ng buwis, hindi sila nakikisalo sa mga ito sa pagkain kahit na sila ay inaanyayahan sa isang pagtitipon kaya't nang sabihin ni Jesus na “ituring na parang Hentil at maniningil ng buwis ang kaanib ng iglesya na hindi nagsisisi sa kanyang kasalanan,” ay malinaw na itinuturo niya sa iglesya na ihinto o putulin ang anumang kaugnayan nito sa nagkasalang kaanib na ayaw magsisi; ibig sabihin, ang makasalanan ay tatanggalin sa kanyang kaugnayan sa komunidad ng mga Kristiyano. Iyan ang tinatawag na pagtitiwalag.
Ngunit ano nga ba ang layunin ng pagtitiwalag? Ang pagpapaalis sa isang ayaw magsisi at masuwaying miyembro mula sa komunidad ng mga mananampalataya ay ginagawa hindi upang siya ay husgahan o ipahiya sa publiko kundi ito ay isang pagsisikap na gawin ang lahat para sa kanyang ikabubuti bilang tanda ng pagmamahal at para na rin sa ikabubuti ng buong iglesya.
Sa ilang talata ay binabanggit ni Apostol Pablo ang halimbawa ng pagtitiwalag tungkol sa isang lalaking kinasama at mayroong relasyong sekswal sa asawa ng kanyang ama. Ayon kay Pablo ay napakasama o napakabigat na kasalanan nito na hindi nga ginagawa kahit ng mga pagano” (1 Corinto 5:1). Dahil diyan ay sinaway ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto sapagkat kinukunsinti at tinatanggap pa rin nila ang taong iyon na namumuhay sa kasalanang sekswal. Ipinapahiwatig nito na hindi nauunawaan ng mga taga-Corinto ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos dahil akala nila ay pwedeng hayaan lamang ang ganitong kasalanan, at ipagbunyi pa bilang tanda ng biyaya at pagpapatawad ng Diyos (talata 2).
Sinabi ni Pablo, “Hindi pwede.” Ang kasalanan sa iglesya ay kinakailangang bigyang pansin at hindi dapat balewalain. Kaya't tinuruan niya ang mga taga-Corinto na magkaisa sa layunin ng pagtitiwalag. Sa ilalim ng kapangyarihan ng mga apostol noon, ang mga mananampalataya ay inutusang “ibigay kay Satanas ang taong iyon upang mapahamak ang kanyang katawan at maligtas naman ang kanyang kaluluwa sa araw ng Panginoon” (1 Corinto 5:4-5). Ang usaping ito ay may kaakibat na pisikal na parusa na may mahimalang pinagmulan na nakaugnay sa pagtitiwalag; Ito ang pagtitiwalag na may karagdagang sumpa ng apostol.
Gayunman, hindi ipinapahiwatig sa Banal na Kasulatan na bawat pagkatiwalag ay may kaakibat na pisikal na epekto. Sapagkat ang kabuuang prinsipyo nito ay ang hayaang maranasan ng nagkasala ang masakit na bunga ng kanyang makasalanang ginagawa upang siya ay magsisi, magpasakop sa Diyos, at maligtas mula sa pagkawasak na espiritwal. Ito'y nangangahulugan na ang motibo ng pagtitiwalag ay hindi pagpaparusa o paghihiganti kundi pagbabago at pagkakaroon ng malusog na espiritwalidad.
Makikita rin sa ikalawang sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto na ipinahiwatig niya ang pagsubaybay matapos na itiwalag ang isang kaanib. Sa 2 Corinto 2:5-11 ay nagsasalita si Pablo tungkol sa isang taong kanyang iniutos na itiwalag ng iglesya at makikita na ang nagkasala ay nagsisi na kaya't isinulat niya, “Ang parusang inilapat sa kanya ng nakararami ay sapat na. Dahil diyan, nararapat nang siya ay patawarin at aliwin, upang hindi naman siya makadama ng labis na kalungkutan. “Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo.” Kaya't nakikiusap ako sa inyo na ipadama ninyong muli ang inyong pag-ibig sa kanya” (talata 6-8). Nangangahulugan ito na ang natiwalag na mananampalataya na nagsisi ay marapat lamang na muling maalab na tanggapin sa komunidad ng iglesya, at ang pagkakatiwalag sa kanya ay ganap na ipapawalang-bisa kapag natiyak na ang kanyang pagsisisi at panunumbalik. Sa gayon ay matutupad ang layunin ng pagdidisiplina.
Ngayon naman ay ating tingnan ang Limang (5) mahahalagang bagay na dapat tandaan tungkol sa pagtitiwalag:
1. Hindi itinuturo ng Bibliya na ang bawat indibidwal na Kristiyano o maging ang maliit na grupo ang magpapasya ayon sa kanilang sarili upang itiwalag ang isang nagkasalang mananampalatayang. Ang pagtitwalag ay pormal na aksyon na ang buong iglesya ang dapat na nagpapatupad.
2. Ang pangunahing layunin ng pagtitiwalag ay tungkol sa relasyon. Ibig sabihin, ang mga nasa loob ng iglesya ay tinuturuan na itigil ang pakikisalo sa mga hindi nagsisisi (1 Corinto 5:11), upang malimitahan ang pakikipagugnayan sa kanila.
3. Ang prosesong ito ng pagtitiwalag ay para sa mga mananampalataya, o sa mga taong taimtim na nagpahayag ng kanilang pagtitiwala kay Cristo upang maligtas. Ito rin ay tugon ng iglesya sa taong nagsasabi na, “Oo, ako ay Kristiyano,” ngunit ayaw namang talikuran ang kanyang kasalanan.”
4. Ang proseso ng pagtitiwalag ay hindi para sa taong umaamin ng kanyang pagkakasala at nagsisisi bagaman siya ay patuloy na nakikibaka upang makalaya rito. Kung nagkasala ang isang mananampalataya at siya ay kinausap mo tungkol dito, at kanyang inamin at tinatanggap ang kanyang pagkakasala, at nagnanasa na manumbalik at ituwid ang kanyang buhay, Siya ay dapat patawarin--kahit na nagagawa niya ng madalas ang pagkakasalang iyon (Mateo 18:31-22). Sa ganitong sitwasyon, hindi iminumungkahi ng Banal na Kasulatan na ipaalam sa buong iglesya ang kasalanan ng isang tao bilang parusa.
5. Ang layunin ng pagtitiwalag ay pagpapanumbalik. Sinabi ng Panginoong Jesus na ang pamamaraan ng pagtitiwalag ay kinakailangang marahan, sinasadya, at maingat. Subalit kung sa panahon ng prosesong iyon ay nagsisi ang kaanib na nagkasala, “naibalik mo ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid” (Mateo 18:15).
English
Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwalag sa Bibliya?