settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagtatayo ng Iglesya?

Sagot


Ang pagtatayo ng Iglesya ay ang pagsisimula ng isang bagong Iglesya sa isang bagong lugar. Ang proseso ng pagtatayo ng Iglesya ay kinapapalooban ng pangangaral ng Ebanghelyo, pagdidisipulo ng mga bagong mananampalataya, pagsasanay ng mga tagapanguna sa Iglesya at ang pagoorganisa ng Iglesya ayon sa modelo ng Bagong Tipan. Karaniwan, ang pagtatayo ng Iglesya ay kinapapalooban ng paggawa ng saligan ng pananampalataya at ang paghanap ng isang lugar upang magsama sama o kaya naman ay ang pag-upa ng isang gusali o pagbili ng isang lote upang tayuan ng bagong gusali para sa pagsamba.

Ang pagtatayo ng Iglesya ay isang partikular na gawain sa isang mas malakihang gawain ng pagmimisyon. Ang mga nagtatayo ng Iglesya ay mga misyonero na ang pangunahing gawain ay ang pagpapahayag at pagtuturo ng Salita ng Diyos. May ibang mga misyonero na may natatanging kakayahan sa isang gawain at maaaring hindi ikunsidera na mga opisyal na "tagapagtayo ng iglesya" ngunit nagbibigay sila ng mahalagang tulong sa mga nagtatayo ng Iglesya. Ang mga ganitong misyonero ay kinabibilangan ng mga brodkaster sa radyo, tagapagsalin ng Bibliya, taga imprenta ng Bibliya, gabay ng mga misyonero sa isang lugar at mga nars at manggagamot.

Ang pinakalayunin ng marami sa nagtatayo ng iglesya ay ang luwalhatiin ang Panginoon sa isang komunidad sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang nagsasariling Iglesya. Kung ang layuning ito ay maabot na at kaya ng tumayo ng isang Iglesya sa kaniyang sariling paa, kalimitang lumilipat ang mga nagtayo ng iglesya sa ibang komunidad upang muling magtayo ng panibagong iglesya.

Ang pagtatayo ng Iglesya ay naaayon sa Bibliya. Habang naglalakbay si Apostol Pablo, lagi siyang naglalaan ng panahon sa bawat siyudad upang magtatag ng isang grupo ng mananampalataya at nagsasanay ng mga tagapanguna ng Iglesya (Gawa 14:21-23). Kalaunan, bibisitahin Niya ang mga iglesyang kanyang itinatag upang palakasin sila sa pananampalataya at tiyakin ang kanilang pagkatawag (Gawa 15:41; 1 Tesalonica 3:2). Ang mga natatag na Iglesya naman ay magpapadala ng kanilang sariling mga misyonero at ipagpapatuloy ang proseso ng pagtatayo ng mga bagong Iglesya sa ibang mga lugar (1 Tesalonica 1:8).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagtatayo ng Iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries