Tanong
Bakit ang “pagtanggap kay Cristo” ay binabanggit sa pangangaral ng Ebanghelyo gayong wala naman ito sa Bibliya?
Sagot
Mula pa sa panahon ng Bagong Tipan, Nakita na ng mga Kristiyano na kailangan nilang lumikha ng mga bagong terminolohiya upang gawing payak o maipaliwanag ang iba't-ibang doktrina. Ang tinutukoy natin ay ang Trinidad at ang protoevangelium, bagama't parehong hindi masusumpungan sa Bibliya ang mga terminong ito. Samantalang ang “pagtanggap kay Cristo” ay isang pariralang hindi masusumpungan sa Bibliya, ito rin naman ay may biblikal na batayan katulad ng Trinidad.
Malimit na binabanggit ni Jesus at ng Kanyang mga alagad na ang kaligtasan at ang pananahan ng Banal na Espiritu ay isang “kaloob.” Isang halimbawa nito ay ng sabihin ni Jesus sa babaeng nasa balon na, ”Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy” (Juan 4:10). Sabi ni Pablo, “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 6:23). Batay sa kahulugan nito, ang regalo ay hindi ipinipilit ngunit kailangan itong tanggapin. Ang regalo ay pwede rin tanggihan. Ngunit ganito ang sinabi ni Juan tungkol kay Jesus, “Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo. Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay dito na ang Diyos ay totoo” (Juan 3:32-33). Ang salitang ”tumatanggap” na binabanggit dito ay salin mula sa Griyegong salita na isinalin bilang “kumuha” sa Aklat ng Pahayag 22:17: “At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” “Kumuha,” “tumanggap,”- Ito ang dapat nating gawin sa walang bayad na regalo ng Diyos. Ang kaligtasan ay iniaalok sa atin ngunit kailangan nating tanggapin ang alok upang makamtan natin ang regalo. At yamang ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang pariralang “tanggapin si Cristo” ay isang payak na paraan ng pagsasabing “sumampalataya ka kay Cristo at tanggapin ang Kanyang kaligtasan.”
Sa huli, dapat nating maunawaan na ang layunin ng paggamit ng katagang “tanggapin si Cristo” ay upang epektibong maipabatid ang katotohanan sa taong limitado lamang ang pang unawang biblikal. Hindi kailangang sa lahat ng pagkakataon ay nasa bokabularyong biblikal ang isang terminong ginagamit natin, ang mahalaga ay tama ito sa teolohikal at nakatutulong sa pang unawa. Subalit, kung ang isang termino ay maging sanhi ng hindi pagkakaunawaan sa panahon ng pag eebanghelyo, mas makabubuting huwag na lamang itong gamitin at sa halip ay buong tiyagang ipaliwanag ang katotohanan mula sa Bibliya. Kaugnay nito, hindi makikita sa Bibliya ang katagang “tanggapin si Cristo,” Ngunit ang konsepto ng pagtanggap ng regalo ay mababasa natin, at ang katagang ito ay makikitang mabisa sa maraming konteksto ng pag eebanghelyo.
English
Bakit ang “pagtanggap kay Cristo” ay binabanggit sa pangangaral ng Ebanghelyo gayong wala naman ito sa Bibliya?