Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Kristo?
Sagot
Sa mga Ebanghelyo (Mateo, Markos, Lukas, at Juan), ang utos ni Hesus na “sumunod ka sa akin” ay paulit ulit na mababasa ( Mateo 8:22; 9:9, Markos 2:14; Lukas 5:27; Juan 1:43). Sa maraming pagkakataon, tinawag Niya ang labindalawang lalaki upang maging mga apostol (Mateo 10:3–4). Ngunit sa ibang pagkakataon, sinabihan Niyang sumunod ang sinuman na nagnanais ng Kanyang maibibigay (Juan 3:16; Markos 8:34).
Sa Mateo 10:34–39, malinaw na ipinahayag ni Hesus kung ano ang kahulugan ng pagsunod sa Kanya. Kanyang sinabi, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao'y ang kanya na ring kasambahay. “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.”
Ang pagdadala ni Hesus ng “tabak” sa lupa at ang pakikipaglaban ng bawat miyembro ng pamilya sa isa’t isa ay masasabing marahas na salita pagkatapos sabihin ni Juan ang mga salitang “ang sinumang mananalig sa Kanya ay hindi mapapahamak” (Juan 3:16). Ngunit hindi kailanman pinalambot ni Hesus ang katotohanan kundi direktang sinabi na ang pagsunod sa Kanya ay magreresulta sa maraming mahihirap na desisyon. Minsan, nakakatukso ang pagbalik sa dating buhay. Ng magturo si Hesus mula sa “Ang Mapalad” (Mateo 5:3–11) hanggang sa Kanyang pagharap sa Krus, maraming sumunod sa Kanya ang nagpasyang tumalikod (Juan 6:66). Maging ang mga alagad ay nagpasyang tumalikod sa Kanya noong gabing Siya’y hulihin. Iniwan siya ng lahat na Kanyang mga alagad (Mateo 26:56; Markos 14:50). Noong gabing iyon, ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan ng pagkabilanggo at kamatayan. Sa halip na isapanganib ang kanyang buhay, tatlong beses na itinatwa ni Pedro si Hesus (Mateo 26:69–75).
Ang pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan na Siya ang magiging lahat lahat sa atin. Ang bawat isa sa atin ay may sinusundan sa buhay: kaibigan, kultura, pamilya, makasariling hangarin, o ang Diyos. Isa lamang ang maaari nating sundan sa isang panahon (Mateo 6:24). Sinabi ng Diyos na hindi tayo dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa Kanya (Exodo 20:3; Deuteronomio 5:7; Markos 12:30). Upang tunay na makasunod kay Hesus, hindi tayo dapat sumunod sa ibang bagay. Sinabi ni Hesus sa Lukas 9:23, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” Hindi maaari ang isang “kalahating alagad.” Gaya ng ipinakita ng mga alagad, walang sinumang makasusunod kay Kristo sa kanilang sariling kakayahan. Ang mga Pariseo ang magandang halimbawa ng pagtatangka na sumunod sa Diyos sa sariling lakas. Ang kanilang sariling pagnanais ay nagbunga lamang sa pagmamataas at maling pangunawa sa buong layunin ng Kautusan ng Diyos (Lukas 11:39; Mateo 23:24).
Ibinigay ni Hesus sa mga alagad ang lihim sa tapat na pagsunod sa Kanya, ngunit hindi nila iyon agad naunawaan. Sinabi ni Hesus, “Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay (Juan 6:63). “At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama” (t. 65). Namuhay ang mga alagad na kasama si Hesus sa loob ng tatlong taon, natuto sila, nagmasid at nakilahok sa Kanyang mga himala. Ngunit sa kabila nito, hindi rin sila nakasunod sa Kanya ng buong katapatan sa kanilang sariling lakas. Kailangan nila ang Katulong.
Ipinangako ni Hesus ng maraming beses na kung aakyat na Siya sa Ama, padadalhan Niya sila ng isang Katulong – ang Banal na Espiritu (Juan 14:26; 15:26). Sa katotohanan, sinabi Niya sa kanila na ang Kanyang pagalis ay para sa kanilang ikabubuti dahil hindi darating ang Banal na Espiritu kung hindi Siya aalis (Juan 16:7). Nananahan ang Banal na Espiritu sa puso ng bawat mananampalataya (Galacia 2:20; Roma 8:16; Hebreo 13:5; Mateo 28:20). Sinabihan ni Hesus ang Kanyang mga alagad na hindi sila makakapagsimula na magpatotoo tungkol sa kanya “hanggang hindi sila napagkakalooban ng kapangyarihan mula sa itaas” (Lukas 24:49; Gawa 1:4). Nang dumating ang Banal na Espiritu sa mga unang mananampalataya sa Aklat ng mga Gawa, bigla silang nagkaroon ng kapangyarihan na sumunod kay Kristo maging hanggang kamatayan kung kinakailangan (Gawa 2:1–4; 4:31; 7:59-60).
Ang pagsunod kay Hesus ay pagsisikap na maging kagaya Niya. Lagi Niyang sinunod ang Kanyang Ama, kaya’t iyon din ang ating dapat na pagsikapang gawin (Juan 8:29; 15:10). Ang tunay na pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan na Siya ang ating Amo. Ito ang ibig sabihin na Siya ang “Panginoon” ng ating buhay (Roma 10:9; 1 Corinto 12:3; 2 Corinto 4:5). Bawat desisyon at pangarap ay dapat na sinasala sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita na ang layunin ay luwalhatiin ang Diyos sa lahat ng bagay (1 Corinto 10:31). Hindi tayo maliligtas dahil sa mga ginagawa natin para kay Kristo (Efeso 2:8–9) kundi sa pamamagitan ng Kanyang ginawa para sa atin. Dahil sa Kanyang biyaya, nais nating bigyan Siya ng kasiyahan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay ating makakayanan kung hahayaan natin na ang Banal na Espiritu ang komontrol sa lahat ng aspeto ng ating buhay (Efeso 5:18). Ipinaliliwanag Niya sa atin ang Kasulatan (1 Corinto2:14), binibigyan tayo ng mga espiritwal na kaloob (1 Corinto 12:4-11), inaaliw tayo (Juan 14:16), at ginagabayan (Juan 14:26). Ang pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan na isasapamuhay natin ang mga katotohanan na ating nalalaman mula sa Kanyang mga Salita at mamumuhay na parang literal na kasama natin si Kristo sa araw araw nating mga buhay.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Kristo?