settings icon
share icon
Tanong

Bakit napakahirap ng pagsunod kay Cristo?

Sagot


Walang matinong magulang ang magsasabi sa kanyang anak, “Gusto kong maging suwail ang aking anak,” at walang kahit isang libro ang may pamagat na “Paano Mabuhay ng isang Malungkot na Buhay.” Nais nating lahat ang mga pagpapala, kasiyahan, at katuparan ng ating mga pangarap at iniuugnay natin ang isang masayang kundisyon sa buhay sa ilang antas sa madaling pamumuhay. Ipinangako ni Jesus ang pagpapala at kasiyahan sa sinumang susunod sa Kanya (Juan 4:14), pero maraming tao ang nasosorpresa na ang daan ni Cristo ay hindi madali na gaya ng kanilang inaasahan. Minsan, ang pagsunod kay Cristo ay talagang napakahirap.

Ang katotohanan ay ang pagpapala at pagsunod kay Cristo ay hindi laging magkasama. Iniwan ng mga alagad ang lahat para sumunod kay Cristo at ipinangako Niya sa kanila ang “makasandaang ibayo ng pagpapala” bilang kapalit (Markos 10:28-30). Binalaan ni Jesus ang lahat ng sumusunod sa Kanya na tanggihan ang sarili at pasanin ang kanilang krus araw-araw (Lukas 9:23). Tiyak ang kahirapan, ngunit kahirapan na may layunin at hahantong sa kagalakan ng Panginoon.

Humaharap sa pagtutol ng mundo ang mga tagasunod ni Cristo. “Tunay na ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig” (2 Timoteo 3:12). Hindi ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad na magiging madali ang lahat para sa kanila; kundi ang kabaliktaran—ipinangako Niya sa kanila na magdadanas sila ng mga pagsubok sa mundong ito. “Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33).

Ang moral na mga utos ng Diyos ay nakasulat sa puso ng bawat tao – at binigyan ang lahat ng tao ng konsensya na tutulong sa kanila para malaman kung ano ang tama at mali (Roma 2:14-15). Kapag naging tagasunod ni Cristo ang isang tao, hindi lamang may kautusan siya ng Diyos sa kanyang puso, kundi nananahan din sa kanya ang Banal na Espiritu para tulungan siya na makapamuhay ng matuwid (Roma 8:11). Hindi ito nangangahulugan na titigil na ang Kristiyano sa pagkakasala, kundi nangangahulugan ito na mas makikilala ng Kristiyano ang kanyang sariling kasalanan at magkakaroon siya ng tunay na pagnanais na gawin ang nakakalugod kay Cristo (Roma 8:14-16).

Sa maraming paraan, pagkatapos maligtas ang isang tao, saka lamang siya makikipaglaban sa kasalanan. Ang lahat ng tao ay isinilang na may normal na pagkahilig sa kasalanan na siyang dahilan kung bakit hindi na kailangan pang turuan ang mga bata na sumuway. Sa oras na maging Kristiyano ang isang tao, hindi nawawala ang makasalanang kalikasan – ngunit magsisimula na ang panloob na labanan sa buhay ng isang mananampalataya.

Isinulat ni apostol Pablo na tinatawag ang kanyang sarili na “alipin ni Cristo,” ang tungkol sa kanyang pakikibaka sa kanyang makasalanang kalikasan sa Roma 7:14-25. Sinabi niya sa talatang 15, “Sapagkat ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko” (Roma 7:15). Ang mga Kristiyano na nakikilahok sa labanang ito ay may tunay na pagnanasa na iwasan ang kasalanan, pero may natural pa rin silang pagnanasa na bigyang kasiyahan ang laman. Nalulungkot sila sa tuwing “nagagawa nila ang mga bagay na hindi nila dapat gawin.” At para gawing kumplikado pa ang bagay na ito, hindi lamang nila nais na hindi magkasala, kinamumuhian nila ang kasalanan. Pero, nagkakasala pa rin sila.

Nagpatuloy si Pablo, “Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin” (Roma 7:17). Tinutukoy ni Pablo ang resulta ng bagong kapanganakan – si Pablo ay isang “bagong nilalang” sa pamamagitan ni Cristo (2 Corinto 5:17). Pero nagkakasala pa rin siya dahil buhay pa rin ang kasalanan sa kanyang laman– nakaligtas ang makasalanang kalikasan sa bagong kapanganakan (Roma 7:18). Tinatawag ito ni Pablo na isang “digmaan,” habang nakikipaglaban ang bagong kalikasan sa lumang kalikasan. Nakita ni Pablo na nakakabahala ang labanang ito (Roma 7:23). “Kay saklap ng aking kalagayan!” ang sigaw ni Pablo dahil sa kanyang pagkabalisa (Roma 7:24).

Ang bawat Kristiyano na sinusubukang mabuhay ng matuwid ay tinawag para makilahok sa labanang ito sa kanyang buong buhay. Tayo ay nasa isang pakikibakang espiritwal. Ngunit sa biyaya at habag ng Diyos, binigyan niya ang bawat tapat na mananampalataya ng buong baluti ng kaligtasan para sa kanilang pagkikipaglaban (Efeso 6:13).

Hindi madali kailanman ang buhay Kristiyano pero hindi mahahadlangan ng mga kahirapan ang ating kagalakan. Itinutuon natin ang ating paningin kay Jesus na “dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos” (Hebreo 12:2). Pinalaya tayo ng Diyos sa pagkaalipin sa kasalanan. Atin na ang tagumpay (2 Corinto 2:14). Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, pinalalakas ang loob ng mga mananampalataya, binibigyan ng katiyagaan, at pinapa-alalahanan sa pag-ampon sa kanila sa pamilya ng Diyos. Alam natin na “ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw” (Roma 8:18).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit napakahirap ng pagsunod kay Cristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries