settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagsikapan ang katuwiran?

Sagot


Sinasabi sa Kawikaan 15:9 na, "Sa gawaing masama, si YAHWEH ay namumuhi, ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi."Kung nais ng Diyos na tayo ay maging matuwid, paano kaya ang Roma 3:10 na nagsasabing "walang matuwid, wala kahit isa"? Kung walang sinumang matuwid, sino ngayon ang magsisikap para dito? masasabi ba natin na magkasalungat ang mga talatang ito?

Bago natin pagsikapan ang katuwiran, kailangang tukuyin muna natin ang kahulugan nito. Ang salitang madalas isalin bilang "katuwiran" ay nangangahulugan ding katarungan, pagiging patas, o panlangit na kabanalan.' Sa pinakamalawak na diwa, ang katuwiran o pagiging matuwid ay isang katanggap tanggap na katayuan sa Panginoon at Siya rin ang gumawa ng paraan upang ito'y maging posible." Ang pamantayan ng Diyos ang siyang tumutukoy sa tunay na pagiging matuwid; ito ay nagiging posible dahil sa kanyang kapangyarihan. Kaya't hindi tayo maaaring magtaglay ng katuwiran malibang sa Diyos ito magmula. Kung ganun, walang sapat na halaga ng pagsisikap na gawa ng tao ang maaaring magbunga ng katuwiran. Ang pagiging matuwid ay nangangahulugang pagiging tama sa paningin ng Diyos. at ang dulot ng matuwid na puso sa paningin ng Diyos ay buhay na "namumunga"(Juan 15:1-2; Marcos 4:20). Nakatala sa Galacia 5:22-23 ang ilan sa mga bungang iyon.

Ang karaniwang kahalili ng tunay na pagiging matuwid ay ang pagiging matuwid sa sarili. Ito ay kasalungat ng nais ng Diyos. Ang pagiging matuwid sa sarili ay pagtatakda ng mga panuntunan at sinisikap na gawin lahat iyon, binabati at pinupuri ang sarili kung paano niya natutupad ang lahat ng ito higit sa iba. Isang halimbawa nito ay ang mga Pariseo noong panahon ni Jesus. Sila ay bihasa sa pagiging matuwid ngunit may matalim na wika si Jesus laban sa kanila: “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.” (Mateo 23:27-28).

Ang tunay na paghahanap o paghahangad na maging matuwid ay nangangahulugang kinikilala natin na hindi natin kayang bigyang lugod ang Diyos dahil sa ating makasalanang kalikasan (Roma 8:8). Kaya't tinatalikuran natin ang pagsisikap na maging matuwid sa sarili at sa halip ay hinahanap ang habag ng Diyos. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng paghahangad na baguhin Niya ang ating pag iisip (Roma 12:2) at maging "kalarawan ng Kanyang Anak" (Roma 8:29). Mababasa natin sa Lumang Tipan na itinuturing na matuwid ang isang tao kapag sila ay sumampalataya at nakita ito sa kanilang gawa (Genesis 15:6; Galacia 3:6; Santiago 2:23). Bago pa dumating ang pentecostes (Gawa 2;1-4), ang mga tao ay nagsisikap nang maging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan, pagsisikap sa kabanalan, at *"pamumuhay na may pagpapakumbaba sa Diyos" (Micas 6:8). Ngunit wala sa kanilang pinawalang-sala dahil sa pagtupad sa kautusan kundi dahil sa pananampalatayang nagbibigay sa kanila ng kakayahang sumunod sa Diyos (Roma 3:20; Galacia 2:16).

Gayundin naman, sa ating panahon ngayon ay pinawalang-sala tayo dahil sa pananampalataya na umakay sa atin patungo kay Jesus (Roma 3:28; 5:1; 10:10). Ang mga na kay Cristo ay patuloy na lumalapit sa Diyos upang makapagbigay lugod sa Kanya (Colosas 3:1). Buhat nang sumampalataya tayo kay Cristo ay ipinagkaloob niya sa atin ang Banal na Espiritu na siyang nagbibigay sa atin ng lakas upang patuloy na pagsikapan ang pagiging matuwid (Gawa 2:28). Inuutusan niya tayong "mamuhay ayon sa Espiritu" (Galacia 5:16, 25). Ang pamumuhay ayon sa Espiritu ay nangangahulugang lubos na pagsuko o pagpapasailalim natin kay Jesu-Cristo bilang Panginoon. Nagagawa nating paunlarin ang ating kakayahang makinig sa Diyos at ang ating ugali sa pagsunod sa kanyang tinig tungkol sa lahat ng bagay.

Naipapakita natin na tayo ay nagsisikap maging matuwid kapag hinahangad nating ipamuhay ang katangian ni Cristo at ninanais natin ang kabanalan kaysa magpakasasa sa hilig ng laman. Umiiwas na tayo sa tukso ng pagiging matuwid sa sarili sa sandaling maunawaan natin na ang tunay na pagiging matuwid ay nagmumula sa maka-diyos na pagpapakumbaba (Awit 25:90). Naaalala natin ang sinabi ni Jesus na, " ..wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin" (Juan 15:5). Higit nating nakikita ang ating mga kasalanan at pagkukulang kapag naglalaan tayo ng panahon sa presensya ng Diyos. Ang maruming kamiseta ay nagmumukhang maputi kapag inilapit sa maitim na pader. Ngunit kapag ito ay inihambing sa niyebe, ang nasabing kamiseta ay magmumukhang marumi. Gayundin naman, hindi maaaring manahan ang presensya ng Diyos kung nananatili ang kapalaluan at pagiging matuwid sa sarili. Sapagkat, ang pagnanais na mamuhay sa katuwiran ay nagsisimula sa sandaling ang isang pusong mapagpakumbaba ay naghangad na patuloy na maranasan ang presensya ng Diyos (Santiago 4:10; 1 Pedro 5:6). Ang mapagpakumbaba at sumasampalatayang puso ay umaakay sa atin patungo sa matuwid na pamumuhay at kilos na katanggap tanggap sa Diyos (Awit 51:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagsikapan ang katuwiran?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries