Tanong
Bakit araw ng Linggo ang pagsamba ng mga Kristiyano?
Sagot
Nakararaming Kristiyano ang nakaugaliang sumamba tuwing araw ng Linggo. Ang pagsamba sa araw ng Linggo ay may kinalaman sa paniniwala na ang isang araw ng sanlinggo ay dapat na ilaan para sa gawaing panrelihiyon at pagsamba gaya ng hinihingi sa Lumang Tipan patungkol sa Sabbath (Exodo 20:8, 31:12–18). Sa pananaw na ito, ang tao ay titigil sa pagtatrabaho maliban sa mga gawain para sa kapakinabangan ng pamilya at sosyedad. Ipinaglalaban ng pangunawang ito sa kautusan na tanging ang literal na Sabbath, na sa ikapitong araw ng sanlinggo (Sabado) matutupad ang hinihingi ng kautusan.
Ang mga tagasunod ng tinatawag na semi-sabbatarianism simula noong mga ikaapat na siglo AD ay naniwala gaya ng mga sabbatarians, na inilipat na ang hinihingi ng kautusan patungkol sa Sabbath mula Sabado patungong Linggo, ang unang araw ng sanlinggo (ang araw kung kailan nabuhay na mag-uli si Cristo mula sa mga patay). Itinuturo ng mga teologo ng panahong iyon, partikular sa iglesya sa Silangan ang praktikal na pagkakakilanlan ng Judiong Sabbath (Sabado) at ng Kristiyanong Linggo.
Magandang pansinin na isang alamat ang tinalakay sa tinatawag na Apokalipsis ni Pedro na tinatayang isinulat noong mga ikalawang siglo AD at pangkalahatang tinatanggap bilang isang huwad na kasulatan na inilipat na ang pagsamba sa araw ng Sabado sa araw ng Linggo. Isang taong nagngangalang Albertus Magnus ang nagdagdag ng awtoridad sa lumalagong kilusang ito sa pagsasabi na maaaring hatiin sa dalawa ang semi-sabbatarianism: ang moral na utos na alalahanin ang araw ng pamamahinga pagkatapos na magtrabaho sa loob ng anim na araw, at ang simbolong panseremonya na mailalapat lamang sa mga Judio sa isang literal na pakahulugan. Sinuportahan ni Thomas Aquinas ang proposisyong ito sa estado ng doktrina ng Romano Katoliko na sa panahong iyon ay nakakuha ng suporta mula sa mga teologo ng repormasyon.
Hindi binanggit saanman sa Kasulatan ang tungkol sa anumang Sabbath (Sabado) na nagsasama-sama ang mga mananampalataya para sa pakikisama sa isa’t isa at sa pagsamba. Gayunman, may mga talata na malinaw na binabanggit ang unang araw ng salinggo, o Linggo kung kailan sila nagtitipon para sa layuning ito. Halimbawa sa Gawa 20:7, sinasabi na, “Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan.” Hinimok din ni Pablo ang mga Kristiyanong taga Corinto, “Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan” (1 Corinto 16:2). Dahil itinalaga ni Pablo ang pagkakaloob na ito bilang isang “paglilingkod” sa 2 Corinto 9:12, ang koleksyong ito ay maaaring iugnay sa sama-samang pagsamba ng mga Kristiyano sa araw ng Linggo. Ayon sa kasaysayan, ang araw ng Linggo, hindi ang araw ng Sabado ang normal na araw kung kailan nagpupulong ang mga Kristiyano sa iglesya, at ang pagsasanay na ito ay makikitang nagmula pa noong unang siglo AD.
Ang mga Kristiyano ay sumasamba tuwing Linggo para ipagdiwang ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo. Gayunman, mahalagang tandaan na ang pagsamba sa araw ng Linggo ay hindi iniutos sa Bibliya at hindi pinalitan ng araw ng Linggo ang Sabado at ito ang naging Sabbath ng mga Kristiyano. Habang inilalarawan sa Bagong Tipan ang pagsasama-sama at pagsamba ng mga Krisityano tuwing araw ng Linggo, hindi sinasabi saanman sa Bibliya na pinalitan ng araw ng Linggo ang araw ng Sabado bilang Sabbath. Ang susing punto sa lahat ng ito ay hindi natin dapat limitahan ang ating pagsamba sa anumang partikular na araw ng sanlinggo. Dapat tayong magpahinga sa Panginoon araw-araw at dapat nating sambahin ang Panginoon araw-araw.
English
Bakit araw ng Linggo ang pagsamba ng mga Kristiyano?