Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa Panginoon sa espiritu at katotohanan?
Sagot
Ang ideya ng pagsamba sa Panginoon sa “espiritu at katotohanan” ay nanggaling sa pakikipagusap ng Panginoon sa isang babae sa tabi ng balon sa Juan 4:6-30. Sa usapang ito, tinalakay ng babae ang tungkol sa lugar ng pagsamba at sinabi kay Hesus na ang mga Hudyo ay sumasamba sa Jerusalem habang ang mga Samaritano naman ay sumasamba sa bundok ng Gerizim. Ito ay matapos na ipahayag ni Hesus sa babae na alam Niya na nagkaroon na ito ng maraming asawa, at alam din Niya na ang lalaki na kanyang kasalukuyang kinakasama ay hindi rin niya asawa. Hindi naging komportable ang babae sa paksang ito kaya sinubukan nitong ilayo ang usapan mula sa kanyang personal na buhay patungo sa mga bagay patungkol sa relihiyon. Ngunit hindi hinayaan ni Hesus na lumayo ang usapan sa Kanyang aral tungkol sa tunay na pagsamba at tinumbok ang puso ng usapin: “Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama” (Juan 4:23).
Ang pangkalahatang aral tungkol sa pagsamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay hindi dapat na nakasalalay lamang sa isang lokasyong pangheograpiya ang pagsamba sa Diyos o kinakailangang isaayos ito ayon sa mga panandaliang probisyon ng mga Kautusan sa Lumang Tipan. Sa pagdating ni Kristo, hindi na mahalaga ang paghihiwalay sa pagitan ng mga Hudyo at mga Hentil, o ang pagiging sentro man ng templo sa pagsamba. Sa pagdating ni Kristo, ang lahat ng anak ng Diyos ay pare-parehong makalalapit sa Diyos Ama sa pamamagitan Niya. Ang pagsamba ay naging isang usapin ng puso, hindi ng panlabas na gawa at pinapatnubayan ng katotonanan sa halip ng mga seremonya.
Sa Deuteronomio 6:5, inilatag ni Moises sa mga Israelita kung paano nila dapat ibigin ang Diyos: “Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas.” Ang ating pagsamba sa Diyos ay itinutulak ng ating pag-ibig sa Kanya; at habang umiibig tayo, sumasamba tayo. Dahil ang ideya ng “buong lakas” sa salitang Hebreo ay “kabuuan,” pinalawak ni Hesus ang ekspresyong ito sa “isip” at “lakas” (Markos 12:30; Lukas 10:27). Ang pagsamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay tunay na nangangailangan ng pag-ibig sa Kanya ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas.
Ang tunay na pagsamba ay dapat na “sa espiritu,” na ang ibig sabihin ay kasama ang buong puso. Malibang may tunay na pag-ibig para sa Diyos, walang mangyayaring pagsamba sa espiritu. Gayundin naman, ang pagsamba ay dapat din na “sa katotohanan” na ang ibig sabihin ay dapat na nakikilala ng sumasamba ang Diyos na kanyang sinasamba. Malibang may kaalaman ang sumasamba kung sino ang tunay na Diyos na Kanyang sinasamba, walang magaganap na pagsamba “sa katotohanan.” Parehong kinakailangan ang dalawang ito para sa isang kasiya-siya at pagsambang nakaluluwalhati sa Diyos. Ang espiritu na walang katotohanan ay nagreresulta sa isang mababaw at emosyonal na karanasan na maaaring ikumpara sa isang taong nakahithit ng droga. Pagkatapos na mawala ang emosyon, kapag lumamig na ang init, nawawala na rin ang paghahangad sa pagsamba. Ang katotohanan naman na walang espiritu ay magreresulta sa isang hungkag at walang damdaming engkwentro na madaling magresulta sa isang porma ng walang siglang legalismo. Ang pinakamagandang kumbinasyon ng parehong aspeto ng pagsamba ay nagreresulta sa isang maligayang pagkilala sa Diyos na gaya ng pagpapakilala ng Kasulatan. Mas marami tayong nalalaman tungkol sa Diyos, mas malalim ang ating pagkilala at pasasalamat sa Kanya. Kung mas malalim ang ating pasasalamat sa Diyos, mas malalim ang ating pagsamba at kung mas malalim ang ating pagsamba, mas naluluwahati natin ang Diyos.
Ang pagsasamang ito ng espiritu at katotohanan sa pagsamba ay inilarawan ng napakaganda ni Jonathan Edwards, isang Amerikanong pastor at teologo noong ika-labing walong siglo. Sinabi niya, “Dapat kong isipin na isa sa aking tungkulin na gisingin ang emosyon ng aking tagapakinig sa isang napakataas na kalagayan sa abot ng aking kakayahan, sa kundisyon na nagigising ang kanilang damdamin ng pawang katotohanan at katotohanan lamang.” Kinikilala ni Edwards ang katotohanan at tanging ang katotohanan lamang ang makakaimpluwensya sa emosyon ng tao sa isang paraan na nagdadala ng karangalan sa Diyos. Ang katotohanan ng Diyos, dahil sa walang hanggan nitong kahalagahan, ay karapatdapat sa walang hanggang paghahangad.
English
Ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa Panginoon sa espiritu at katotohanan?