settings icon
share icon
Tanong

Bakit isang napakalaking tukso ang pagsamba sa diyus-diyusan?

Sagot


Ang ultimong sagot sa tanong na ito ay, "ito ay kasalanan." Ang makasalanang kalikasan ng tao ang dahilan kung bakit tayo sumasamba sa mga makabagong diyus-diyusan, na sa katotohanan, ay isang uri ng pagsamba sa sarili. Ang pagsamba sa ating mga sarili sa iba't ibang paraan ay tunay na isang napakalaking tukso. Sa katotohanan, napaka-makapangyarihan nito na ang mga tao lamang na pinananahanan ng Banal na Espiritu ang maaaring magtagumpay laban sa tukso ng modernong pagsamba sa diyus-diyusan. At kahit para sa mga pinananahanan ng Banal na Espiritu, ang tukso ng pagsamba sa diyus-diyusan ay isang pang habambuhay na pakikibaka bilang bahagi ng pamumuhay Kristiyano (Efeso 6:11; 1 Timoteo 6:12; 2 Timoteo 2:3).

Kung naririnig natin ang salitang "diyus-diyusan" o "idolo," lagi nating naiisip ang mga rebulto at mga mga bagay na katulad ng mga sinasamba ng mga pagano sa sinaunang mundo. Gayunman, ang mga diyus-diyusan sa ikadalawampu't isang siglo ay hindi katulad ng mga nahuhukay na diyus-diyusan ng mga pagano libu-libong taon na ang nakalilipas. Sa kasalukuyan, marami ang pinalitan na ang "guyang ginto" ng hindi natitighaw na pagnanasa sa salapi o sa kasikatan o "tagumpay" sa mata ng sanlibutan. May mga tao na ang pangunahing layunin ay igalang at tingalain ng iba. May mga naghahanap ng kasiyahan sa maganda ngunit hungkag na simulain. Ang nakalulungkot, laging hinahangaan sa ating sosyedad ang mga taong naglilingkod sa diyus-diyusan. Gayunman, sa huli, hindi mahalaga kung anuman ang hungkag na kasiyahan na ating hinahangad o anumang idolo o diyus-diyusan ang ating niyuyukuran; pareho lamang ang resulta — ang pagkahiwalay sa nagiisang tunay na Diyos.

Ang pangunawa sa mga makabagong diyus-diyusan ay makatutulong sa atin upang maunawaan kung bakit napakalaki silang tukso sa atin. Ang isang idolo o diyus-diyusan ay anumang bagay na ating idinadambana sa ating mga puso at buhay sa halip na ang tunay na Diyos gaya ng ating mga ari-arian, trabaho, mga relasyon, libangan, sports, kasayahan, mga layunin sa buhay, kasakiman, pagkahumaling sa alak / bawal na gamot / sugal / pornograpiya at iba pa. Ang ibang mga bagay na ating iniidolo ay maaaring napakabuti gaya ng ating trabaho at mga karelasyon. Ngunit sinasabi sa atin ng Kasulatan na "anuman ang ating ginagawa, gawin natin iyon para sa kaluwalhatian ng Diyos"(1 Corinto 10:31) at dapat na ang Diyos lamang ang ating paglilingkuran (Deuteronomio 6:13; Lukas 16:13). Sa kasamaang palad, lagi nating naisasantabi ang Diyos habang buong sigasig nating pinaguukulan ng pansin ang ating mga idolo. Ang higit na masama, marami sa oras na ating ginugugol sa pagbibigay pansin sa mga idolong ito ang nagiging dahilan upang kakaunti na lamang o wala na tayong panahon upang gugulin para sa Panginoon.

Minsan, sa ating mga idolo tayo naghahanap ng kaaliwan mula sa kahirapan sa buhay at sa kaguluhan na naghahari sa ating mundo. Ang mga nakakagumong bisyo gaya ng bawal na gamot at alak, o maging ang sobrang pagbabasa ng mga libro o panonood ng telebisyon ay maaaring gamiting kasangkapan upang pansamantalang makatakas sa isang mahirap na sitwasyon o kahirapan sa pangaraw-araw na buhay. Gayunman, sinasabi sa atin ng mangaawit na ang mga taong naglalagak ng tiwala sa mga ganitong gawain ay magiging walang saysay (Awit 115:8). Kailangan nating ilagak ang ating pagtitiwala sa Panginoon "na magiingat sa atin sa lahat ng kapahamakan" (Awit 121:7) at Siyang nangako sa atin na magkakaloob ng lahat ng ating mga pangangailangan kung magtitiwala tayo sa Kanya. Kailangan din nating tandaan ang mga pananalita ni Apostol Pablo na nagturo sa atin na huwag tayong "mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus (Filipos 4:6–7).

May isa pang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan na usong-uso sa kasalukuyan. Mabilis ang paglago nito dahil sa kultura na patuloy na lumalayo mula sa tamang katuruan ng Bibliya, gaya ng babala ni Apostol Pablo, "Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita" (2 Timoteo 4:3). Sa kultura sa panahong ito kung kailan hindi na naniniwala ang karamihan sa iisang katotohanan, binigyan ng panibagong kahulugan ang "Diyos." Tinalikuran ng mga tao ang Diyos na nagpakilala sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kasulatan at binabago ang Kanyang katangian upang sumang-ayon sa kanilang mga hilig at mga nasain at ginawa Siyang isang "mas mabait" at "mas maamong diyos" na sumasang-ayon sa tao kakaiba sa Diyos na ipinakilala sa Kasulatan. Isang "diyos" na kakaunti lamang ang kundisyon at hindi gaanong humahatol at ipinagwawalang bahala ang uri ng pamumuhay ng tao at hindi umuusig sa sinuman. Habang ipinapakalat ng mga simbahan sa buong mundo ang uri ng pagsambang ito sa diyus-diyusan, maraming tao ang napaniwala na sumasampalataya sila sa isang nagiisa at tunay na Diyos. Gayunman, ang mga diyos na ito ay ginawa lamang ng tao at ang pagsamba sa kanila ay pagsamba sa mga diyus-diyusan. Ang pagsamba sa isang diyos na ikaw ang gumawa ay nakakatukso lalo na sa mga taong ang libangan at uri ng pamumuhay at mga nasain ay hindi sumasang-ayon sa Kasulatan.

Ang mga bagay sa mundong ito ay hindi tunay na makakapagbigay kasiyahan sa puso ng tao. Hindi sila ginawa upang pumuno sa tao. Ang mga makasalanang bagay ay dumadaya sa atin at humahantong lamang sa kamatayan (Roma 6:23). Ang mabubuting bagay sa mundong ito ay mga kaloob ng Diyos at Kanyang ginawa upang magbigay sa atin ng pansamantalang kasiyahan ng may mapagpasalamat na puso at pagpapasakop sa Kanya at para sa Kanyang kaluwalhatian. Ngunit kung napapalitan na ng kaloob ang nagkaloob, o ang mga nilikha na ang pumapalit sa Lumikha sa ating mga buhay, nahuhulog na tayo sa pagsamba sa diyus-diyusan. At walang anumang idolo o diyus-diyusan ang makakapagbigay sa ating buhay ng kahulugan o kahalagahan o pag-asa para sa walang hanggan. Gaya ng buong kagandahang inilarawan ni Solomon sa kanyang aklat na Mangangaral, kung walang tamang relasyon sa Diyos ang isang tao, walang kabuluhan ang buhay. Nilikha tayo ng Diyos sa Kanyang wangis (Genesis 1:27) at idinisenyo upang sumamba at magpuri sa Kanya dahil Siya lamang ang karapatdapat sa ating pagsamba. Inilagay ng Diyos sa puso ng tao ang walang hanggan (Mangangaral 3:11), at ang isang relasyon lamang sa Panginoong Hesu Kristo ang tanging paraan upang mapunan ang ating pagnanasa para sa buhay na walang hanggan. Ang lahat ng ating paghahabol sa mga diyus-diyusan ay magiging dahilan ng ating kahungkagan, kawalang kasiyahan at siyang magdadala sa atin sa huli sa malawak na daan na dinaraanan ng marami na ang hantungan ay kapahamakan (Mateo 7:13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit isang napakalaking tukso ang pagsamba sa diyus-diyusan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries