Tanong
Paano ko malalaman kung paano ang tamang pagsamba sa Diyos?
Sagot
Maaaring pakahuluganan ang pagsamba sa ganitong paraan: “Ang gawain ng pagbibigay karangalan at pagibig sa isang Diyos, idolo o tao ng may buong pagsasakripisyo.” Ang gawain ng pagsamba ay kinapapalooban ng pagbibigay ng buong sarili sa pagpupuri, pasasalamat at pagsamba sa isang Diyos, tao o materyal na bagay. Hindi ito isang pakitang tao lamang at magagawa lamang matapos suriin kung sino o alin ang dapat at hindi dapat sambahin. Ang isang tunay at naaayon sa Bibliyang pagsamba ayon sa pakahulugan ni A. W. Pink (1886-1952), isang Kristiyanong iskolar, sa kanyang pagpapaliwanag sa Ebanghelyo ni Juan ay: “Ito ay pagpapahayag ng isang pusong tinubos, na sinakop ng Diyos, ng pagsamba at pasasalamat.” Gayundin naman, si A.W. Tozer, na minsang kinilala bilang isang mangangaral noong ika-dalampung (20) siglo ay nagsabi, “Ang tunay na pagsamba ay isang personal at walang kupas na pag-ibig sa Diyos, kung saan ang ideya ng paglipat ng pagsinta ay hindi matatagpuan.”
Ito ay dapat na nanggagaling sa puso ng isang lalaki o babaeng tinubos ng Diyos na pinawalang sala sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya na nagtitiwala sa panginoong Hesu Kristo lamang para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Paano masasamba ng isang tao ang Diyos ng kalangitan kung hindi pa napapatawad ang kanyang mga kasalanan? Hindi maaaring maging katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsamba na nanggagaling sa puso ng isang taong hindi binuhay sa espiritu na ang puso ay pinananahanan ni Satanas, ng kanyang sarili at ng mundo (2 Timoteo 2:26; 1 Juan 2:15). Anumang pagsamba maliban sa pagsamba mula sa isang nilinis na puso ay walang kabuluhan.
Ikalawa, ang tunay na pagsamba ay nanggagaling mula sa isang pusong walang ibang ninanais kundi ang Diyos. Ito mismo ang dahilan kung bakit nagkamali ang mga Samaritano; inibig nilang sambahin ng sabay ang Diyos at mga diyus diyusan (2 hari 17:28-41), at ito ay muling pinatunayan ng Panginoong Hesus ng magturo Siya tungkol sa paksa ng tunay na pagsamba sa isang Samaritana na dumating upang umigib ng tubig mula sa balon.”Hindi ninyo nakikilala ang inyong sinasamba” (Juan 4:22). Ang mga taong ito ay sumamba sa Diyos ng may kahati sa kanilang puso dahil ang kanilang pag-ibig ay hindi nakatuon sa Diyos lamang. Posible pa rin sa mga tunay na mananampalataya na bumagsak sa ganitong uri ng pagkakamali. Maaring hindi tayo sumasamba sa isang pisikal na diyus-diyusan gaya ng ginawa ng mga Samaritano, ngunit ano ang pumupukaw sa ating kalooban, panahon at tinatangkilik ng higit sa lahat? Hindi ba’t ito ay ang ating mga trabaho, materyal na pag-aari, pera, kalusugan at maging ang ating pamilya? Sumigaw tayo gaya ni Haring David sa Awit 63:5, “Itong aking kaluluwa'y kakaing may kasiyahan, magagalak na umawit ng papuring iaalay.” Walang ibang makapagbibigay ng kasiyahan sa puso ng isang isinilang na muli kundi ang Diyos at ang kanyang tugon sa kasiyahang iyon na maihahambing sa pinakamasarap na pagkain, ay ang kanyang labi na umaawit ng papuri para sa Diyos (Hebreo 13:15).
Ikatlo, ang tunay na pagsamba ay ang pagnanais na magpatuloy sa paglago sa kaalaman tungkol sa Diyos. Gaano natin ito ninanais sa panahon ngayon? Maliban sa Bibliya, na dapat nating binabasa araw araw, kailangan din nating dagdagan ang ating kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng magagandang aklat. Kailangan nating punuin ang ating isipan sa tuwina ng mga bagay tungkol sa Diyos; ang Diyos ang dapat na laging nasa ating isipan, at lahat ng ating ginagawa ay dapat na may kinalaman sa Kanyang kalooban (Colosas 3:17; 1 Corinto 10:31). Kapuna-puna na ang salitang Griyego para sa salitang “pagsamba” sa Roma 12:1 ay maaaring mangahulugan ng “paglilingkod.” Kaya nga ang ating pang araw-araw na ginagawa sa buhay ay maaari ring ituring na isang pagsamba. Araw-araw, dapat nating ihandog ang ating mga sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod lugod sa Diyos. Dapat na nililinis ng Iglesya ang kanyang sarili sa mundo, ngunit madalas, ang kabaliktaran nito ang nangyayari. Linisin natin ang ating mga puso kung tunay na nais nating sumamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan. Ang ating Diyos ay banal; Siya ay bukod-tangi, ayaw ng Diyos na may kahati sa ating pagmamahal; hindi ibibigay ng Diyos sa iba ang Kanyang karangalan.
Tayo ay nilikha upang sumamba, ngunit pininsala at winasak tayo ng kasalanan. Ang pagsamba ay isang bagay na dapat sana’y natural na ginagawa ng tao ngunit malibang ibalik na muli ng Diyos ang ating relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang minamahal na Anak, ang pagsamba ng tao ay walang kabuluhan. Ito tulad lamang sa “kakaibang apoy” sa harap ng altar ng Diyos (Levitico 10:1).
English
Paano ko malalaman kung paano ang tamang pagsamba sa Diyos?