Tanong
Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang sabihin ‘Pasanin mo ang iyong krus at sumunod ka sa akin’ (Mateo 16:24; Marcos 8:34; Lucas 9:23)?
Sagot
Simulan natin sa kung ano ang hindi tinutukoy ni Hesus. Maraming tao ang tumutukoy sa “krus” bilang pabigat sa buhay na dapat pasanin gaya ng isang pinilit na relasyon, isang trabaho na hindi binigyan ng halaga, o isang karamdamang pisikal. Sinsabi nila ng may halong pagmamataas, “Kailangan kong pasanin ang aking krus.” Ganitong interpretasyon ang hindi tinutukoy ni Hesus ng Kanyang sabihin, “Pasanin mo ang iyong krus at sumunod sa akin.”
Noong pasanin ni Hesus ang kanyang krus papuntang Golgota upang doon ipako, walang sinuman ang nag-isip na ang krus ay sumisimbolo sa isang bagay na pabigat sa buhay na kinakailangang pasanin. Para sa imga tao noong unang siglo, nangangahulugan lamang ang krus ng iisang bagay at wala ng iba kundi ang pinakamasakit at nakakahiyang pamamaraan ng pagpatay na maaaring maranasan ninuman.
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, tinitingnan ng mga Kristiyano ang krus bilang isang simbolo ng pagtubos, kapatawaran, biyaya, at pag-ibig. Ngunit noong panahon ni Hesus, walang ibang ibig sabihin ang krus kundi “kamatayan.” Dahil sapilitang pinapapasan ng mga Romano sa mga nahatulang kriminal ang kanilang sariling krus patungo sa lugar na kung saan sila ipapako, isang sinadyang pamamaraan ang pagpasan ng krus upang harapin ang nakatakdang parusang kamatayan.
Samakatuwid, ang sinabi ni Hesus na “pasanin mo ang iyong krus at sumunod sa akin” ay nangangahulugan ng pagsunod kay Hesus maging hanggang kamatayan. “Paglimot sa sariling kapakanan” ang tawag dito o pagsusuko ng buhay. Pagkatapos na iutos ng Panginoon ang pagpasan ng krus, sinabi Niya, “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito (t.25). Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman ang kanyang sarili?” (Lukas 9: 24-25; Mateo 16:26; Markos 8: 35-36).
Bagamat ang pagtawag ay mahirap, ang gantimpala naman ay walang kapantay. Saan man pumaroon si Hesus, maraming tao ang nahihikayat sa Kanya. Kahit madalas siyang sinusundan ng mga tao bilang Mesiyas, mali ang kanilang pagtingin kung sino Siya at kung ano ang Kanyang gagawin. Iniisip nila na si Kristo ang magpapalaya sa kanila sa mga Romano at magtatayong muli ng kanilang kaharian. Pinaniniwalaan nila na palalayain Niya sila sa ilalim ng mapang-api, mananakop at makapangyarihang kaharian ng bansang Roma. Inisip din maging ng mga malalapit na disipulo ni Kristo ang ganitong bagay (Lukas 19:11). Nang magsimula si Hesus na ituro na mamamatay Siya sa kamay ng mga lider Judio at mga Panginoong Hentil (Lukas 9:22), biglang naglaho ang Kanyang katanyagan. Marami sa mga nagulat ang itinakwil Siya. Tunay na hindi nila magawang patayin ang kanilang sariling pagpapasya, mga plano, at kagustuhan, at ipagpalit ito alang-alang sa Kanya.
Totoong madali ang pagsunod kay Hesus kapag maganda ang takbo ng buhay. Nasusubok lamang ang ating katapatan sa panahon ng kagipitan. Tiniyak ni Hesus na darating sa buhay ng Kanyang mga alagad ang mga pagsubok (Juan 16:33). Kapalit ng pagiging disipulo ang pagsasakripisyo, at kailanman, hindi itinago ni Hesus ang tungkol sa bagay na ito.
Sa Lukas 9: 57-62, may tatlong tao ang tila nakahandang sumunod kay Hesus. Nang subukin ni Hesus ang kanilang katapatan, lumabas na sila’y huwad at hindi totoo. Nabigo sila na tukuyin ang halaga ng pagsunod kay Kristo. Wala ni isa man sa kanila ang handang magpasan ng kanilang krus at isuko ang sariling kapakanan. Sa ganitong kadahilanan, hinayaan na lamang sila ni Hesus. Anong laking pagkakaiba laban sa pangkaraniwang pagtatanghal ng Ebanghelyo! Sino kaya ang tutugon sa isang pagtawag na nagsasabing, “Halika ka at sumunod kay Hesus, at mararanasan mo ang pagkawala ng mga kaibigan, pamilya, reputasyon, pangarap, at marahil ang iyong buhay?” Malamang bababa ang bilang ng mga huwad na nagbabalik-loob. Isang kakaibang pagtawag ang sinabi ni Hesus na, “Pasanin mo ang iyong krus at sumunod sa akin.”
Kung iniisip mo na ikaw ay nakahanda sa pagpasan ng iyong krus, isaalang-alang mo ang mga bagay na ito:
*Nakahanda ka bang sumunod kay Hesus kahit pa nangangahulugan ito ng pagkawala ng ilan sa malalapit mong mga kaibigan?
*Nakahanda ka bang sumunod kay Hesus kahit pa na ito ay nangangahulugan ng iyong pagkawalay mula sa iyong pamilya at mga mahal sa buhay?
*Nakahanda ka bang sumunod kay Hesus kahit pa na ito ay nangangahulugan ng pagkawala ng iyong reputasyon?
*Nakahanda ka bang sumunod kay Hesus kahit pa nangangahulugan ito ng pagkawala ng iyong trabaho?
*Nakahanda ka bang sumunod kay Hesus kahit pa nangangahulugan ito ng pagkawala ng iyong buhay?
Sa ibang dako ng mundo, makatotohanan ang mga bagay na ito. Kung kaya’t mapapansin na isinasaad sa tanong, “Nakahanda ka ba?” Sa pagsunod kay Kristo, hindi nangangahulugan na kinakailangang mangyari sa iyo ang lahat ng mga bagay na ito, subalit nakahanda ka bang pasanin ang iyong krus? Kung may isang punto sa iyong buhay na nahaharap ka sa isang pagpili – Si Hesus ba o ang kaginhawaan sa buhay – Alin sa dalawa ang iyong pipiliin?
Ang pagsunod kay Kristo ay nangangahulugan ng pagpasan ng iyong krus araw araw, pagsusuko ng iyong mga sariling naisin, mga pangarap, ari-arian, at maging ng iyong buhay kung kinakailangan alang-alang kay Kristo. Kung handa ka sa pagpasan ng iyong krus, maaaring ikaw ay maituturing na isang tunay na alagad ni Hesu Kristo (Lukas 14:27). Ang pagpapagal ay may kalakip na gantimpala. Tinupad ni Hesus ang Kanyang tungkulin ng pagaalay ng buhay (“Pasanin mo ang iyong krus at sumunod ka sa akin”): “Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito” (Mateo 16:25). English
Ano ang ibig sabihin ni Hesus ng Kanyang sabihin ‘Pasanin mo ang iyong krus at sumunod ka sa akin’ (Mateo 16:24; Marcos 8:34; Lucas 9:23)?