Tanong
Papaano ko mapapatawad ang mga taong nagkasala sa akin?
Sagot
Lahat tayo ay nagawan ng mali, naapi, at pinagkasalahan ng ibang tao sa isang yugto ng ating buhay sa nakaraan o maaaring maging sa kasalukuyan. Papaano nga ba ang isang Kristiyano tutugon sa mga ganitong pangyayari sa kanilang buhay? Ayon sa Bibliya, tayo ay dapat na maging magpatawad. Ipinahayag sa Efeso 4:32, "Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa't isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo." Ganito rin ang sinasabi ni Pablo sa Colosas 3:13, "Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa't isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya't magpatawad din kayo." Sinasabi sa dalawang talata na dapat tayong magpatawad sa isa't isa katulad din ng pagpapatawad sa atin ng Diyos. Bakit kailangan tayong magpatawad? Dahil tayo ay pinatawad din! Ang mga hindi Kristiyano lamang na hindi pa napatawad ng Diyos ang walang kakayahan o kagustuhan na patawarin ang nagkasala sa kanila.
Ang kapatawaran ay madaling ibigay sa mga taong humihingi ng kapatawaran at nagsisisi. Ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya na tayo ay dapat na magpatawad ng walang kundisyon sa mga taong nagkasala sa atin. Ang hindi pagpapatawad sa kapwa ay pagpapakita ng sama ng loob, kapaitan ng damdamin at pagtatanim ng galit, mga katangian na hindi dapat makita sa mga tunay na Kristiyano. Sa ating panalangin sa Diyos, hinihingi natin na tayo'y patawarin ng Diyos sa ating mga kasalanan, gaya rin naman ng pagpapatawad natin sa mga nagkasala sa atin (Mateo 6:12). Sinabi ni Hesus sa Mateo 6:14-15, "Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama." Kung ihahambing natin sa ibang bahagi ng Kasulatan na nagtuturo tungkol sa pagpapatawad ng Diyos, ang Mateo 6:14-15 ay nagpapahiwatig na ang taong hindi marunong magpatawad ay hindi pa nakaranas ng pagpapatawad ng Diyos.
Sa tuwing tayo ay lumalabag sa utos ng Diyos, tayo ay nagkakasala sa Kanya. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng hindi tama sa ating kapwa, hindi lamang tayo nagkakasala sa taong iyon kundi nagkakasala rin tayo sa Diyos. Kung ating pahahalagahan ang pagpapatawad ng Diyos sa lahat ng ating mga kasalanan sa Kanya, matatanto natin na wala tayong karapatan ni katiting man upang ipagkait ang kapatawaran sa ating kapwa. Ang ating mga kasalanan sa Diyos ay napakalaki at mas marami kung ikukumpara sa kasalanan sa atin ng ibang tao. Kung tayo ay pinatatawad ng Diyos ng buo at ganap, bakit tayo tatangging patawarin ang ating kapwa? Ang talinghaga ni Hesus sa Mateo 18:23-35 ay isang magandang halimbawa ng pagpapatawad sa atin ng Diyos. Ang Diyos ay nangako na kung lalapit tayo sa Kanya at hihingi ng kapatawaran, ito ay ibibigay Niya sa atin ng walang kundisyon (1 Juan 1:9) Ang kapatawaran na dapat nating ipagkaloob sa ating kapwa ay nararapat na buo at walang kundisyon katulad din ng kapatawaran na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. (Lucas 17:3-4).
English
Papaano ko mapapatawad ang mga taong nagkasala sa akin?