settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapatawad sa saril?

Sagot


Maaming sinasabi ang Bibliya tungkol sa pagpapatawad, ngunit hindi nito partikular na tinatalakay ang konsepto ng pagpapatawad sa sarili. Kadalasan, pinaguusapan natin ang “pagpapatawad sa sarili” kung ang isang tao ay nagpapahayag ng patuloy na paguusig ng budhi sa mga nakaraang kasalanan o ng pagsisisi sa mga negatibong konsekwensya na sanhi ng isang desisyon sa nakalipas. Maaaring personal nating maramdaman ang pangangailangan ng “pagpapatawad sa ating sarili” para sa ating mga pagkakamali upang makapagpatuloy tayo sa ating mga buhay.

Ang pagpapatawad sa sarili ay pangunahing nagmumula sa pangunawa sa pagpapatawad ng Diyos. Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na ang bawat tao ay nagkasala laban sa Diyos (Roma 3:23), at ang lahat na ating mga pagkakamali ay laban sa Diyos (Awit 51:4; Genesis 39:9). Kaya nga, ang mahalagang bagay na ating kailangan ay ang pagpapatawad ng Diyos, na maaari nating makamtan sa pamamagitan ng persona at gawain ni Jesu Cristo. Ang lahat ng naglagak ng pananampalataya kay Jesus ay ganap na pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sila ay ibinilang na matuwid sa harapan ng Diyos, at pinaging matuwid magpakailanman (Roma 5:1–11; Efeso 1:13–14; 2:1–10). Siyempre, nakikipaglaban pa rin tayo sa kasalanan, ngunit tapat ang Diyos para linisin tayo kung magpapahayag tayo sa kanya ng ating mga kasalanan at ibabalik Niya tayo sa tamang relasyon sa kanya (1 Juan 1:9; 2:1–2). Ang handog ni Jesus ay sapat para sa anuman at lahat na ating mga kasalanan. Kung gayon, ang pagapapatawad sa sarili, ay aktwal na may kinalaman sa ating pagtanggap ng kapatawaran ng Diyos.

Makakatulong sa ating pangunawa ang pagkukumpara sa pagpapatawad natin sa iba at sa pagpapatawad natin sa ating mga sarili. Itinala sa Mateo 18:21–35 ang talinghaga tungkol sa isang alipin na hindi marunong magpatawad. Sa talinghagang ito, isang panginoon ang pinatawad ang napakalaking utang ng isa sa kanyang mga alipin para lamang hindi nito patawarin ang mas maliit na utang sa kanya ng isang kapwa alipin. Sinabi ng kanyang panginoon, “Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?” (Mateo 18:33). Dahil tumanggap tayo ng kapatawaran mula sa Diyos, dapat din nating ipagkaloob sa iba ang kapatawaran. Walang pamantayan na higit na mataas sa pamantayan ng Diyos. Ang ating mga kasalanan laban sa isang tao ay mga kasalanan din natin laban sa Diyos; ang Kanyang mga Kautusan ang ating nilabag. Walang ibang paraan para ang isang tao, kabilang ang ating mga sarili, ay makakagawa ng kasalanan laban sa atin ng higit sa magagawa niyang kasalanan sa Diyos. Kung nauunawaan natin na ang pamantayan ng Diyos ang nakataya, at mabiyaya niyang ipinagkaloob ang kapatarawan sa atin, makakaya din nating ipagkaloob ang parehong kapatawaran sa iba—at sa ating mga sarili.

Habang maaaring hindi madaling maintindihan ang konseptong ito, ang pagpapatawad sa sarili ay maaaring mas mahirap na aktwal na ilapat sa buhay. Pinanghihinayangan natin ang ating mga maling desisyon, at pinagsisisihan natin ang mga paraan kung paano natin sinaktan ang ating mga sarili at ang iba. Patuloy tayong inaakusahan ng ating kaaway at ipinapaalala ang ating mga kasalanan. Ganito rin ang maaaring ginagawa sa atin ng ibang tao sa ating mga buhay. May mga pagkakataon na inaakala natin na dapat nating pagsisihan o kapuri-puri ang pagtanggi sa pagpapatawad sa ating mga sarili na parang ang pagpaparusa sa ating mga sarili ang makatutubos sa atin sa ating mga kasalanan. Ngunit hindi ito ang mensahe ng Ebanghelyo. Sa katunayan, malinaw ang sinasabi ng Bibliya na hindi natin kayang bayaran ang ating sariling mga kasalanan. Tayo ay mga makasalanan na patay sa ating mga pagsuway (Roma 3:23; 6:23; Efeso 2:1–10) at walang pag-asa kung hiwalay kay Cristo (Juan 3:16–18, 36; Roma 5:6–8). Sinasabi sa atin ng Ebanghelyo na ang poot ng Diyos sa ating mga kasalanan ay ibinuhos kay Jesus; nailapat na ang hustisya. Ang pamumuhay sa paguusig ng budhi o pagpaparusa sa sarili ay pagtanggi sa katotohanan ng Ebanghelyo.

Kakatwa man, ang pagpapatawad sa sarili ay nangangahulugan ng pagamin sa iyong pagiging makasalanan. Nangangailangan ito ng pag-amin na tayo ay hindi perpekto at wala tayong kakayahan na maging perpekto sa ating sarili. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa lalim ng ating kasamaan. Nangangahulugan ito ng pagtanggi sa ideya na ang ating mga gawa ang bayad sa ating mga pagkakamali. Ngunit nangangahulugan din ito ng pagtanggap sa biyaya ng Diyos at paglakad sa kapuspusan nito. Kung magpapakumbaba tayo at tatanggapin ang biyaya ng Diyos, maaari nating alisin ang ating galit laban sa ating mga sarili dahil sa ating mga pagkakamali. Nauunawaan natin na labis tayong iniibig ng Manlilikha ng sansinukob na hindi lamang Niya tayo nilikha, kundi pinagtagumpayan din Niya ang ating paglaban sa Kanya.

Ang kahanga-hanga tungkol sa pagpapatawad ng Diyos ay hindi lamang ito isang transakyon; ito ay isang aksyon ng pakikipagrelasyon. Nang tayo ay maligtas, tayo ay naging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Tinanggap natin ang pananahan ng Banal na Espiritu na bumabago sa atin (Filipos 2:12–13). Kasama natin Siya magpakailanman (Juan 14:16–17; Efeso 1:13–14). Ang ating mga kasalanan ay may tunay at laging nakakadurog ng pusong konsekwensya sa ating mga buhay. Ngunit tapat ang Diyos para gamitin kahit na ang mga iyon para sa Kanyang kaluwalhatian at sa ating ikabubuti (Roma 8:28–30; 2 Corinto 1:3–7). Hindi tayo iniwan para maglunoy sa mga konsekwensya ng ating mga kasalanan. Sa halip, tinutulungan tayo ng Diyos na magtiis sa pagdaan sa mga iyon, at nakikita natin ang Kanyang kakayahan sa pagtubos sa atin (Santiago 1:2–5).

Ang pagpapatawad sa sarili ay maaaring maging mas mahirap kung ang iyong kasalanan ay nagkaroon ng negatibong resulta sa buhay ng isang tao. Mahalaga na humingi ng tawad sa mga taong nagawan natin ng pagkakamali at makipagkasundo sa kanila kung posible. Muli, ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kakayahan para sa pakikipagkasundo. Hindi maaayos ang isang nasirang relasyon o mawawala ang pinsala na iyong ginawa sa iba sa pamamagitan ng pamumuhay sa kahihiyan. Ngunit kaya itong gawin ng Ebanghelyo.

Sa maraming paraan, nagpakita si Pablo ng halimbawa ng pagpapatawad sa sarili. Siya ay naging isang marahas na taga-usig ng iglesya. Ngunit sa halip na mabuhay sa kahihiyan at panghihinayang sa kanyang mga ginawa, o pagiisip na hindi na siya magagamit ng Diyos, o patuloy na pagpapaalala sa kanyang sarili ng kanyang kasalanan, malawakan niyang ipinakalat ang Ebanghelyo. Hindi ito dahil nais niyang bayaran ang kanyang kasalanan o nagsisikap siya na tapalan ang kanyang mga pagkakamali sa nakaraan. Sa halip, ito ay dahil sa kanyang pangunawa sa dakilang pagliligtas ng Diyos. Isinulat ni Pablo, “Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan. Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen” (1 Timoteo 1:15–17). Ang kasalanan ni Pablo ay aktwal na naging daan para maluwalhati ang Diyos. Sa halip na tumangging patawarin ang sarili, agad na tinanggap ni Pablo ang kapatawaran ng Diyos at nagalak dito.

Sa aklat ng Roma kabanata 7 hanggang 8, makikita natin ang isa pang halimbawa nito. Idinaing ni Pablo ang kanyang patuloy na pakikibaka sa kanyang makasalanang kalikasan, isang labanan na karaniwan sa bawat sumasampalataya kay Cristo. Ngunit hindi niya sinabi na mas magsisikap pa siya o hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili. Sa halip kanyang sinabi, “Binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya! Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan… Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan” (Roma 7:24—8:2).

Ang mga alaala ng kasalanan sa nakalipas ay maaaring magudyok sa atin para purihin ang Diyos dahil sa Kanyang kahabagan at biyaya. Ang mga kasakuluyang negatibong konsekwensya ng ating mga kasalanan sa nakalipas ay maaring magpaalala sa katapatan ng Diyos sa kalagitnaan ng mga ito. Maaari silang magudyok sa atin para manalangin at magtiwala sa Diyos para sa pagtitiis, sa Kanyang pagliligtas at pagbabago sa atin. Ang pagpapatawad sa sarili, sa totoo, ay pagtanggap lamang ng ganap na pagpapatawad ng Diyos. Dito, may ganap na kalayaan (Galacia 5:1)!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapatawad sa saril?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries