Tanong
Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na magpatawad at lumimot?
Sagot
Ang pariralang “pagpapatawad at paglimot” ay hindi makikita sa Bibliya. Gayunman, maraming iniuutos sa atin sa maraming talata sa Bibliya na “magpatawaran tayo sa isa’t isa.” (halimbawa sa Mateo 6:14 and Efeso 4:32). Matatagpuan ng isang Kristiyanong hindi handang magpatawad sa iba na nahahadlangan ang kanyang pakikisama sa Diyos (Mateo 6:15) at maaari siyang mamuhay sa kapaitan at mawala ang mga gantimpala (Hebreo 12:14–15; 2 Juan 1:8).
Ang pagpapatawad ay isang desisyon. Dahil inutos sa atin ng Diyos ang pagpapatawad, dapat tayong gumawa ng isang pinagisipang desisyon na sumunod sa Diyos at magpatawad. Maaaring hindi nais ng nagkasala ang pagpapatawad at hindi siya magbago, ngunit hindi nito naaapektuhan ang nais ng Diyos para sa atin na magkatoon tayo ng mapagpatawad na espiritu (Mateo 5:44). Sa tamang proseso, nanaisin ng nagkasala na makipagkasundo, ngunit kung hindi, maaari pa ring magdesisyong ang pinagkasalanan na magpatawad.
Siymepre, imposible na malimutan ang kasalanan na ginawa ng nagkasala sa atin. Hindi natin kayang burahin ang mga ala-ala sa ating isipan. Sinasabi sa Bibliya na hindi na aalalahanin pa ng Diyos ang ating mga kasalanan (Hebreo 8:12). Ngunit alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Naaalala ng Diyos na tayong lahat ay nagkasala at hindi nangakaabot sa Kanyang kaluwalhatian (Roma 3:23). Ngunit bilang mga pinatawad, tayo ay pinawalang sala na. Atin na ang langit na gaya ng hindi tayo nakagawa ng anumang kasalanan. Kung tayo ay sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo, hindi na tayo hahatulan ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan (Roma 8:1). Sa ganitong paraan “nagpapatawad at lumilimot” ang Diyos.
Kung ang ibig sabihin ng isang tao sa “pagpapatawad at paglimot” ay “pipiliin kong patawarin ang nagkasala sa akin alang alang kay Kristo at magpapatuloy ako sa aking buhay.” ito ay isang matalino at makadiyos na aksyon. Sa abot ng ating makakaya, dapat nating kalimutan ang nakaraan at magpatuloy ng masikap para sa hinaharap (Filipos3:13). Dapat nating patawarin ang isa’t isa “gaya ng pagpapatawad sa atin ng Diyos kay Kristo” (Efeso 4:32). Hindi natin dapat hayaan na tumubo at mag-ugat ang kapaitan sa ating mga puso (Hebreo 12:15).
Gayunman, kung ang ibig sabihin ng “pagpapatawad at paglimot” ay “Ituturing ko na parang hindi nangyari ang pagkakasala sa akin at mamumuhay ako na parang hindi ko na iyon naaalala,” maaari tayong magkaproblema. Halimbawa, maaaring piliin ng isang biktima ng panggagahasa na patawarin ang gumahasa sa kanya, ngunit hindi iyon nangangahulugan na kikilos siya na parang hindi naganap ang kasalanang iyon. Ang maggugol ng panahon ng mag-isa kasama ng isang rapist, lalo na kung hindi iyon nagsisi sa kanyang kasalanan ay hindi itinuturo ng Bibliya. Ang pagpapatawad ay kinapapalooban ng hindi paninisi sa nakagawa ng kasalanan, ngunit hindi ito kasingkahulugan ng pagtitiwala. Dapat na sanayin ang pagiingat, at minsan kailangang baguhin ang pakikitungo sa nagkasala. “Ang mabait na tao ay nakakakita ng kasamaan at nagkukubli” (Kawikaan 22:3). Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga tagasunod na “mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati ” (Mateo 10:16). Sa konteksto ng pakikihalubilo sa mga makasalanang hindi nagsisisi, dapat tayong maging maamo (handang magpatawad) ngunit gayundin naman dapat tayong maging matalino (maingat).
Ang ideyal ay magpatawad at lumimot. Ang pag-ibig ay hindi nagbibilang ng mali ng iba (1 Corinto 13:5) at tumatakip sa maraming kasalanan (1 Pedro 4:8). Gayunman, hindi natin trabaho ang magbago ng puso ng tao. Ito ay gawain ng Diyos at hangga’t hindi binabago ng Diyos ang nagkasala sa atin at hindi pa siya nakakaranas ng supernatural na pagbabago, isang matalinong pagpapasya ang paglimita sa antas ng pagtitiwala sa taong iyon. Ang pagiingat ay hindi nangangahulugan na hindi pa tayo nagpapatawad. Ito’y simpleng nangangahulugan na hindi natin nalalaman ang nilalaman ng puso ng tao. English
Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na magpatawad at lumimot?