settings icon
share icon
Tanong

Paano tayo magpapasakop sa Diyos?

Sagot


Sa lahat ng mga pangyayari sa Bagong Tipan kung saan makikita ang salitang “pagpapasakop,” ito ay mula sa salitang Griyegong hupotasso. Ang salitang hupo ay nangangahulugang “sa ilalim” at ang tasso ay nangangahulugang “isaayos.” Ang salita at ang ugat nito ay isinalin din sa salitang “ipasakop” at “pagpapasakop.” Ang buong kahulugan ng salita ay “sumunod, magpailalim, magpasakop sa, ipailalim o magpailalim bilang pagsunod sa o maging masunurin sa.” Ang salita ay ginamit bilang isang terminolohiyang militar na nangangahulugang “isaayos ang mga tropa sa isang kaayusang militar sa ilalim ng pamamahala ng isang pinuno.” Ang salita ay isang kahanga-hangang pakahulugan sa ibig sabihin ng salitang “pagpapasakop sa Diyos.” Nangangahulugan ito ng pagsasaayos ng sarili sa ilalim ng pamamahala sa makadiyos na pananaw sa halip na mabuhay ng ayon sa dating pamumuhay ayon sa makataong pananaw. Ito ay isang proseso ng pagsusuko ng ating sariling kagustuhan sa kagustuhan ng ating Ama.

Maraming sinasabi ang Kasulatan tungkol sa pagpapasakop sa “matataas na kapangyarihan.” Ito ay may kinalaman sa prinsipyo ng pagpapasakop na itinalaga ng Diyos para sa ating mundo - ang mga pamahalaan at mga namumuno, sa anumang kapasidad, kung saan sila inilagay ng Diyos upang pamahalaan tayo sa mundo. Ang mga sitas sa Bibliya na nagtuturo ng prinsipyong ito ay ang Roma 13:1-7; Hebreo 13:17; 1 Pedro 2:13-14; at Tito 3:1. Ang prinsipyo ay kung magiging masunurin tayo sa mga namumuno sa atin, magdudulot ito sa atin ng pansamantalang pagpapala sa kasalukuyan at para sa mga mananampalataya, ng gantimpala sa hinaharap. Ang pinakamataas na pinuno ay ang Diyos, kaya upang makapagpasakop tayo sa Diyos, dapat tayong magpasakop sa mga awtoridad na inilagay niya para sa atin. Mapapansin natin na walang anumang pagkakaiba sa pagitan ng masama at mabuting mga tagapamahala o makatarungan at hindi makatarungang mga tagapamahala. Dapat lamang tayong magpakumbaba at sumunod sa mga pinuno natin sa lupa na tulad ng pagsunod natin sa Panginoon.

Sinabihan din tayo na ipasakop ang ating sarili sa Diyos (Santiago 4:7). Sa aklat ng Efeso, mababasa natin na dapat na magpasakop tayo sa isa’t isa “dahil sa pagkatakot kay Kristo” (Efeso 5:21). Mababasa din natin na dapat na “magpasakop” ang babae sa kanyang asawa na gaya ng sa Panginoon at dapat namang “ibigin” ng lalaki ang kanyang asawa (Efeso 5:22-25). Isinulat ni apostol Pedro, “Mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpapakumbaba kayong lahat sapagkat nasusulat, ‘Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinalulugdang Niya ang may mababang kalooban’” (1 Pedro 5: 5). Tumutukoy ito sa kababaang-loob. Hindi makakapagpasakop sa Diyos ang sinuman ng walang pagpapakumbaba. Ang pagsunod ay nangangailangan ng pagpapakumbaba at pagpapasakop sa mga may kapangyarihan, kagaya sa mga nakasaad sa Salita ng ating Panginoong Diyos – itakwil ang mapagmataas na siyang kabaligtaran ng pagpapakumbaba at ang pagiging arogante na siyang simula ng kahambugan. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng isang mapagpakumbaba at mababang-loob ay isang pansariling desisyon. Bilang mga mananampalataya, nangangahulugan ito ng araw araw na pagpapasakop ng ating sarili sa Panginoong Diyos para sa gawain ng Banal na Espiritu na Siyang “nananahan sa atin upang maging kagaya ni Kristo.” Ginagamit ng Panginoon ang mga sitwasyon sa ating buhay upang magsuko tayo ng ating mga sarili sa Kanya (Roma 8: 28-29). Kung kaya’t tinatanggap ng mananampalataya ang biyaya na ipinagkakaloob ng Panginoon upang makalakad sa ilalim ng pamamahala ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa paraan ng lumang kalikasan. Magagawa lamang natin ito kung isinasabuhay natin ang Salita ng Diyos at nagtitiwala sa Kanyang biyaya kay Kristo Hesus. Noong tayo’y naligtas, lahat ay ipinagkaloob na sa atin kay Cristo upang maging isang ganap na mananampalataya. Ngunit kailangan nating matutunan kung papaano matatanggap ang mga biyayang kaloob sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagsasabuhay nito araw araw.

Kailangan nating matutunan na magpasakop sa Panginoon bilang proseso sa paglagong espiritwal, isang proseso na nagsimula sa araw ng ating kaligtasan at patuloy na nangyayari sa bawat desisyong ginagawa natin tuwing tayo’y nagpapasakop sa Panginoon. Ang prosesong ito ay magpapatuloy hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesu Kristo o sa araw na tawagin Niya tayo sa langit. Isinulat ni Apostol Pablo ang kanyang kahanga-hangang obserbasyon patungkol dito, “Datapuwa't ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon, na Siyang Espiritu, ang Siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo’y maging kalarawan Niya” (2 Corinto 3:18).

Hindi hinihingi ng Diyos na magpasakop tayo sa Kanya dahil Siya’y malupit, kundi dahil Siya ay isang mapagmahal na Ama at alam Niya kung ano ang mas makakabuti para sa atin. Ang pagpapala at kapayapaan na matatanggap natin mula sa pagiging mapagpakumbaba at patuloy na pagpapasakop ng ating mga sarili sa Kanya araw-araw ay isang biyayang kaloob na walang kapantay. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano tayo magpapasakop sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries