settings icon
share icon
Tanong

Ano ang iba’t-ibang paraan para ako makapaglingkod sa iglesya?

Sagot


Ayon sa Bibliya, ang bawat mananampalataya ay binigyan ng kahit isang espiritwal na kaloob upang gamitin sa paglilingkod sa katawan ni Kristo. “Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawa't isa, ay ipaglingkod sa inyo-inyo rin, na gaya ng mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Dios; Na kung ang sinoma'y nagsasalita, ay gaya ng sa mga aral ng Dios: kung ang sinoman ay nangangasiwa, ay gaya ng sa kalakasang ibinibigay ng Dios: upang ang Dios ay papurihan sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na sa kaniya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan man. Siya nawa” (1 Pedro 4:10–11; ikumpara ang Efeso 4:11–16). Kaya, ang isang mahalagang hakbang sa pagalam kung paano makakapaglingkod sa iglesya ay ang pagtuklas kung ano ang ating kaloob bago tayo makilahok sa paglilingkod sa iglesya. Siyempre, hindi naman natin malalaman kung ano ang ating kaloob kung hindi tayo makikilahok sa mga gawain ng iglesya. Sa katotohanan, natutuklasan natin ang ating mga kaloob sa proseso ng paglilingkod. Ang mga espiritwal na kaloob ay inilista sa Roma 12:6–8 at 1 Corinto 12:4–11, 28.

May pagkakaiba sa pangkalahatang iglesya (1 Corinto 12:12–13) at sa lokal na iglesya na dinadaluhan ng mga Kristiyano para sa sama-samang pagsamba (Hebreo 10:25). Ngunit walang pagkakaiba kung paano gagamitin ng mga Kristiyano ang kanilang espiritwal na kaloob dahil ang paglilingkod sa Diyos ay walang pahinga sa loob ng 24 oras, hindi lamang tuwing araw ng Linggo. Ang lahat ng Kristiyano saanmang dako ay dapat na naglilingkod sa kanilang mga lokal na iglesya at naghahanap ng mga oportunidad na makapaglingkod sa labas ng apat na sulok ng gusali ng iglesya (2 Corinto 9:12–13). Maaaring mahirap matuklasan kung anong espiritwal na kaloob ang ibinigay ng Diyos sa isang Kristiyano, ngunit mas magandang maglingkod kaysa hindi (Roma 12:11). Sa tuwina, ang pagtuklas sa mga kaloob ay nagiging malinaw sa pamamagitan ng paggawa – habang naglilingkod tayo sa iba’t-ibang gawain, natututuhan natin kung saan tayo mahusay at kung anong gawain ang magaan para sa atin (1 Cronica 28:9).

Laging may pangangailangan para sa mga manggagawa sa iglesya; totoo ito noong panahon ng Panginoong Hesu Kristo maging sa ating panahon ngayon (Mateo 9:37). Hindi problema para sa Kristiyano ang maghanap ng gagawin sa lokal na iglesya. Mula sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa komunidad (na dapat na ginagawa ng lahat ng Kristiyano, Gawa 1:8) hanggang sa paglilinis ng palikuran, laging maraming gawain ang naghihintay para sa mga Kristiyano. Makipagusap ka sa iyong pastor at mga matatanda sa iglesya kung anong trabaho ang maaari mong gawin at kung paano ang mga trabahong ito nababagay o hindi nababagay para sa iyo.

Narito ang ilang mga halimbawa ng mga paglilingkod sa mga lokal na kongregasyon:

• Pagtuturo sa paaralang lingguhan at pagtuturo sa mga pagaaral ng Bibliya
• Pangunguna sa mga bata at sa mga kabataan
• Tagapanguna sa mga komite
• Pagiging kalihim o tagatala ng rekord ng mga miyembro
• Janitor o tagapangasiwa ng gusali at ng paligid ng gusali
• Transportasyon para sa mga manggagawa at pagda-drive sa mga hindi marunong magdrive
• Manggagawa sa Outreach
• Ushers at tagabati sa mga bisita
• Miyembro ng choir at soloist
• Musikero o manunugtog
• Direktor ng musika, tagapanguna sa pagpapaawit at iba pa
• Tagapagayos ng mga instrumento at ng audio o video
• Admin ng website ng iglesya at tagapangasiwa ng social media
• Ingat yaman at accountants
• Tagapagluto
• Tagapagalaga at tagapagturo sa mga maliliit na bata

Ang bawat miyembro ng iglesya at dapat na naglilingkod sa anumang kaparaanan at dapat tandaan ng bawat lingkod ng Panginoon na hindi lamang sila dapat maglingkod sa iba kundi umibig din naman sa kanila: “sa pamamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo” (Galacia 5:13). Ang paglilingkod sa iglesya ay maaaring gawin sa iba’t ibang paraan: pagaalaga sa mga mga sanggol ng mga batang magasawa upang makalabas sila sa gabi, paghahanda ng pagkain para sa isang pamilya na maysakit ang miyembro ng pamilya, pagdalaw sa matatandang miyembro at pananalangin sa kanila, o simpleng pagtawag sa isang mananampalataya at pagsasabing “ipinapanalangin namin kayo.” Maaaring maging abala ang mga Kristiyano sa paggawa ng mga trabahong nabanggit sa itaas, ngunit dapat na gawin ang lahat sa udyok ng pag-ibig, kung hindi, ang lahat ng paglilingkod ay walang kabuluhan (1 Corinto 13:1–3). Habang nagilingkod tayo sa Diyos at sa iba, gawin natin ito sa diwa ng kapakumbabaan at pag-big sa ating mga kapatid sa Panginoon (Filipos 2:1–4).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang iba’t-ibang paraan para ako makapaglingkod sa iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries