settings icon
share icon
Tanong

Bakit dapat kong naisin na maglingkod sa Diyos?

Sagot


Ang katotohanan sa Kasulatan na dapat tayong maglingkod sa Diyos ay hindi na dapat pang pagtalunan (tingnan ang Lukas 4:8). Kung bakit natin dapat na naising maglingkod sa Diyos ang mas mabigat na tanong. Ang bawat Kristiyanong nagnanais maglingkod sa Diyos ay maaaring may iba’t ibang dahilan sa paglilingkod dahil itinutulak ang tao ng iba’t ibang motibo. Gayunman, malinaw sa Bibliya na kung may tunay na relasyon sa Diyos ang isang tao, tiyak na maglilingkod siya sa Diyos. Dapat nating nasain na maglingkod sa Diyos dahil kilala natin Siya; ang likas na resulta ng pagkakilala sa Diyos ay pagnanais na maglingkod sa Kanya.

Laging ibig ng Diyos para sa atin maging katulad tayo ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Roma 8:29). Kung susuriin natin ang buhay ng ating Panginoong Hesus, walang duda na siya’y naging isang alipin. Ang buong buhay ni Hesus ay nakasentro sa paglilingkod sa Diyos - sa Kanyang pagtuturo, pagpapagaling, at pangangaral ng tungkol sa kaharian ng Diyos (Mateo 4:23). Pumunta Siya sa lupa “hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28). Pagkatapos, noong gabing bago Siya hulihin, hinugasan ni Hesus ang paa ng mga alagad at iniwan sa kanila ang huling katuruan na maglingkod sa isa’t isa: “Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (tingnan ang Juan 13:12–17). Kaya nga kung ang buong buhay ni Hesus ay inilaan Niya sa paglilingkod sa Diyos at nais ng Diyos na maging kawangis natin Siya, napakalinaw na ang ating buhay ay dapat din nating ipaglingkod sa Kanya.

Ang tunay na paglilingkod ay hindi maihihiwalay sa pag-ibig. Maaari tayong kumilos at maglingkod sa Diyos, ngunit kung ang ating puso ay wala sa ating paglilingkod, walang patutunguhan ang ating ginagawa. Malinaw na sinasabi sa 1 Corinto 13 na maliban na ang ating paglilingkod ay nag-ugat sa pag-ibig, ito ay walang kabuluhan. Hindi nais ng Diyos ang paglilingkod sa Kanya dahil obligasyon o pangangailangan lamang ngunit hindi bunsod ng pag-ibig. Sa halip. Ang paglilingkod sa Diyos ay dapat na natural, at puno ng pag-ibig bilang tugon sa Kanya na unang umibig sa atin (tingnan ang 1 Juan 4:9–11).

Si apostol Pablo ang isang magandang halimbawa kung paanong ang relasyon ng isang tao sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay magreresulta sa isang buhay ng paglilingkod. Bago siya maging isang Kristiyano, pinag-usig at pinatay ni Pablo ang mga mananampalataya habang inaakala na naglilingkod siya sa Diyos. Ngunit pagkatapos ng kanyang engkwentro sa Panginoong Hesus sa daan papuntang Damasco, agad niyang inilaan ang kanyang buhay sa tunay na paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Hesu Kristo (tingnan ang Gawa 9:20). Inilarawan ni Pablo ang transpormasyong ito sa 1 Timoteo 1:12-14: 12, “Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya; Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya; At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus. Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito.” Matapos na maranasan ni Pablo ang pag-ibig at biyaya ng Diyos na masaganang ipinagkaloob Niya sa kanya, ang kanyang tugon ay paglilingkod.

Nagaalok ang Bibliya ng ilang motibasyon para sa paglilingkod. Dapat nating naising maglingkod sa Diyos dahil “tatanggap tayo ng isang kahariang hindi natitinag” (Hebreo 12:28), dahil ang ating paglilingkod ay tumutustos sa “pangangailangan ng mga anak ng Diyos” (2 Corinto 9:12), dahil ang ating paglilingkod ang nagpapatunay sa ating pananampalataya at nagiging daan sa pagpupuri sa Diyos ng iba (2 Corinto 9:13), at dahil nakikita ng Diyos ang ating ginagawa at gagantimpalaan Niya ang ating paglilingkod sa pag-ibig (Hebreo 6:10). Ang bawat isa sa mga ito ay magandang dahilan para maglingkod sa Diyos.

Maibibigay lamang natin ang atin munang tinanggap. Ang dahilan kung bakit kaya nating umibig at maglingkod sa Diyos ay dahil una Niya tayong inibig at pinaglingkuran sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Habang lumalalim tayo sa ating karanasan sa pag-ibig ng Diyos sa ating mga buhay, mas higit tayong magkakaroon ng pagnanais na ibigin at paglingkuran Siya. Kung gusto mong maglingkod sa Diyos, ang susi ay pagkilala sa Kanya! Hilingin mo sa Banal na Espiritu na ipakilala Niya sa iyo ang Diyos ng higit pa sa iyong pagkakilala sa Kanya ngayon (Juan 16:13). Kung tunay nating nakikilala ang Diyos ng pag-ibig, (1 Juan 4:8), ang natural nating tugon ay ang pagnanais na ibigin at paglingkuran Siya dahil sa Kanyang mga ginawa para sa atin. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit dapat kong naisin na maglingkod sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries