Tanong
Ano ang katanggap-tanggap na dahilan sa pagliban sa pagsamba?
Sagot
Maraming tao ang hindi naaayon sa Bibliya ang pangunawa sa pagdalo sa pananambahan. May mga tao na ang turing sa pagsamba ay nasa hangganan na ng legalismo – na dapat silang dumalo sa lahat ng uri ng gawain o pagtitipon sa iglesya at kung hindi, aanihin nila ang poot ng Diyos. May mga taong nakakaranas ng paguusig ng budhi sa tuwing nakakaliban sila sa pagsamba sa Linggo ng umaga sa anumang kadahilanan. Nakalulungkot na maraming iglesya ang hinihimok ang paguusig ng budhi sa pamamagitan ng labis na pagpipilit sa tao na dumalo sa pananambahan anuman ang mangyari. Habang ang tahasang pagliban sa pananambahan ay maaaring magpahiwatig ng problema sa espiritwalidad ng isang tao, mahalaga ring maunawaan na hindi ang dalas ng pagpunta sa sambahan ang pamantayan sa kalidad ng relasyon ng tao sa Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay hindi nakabase sa bilang o dami ng pagdalo sa pormal na pagsamba.
Walang duda na dapat na dumalo sa pananambahan ang mga Kristiyano, ang mga tagasunod ni Kristo. Dapat na naisin ng bawat Kristiyano ang sama-samang pagsamba (Efeso 5:19-20), ang makisama at makipagpalakasan ng loob sa ibang Kristiyano (1 Tesalonica 5:11), at magaral ng Salita ng Diyos (2 Timoteo 3:16-17). Ang pakikinig ng Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng pananampalataya (Roma 10:17). At ang pakikisama sa isa’t isa ay ipinagutos sa mga mananampalataya (Hebreo 10:24-25); dahil lubhang kailangan natin ang isa’t isa. Gaya ng kung paanong iniibig ng Diyos ang nagbibigay ng masaya, (2 Corinto 9:7), iniibig din Niya ang isang tunay na Kristiyano na masayang dumadalo sa pananambahan.
Ang pagdalo sa mga gawain sa iglesya ay dapat na maging isa sa mga prayoridad ng mga Kristiyano. Ang pagtatalaga ng sarili sa isang lokal na iglesya ay mahalaga. Ano ngayon ang mga katanggap-tanggap na dahilan sa pagliban sa pagsamba? Imposible na makapagbigay ng listahan na naaangkop para sa lahat. Katanggap-tanggap ang pagliban sa pagsamba kung may sakit ang isang Kristiyano. Ngunit sa ibang aspeto, ang isyu ay nakadepende sa saloobin at motibo ng Kristiyano. Kung ang motibo sa pagliban sa pananambahan ay upang mapaglingkuran ang Diyos sa ibang lugar at upang katagpuin ang pangangailangan ng iba, o ganapin ang isang responsibilidad na ibinigay ng Diyos, walang masama sa pagliban sa gawain sa iglesya. Halimbawa, hindi maaaring tanggihan ng isang pulis ang isang napakahalagang tawag at manatiling nakaupo habang sumasamba. Ngunit kung ang motibo ng isang tao sa pagliban sa pagsamba ay upang katagpuin ang pita ng laman, upang bigyang kasiyahan ang sarili, o simpleng umiwas sa pakikisama sa ibang Kristiyano, tiyak na mayroon siyang problemamg espiritwal.
Dapat na personal at buong katapatang timbangin ng bawat mananampalataya ang bawat sitwasyon na makakaliban siya sa pagsamba. Katanggap-tanggap ba ang pagliban sa pananambahan upang manood ng isang laro? Oo, depende sa motibo at saloobin ng isang Kristiyano. Paano kung liliban sa pananambahan dahil sa pagbabakasyon? Muli, depende ito sa motibo at saloobin ng mananampalataya. Dapat nating iwasan ang legalismo; hindi tayo naligtas dahil sa pagdalo sa pananambahan kundi dahil sa biyaya ng Diyos. Gayundin naman, dapat na nasain ng isang Kristiyano na dumalo sa mga gawain sa iglesya upang lumago ang kaalaman sa kadakilaan ng kaloob ng Diyos na kaligtasan, upang matutuhan kung paano magiging kawangis ni Kristo, at upang magkaroon ng oportunidad na makapaglingkod sa ibang mananampalataya.
Sa ating pagsusuri sa ating motibo sa pagliban sa iglesya, dapat din nating suriin ang ating motibo sa pagdalo sa mga gawain sa iglesya. Dumadalo ba tayo upang magmukhang espiritwal? Upang makipagusap sa ibang mananampalataya tungkol sa isang negosyo? O dumadalo ba tayo dahil sa katuruan na kung mas madalas tayong dumadalo sa iglesya, mas malulugod sa atin ang Diyos? Ang totoo, may mga taong regular na dumadalo sa pananambahan ngunit wala namang malapit na relasyon sa Panginoon. Kung ang iyong pagdalo sa pananambahan ay para lamang umupo at umawit at umuwi agad pagkatapos, katulad din ito ng pagliban sa pagsamba, dahil wala kang nakuhang pakinabang at wala ka ring naiambag.
Dapat nating nasain na dumalo sa mga gawain ng iglesya upang makisama sa iba na nakaranas din ng kahanga-hangang biyaya ni Hesu Kristo. Hangga’t maaari, dapat nating iwasan ang pagliban sa pagsamba dahil kinikilala natin ang kahalagahan ng pakikinig ng Salita ng Diyos, ng pagsasapamuhay nito at ng pagbabahagi nito sa iba. Dapat tayong dumalo sa pananambahan hindi upang mangolekta ng espesyal na puntos na espiritwal kundi dahil iniibig natin ang Diyos, ang Kanyang mga anak, at ang Kanyang Salita. Dapat na sikapin ng bawat mananampalataya na regular na dumalo sa mga gawain ng iglesya. Gayon pa man, ang pagliban sa pagdalo sa iglesya para sa mabubuting dahilan ay hindi kasalanan o dapat na maging dahilan ng paguusig ng budhi.
Alam ng Diyos ang laman ng ating mga puso. Hindi nalulugod ang Diyos sa isang tao dahil lamang sa simpleng pagdalo sa mga gawain ng iglesya. Ang nais ng Diyos ay maging kawangis tayo ni Kristo, at ang Kanyang kasangkapan upang maganap ito sa ating buhay ay ang pagdalo sa mga gawain ng Iglesya.
English
Ano ang katanggap-tanggap na dahilan sa pagliban sa pagsamba?