settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglago ng Iglesia?

Sagot


Kahit na hindi partikular na tinutukoy ng Bibliya ang isyu ng paglago ng iglesia, ang prinsipyo sa paglago ng iglesia ay mauunawaan sa sinabi ni Hesus, "itatayo ko ang aking iglesia, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan" (Mateo 16:18). Kinumpirma ni Pablo na ang pundasyon ng iglesia ay ang Panginoong Hesu Kristo (1 Corinto 3:11). Si Hesu Kristo din ang ulo ng iglesia (Efeso 1:18-23) at ang buhay nito (Juan 10:10). Dapat nating tandaan na ang paglago ay isang relatibong terminolohiya. Maraming uri ng paglago, ang ilan ay hindi tumutukoy sa pagdami lamang sa bilang o numero.

Ang isang iglesia ay maaring masigla at lumalago kahit hindi nadadagdagan ang bilang ng miyembro o ng mga dumadalo. Kung ang mga miyembro ay lumalago sa biyaya at karunungan ng Panginoong Hesu Kristo, nagpapasakop sa Kanyang kalooban sa kanilang mga buhay, sa indibidwal o sa pangkalahatan, ang iglesiang iyon ay nakakaranas ng tunay na paglago. Sa kabilang dako, maaaring ang isang iglesia ay nadadagdagan sa bilang ng dumadalo kada linggo, may maraming bilang ng miyembro ngunit nakapako ang espiritwal na paglago.

Ang lahat ng paglago ay sumusunod sa isang tipikal na disenyo. Gaya ng isang buhay na organismo, ang isang lokal na iglesia ay may tagapagtanim ng binhi (Ebanghelista), may mga nagdidilig ng binhi (pastor/guro), at binigyan ng Diyos ng mga kaloob na espiritwal para magamit sa ikalalago ng bawat isa. Ngunit dapat nating tandaan na ang Diyos ang nagpaptubo at nagpapalago (1 Corinto 3:7). Ang mga nagtatanim at nagdidilig ay parehong tatanggap ng kanilang sariling gantimpala ayon sa kanilang mga ginawa (1 Corinto 3:8).

Kailangan ang balanse sa pagitan ng pagtatanim at pagdidilig upang lumago ang isang iglesia, na nangangahulugan na sa isang malusog na iglesia, dapat na malaman ng bawat miyembro ang kanya- kayang espiritwal na kaloob upang sila ay makagawa ng kanilang itinakdang gawain sa katawan ni Kristo. Kung hindi balanse ang pagtatanim at pagdidilig, ang iglesia ay hindi lalago ng maayos. Nararapat din ang araw araw na pagtitiwala at pagsunod sa Banal na Espiritu upang ang Kanyang kapangyarihan ay gumawa sa mga nagtatanim at nagdidilig ng binhi upang dumating ang paglago na inaasahan ng Diyos sa Kanyang iglesia.

Sa huli, ang larawan ng isang masigla at lumalagong iglesia ay matatagpuan sa Mga Gawa 2:42-47 kung saan ang mga mananampalataya ay "Nanatili sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin". Sila ay naglilingkod sa isa't isa at inaabot ang mga tao upang makakilala sila sa Panginoon at upang "idagdag sa kanila ng Panginoon araw araw ang mga naliligtas." Kung nakikita ang mga bagay na ito sa isang iglesia, ang iglesia ay makakaranas ng espiritwal na paglago magdulot man ito o hindi ng pagbabago sa bilang o numero.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglago ng Iglesia?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries