settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga susi sa paglaban sa tukso?

Sagot


Maaaring pakahuluganan ang salitang tukso sa ganitong paraan: “isang imbitasyon o paanyaya sa pagkakasala, na may pahiwatig ng pangako ng higit na kabutihan na makakamit mula sa pagtahak sa daan ng pagsuway.” Ang paglaban sa tukso ay naguumpisa sa pagkilala na si Satanas ang pinakamagaling na “manunukso” (Mateo 4:3; 1 Tesalonica 3:5) na tumutukso sa sangkatauhan mula pa sa Hardin ng Eden (Genesis 3; 1 Juan 3:8). Gayunman, sa huli, alam natin na epektibong nawasak na ang kapangyarihan ni Satanas laban sa mga Kristiyano dahil naipanalo na ang digmaan sa pamamagitan ng kamatayan at ng muling pagkabuhay ng ating Tagapagligtas na si Hesu Kristo na Siyang gumapi sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan, magpawalang hanggan. Gayun pa man, umaaligid pa rin si Satanas sa mundo at naghahanap ng pagkakataon upang gumawa ng hadlang sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak at ang kanyang mga pagtukso ay bahagi na ng ating mga buhay (1 Pedro 5:8). Ngunit dahil sa Banal na Espiritu na nasa atin, at sa katotohanan ng Salita ng Diyos na epektibong tumutulong sa atin, mararanasan natin ang pagtatagumpay laban sa mga tukso.

Pinalalakas ni Apostol Pablo ang ating loob sa pamamagitan ng mga pananalitang ito: “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13). Tunay na ang bawat isa sa atin ay humaharap sa ibat ibang uri ng tukso. Maging ang Panginoong Hesus ay hindi naligtas sa mga pagtukso ni Satanas dahil, “Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala” (Hebreo 4:15). Bagamat si Satanas ang nasa likod ng lahat ng pagtukso, ang ating makasalanang kalikasan bilang tao ang nagpapahintulot sa mga tuksong ito na mag-ugat at maging dahilan upang kumilos tayo ayon sa idinidikta ng ating laman, na nagiging dahilan sa “pagsilang ng kasalanan” (Santiago 1:15). Ngunit tinutulungan tayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang mapalaya mula sa kasalanan at mga tukso na ating hinaharap sa ating araw-araw na buhay. Kaya nga, kung tunay na nananahan sa ating puso ang Banal na Espiritu ni Kristo, makakayanan nating labanan ang nagliliyab na palaso na isinisibat ng diyablo sa ating daan. Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga Galacia, “Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman” (Galacia 5:16).

Ang Salita ng Diyos ang ating pinakamabisang pangdepensa laban sa mga tukso ni Satanas. Mas marami tayong alam sa Salita ng Diyos, mas madali nating maaangkin ang tagumpay laban sa araw-araw na pakikipagtunggali laban sa tukso. Sinasabi sa atin ng Mangaawit, “Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman” (Awit 119:11). Noong tuksuhin si Hesus ni Satanas sa ilang, ang unang-unang Kanyang ginawa ay ang pagbangit sa Kasulatan (Mateo 4:4–11), na naging dahilan upang iwanan Siya ni Satanas. Tunay na dapat na maging masigasig ang mga Kristiyano sa pagaaral ng Salita ng Diyos. “O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway” (Awit 119:97–98).

Bilang karadgdagan sa Salita ng Diyos, makakatulong din sa atin ang panalangin upang labanan ang mga tukso. Noong gabing bago Siya ipagkanulo, nanalangin si Hesus sa hardin ng Getsemane at sinabihan si Pedro na manalangin “upang hindi siya madaig ng tukso” (Markos 14:38). Gayundin, sa “Panalangin ng Panginoon,” tinuruan tayo ni Hesus na manalangin na “huwag tayong ipahintulot sa tukso” (Mateo 6:13; Lukas 11:4). Subalit, kung bumabagsak tayo sa tukso, alam natin na ang Diyos ay tapat at hindi niya ipahihintulot na tayo'y subukin nang higit sa ating makakaya… at bibigyan niya tayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon (1 Corinto 10:13). Ito ang pangako mula sa Diyos, at gaya ni Abraham, dapat na ganap tayong magtiwala na sapat ang kapangyarihan ng Diyos upang tuparin ang Kanyang mga ipinangako (Roma 4:21).

Ang isa pang paraan upang matulungan tayo na labanan ang tukso ay ang pagalalala sa kung ano ang ginawa ni Kristo para sa atin. Bagamat hindi Siya kailanman nagkasala, kusang loob Niyang pinagtiisan ang pagpapahirap sa Kanya sa krus noong tayo ay nasa atin pang mga pagsuway (Roma 5:8). Ang bawat kasalanan na ating nagawa, o magagawa, ay may bahagi sa pagpapapako sa ating Tagapagligtas doon sa krus. Kung paano tayo tumutugon sa mga makamundong panghihikayat ni Satanas ay isang malaking palatandaan kung paanong naghahari sa ating mga puso ang pag-ibig ni Hesus.

Ngayon, bagamat nagtataglay na ang mga Kristiyano ng mga kinakailangang sandata para sa tagumpay, kailangan din nating gamitin ang ating sintido komon at huwag nating ilalagay ang ating sarili sa mga sitwasyon na gigising sa ating kahinaan. Lagi na tayong binobomba araw-araw ng mga larawan at mga mensahe na kumikiliti sa ating makasalanag pagnanasa. Hindi natin dapat pahirapin pa ang dati ng mahirap na sitwasyon. bagamat nananahan na sa ating mga puso ang Espiritu ni Kristo, maaari pa ding maging napakahina ng ating laman sa ilang pagkakataon (Mateo 26:41). Kung alam natin na maaaring magtulak sa atin sa pagkakasala ang isang bagay, binalaan tayo ni Pablo na “tumakas mula doon” (1 Corinto 6:18; 1 Timoteo 6:11; 2 Timoteo 2:22). Tandaan na ang “Manunukso” ay maestro din ng pangangatwiran, at walang limitasyon ang mga argumentong ginagamit ng Diyablo upang bigyang katuwiran ang ating mga makasalanang gawa.

Armado ng Espiritu ng Diyos at ng katotohanan ng Kanyang Salita, tayo ay nagagayakan ng mga panlaban upang pagtagumpayan ang mga pagsalakay ni Satanas (Efeso 6). Anumang pagsubok at tukso ang dumating sa atin, ang Salita ng Diyos at ang Espiritu Santo ay higit na makapangyarihan kaysa sa anumang panlilinlang ni Satanas. Kung lumalakad tayo sa Espiritu, maaari nating ituring ang mga tukso na mga oportunidad upang maipakita natin sa ating Diyos na tunay na Siya ang Panginoon ng ating mga buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga susi sa paglaban sa tukso?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries