Tanong
Ano ang ibig sabihin ng Bibliya tungkol sa pagkamatay sa sarili?
Sagot
Ang konsepto ng "pagkamatay sa sarili" ay matatagpuan sa buong Bagong Tipan. Ipinapahayag nito ang tunay na esensya ng buhay Kristiyano, kung saan pinapasan natin ang ating krus at sumusunod kay Kristo. Ang pagkamatay sa sarili ay bahagi ng pagsilang na muli; namatay ang dating pagkatao at nabuhay ang bagong pagkatao (Juan 3:3–7). Hindi lamang isinilang na muli ang mga Kristiyano ng maranasan natin ang kaligtasan, kundi patuloy tayong namamatay sa ating sarili bilang bahagi ng proseso ng pagpapaging banal. Dahil dito, ang pagkamatay sa sarili ay parehong nagaganap ng minsan at isang prosesong nagaganap sa Kristiyano hanggang kamatayan.
Paulit-ulit na sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang tungkol sa pagpasan ng kanilang krus (isang instrumento ng kamatayan) at pagsunod sa Kanya. Nilinaw Niya na kung sinuman ang gustong sumunod sa Kanya, dapat nilang tanggihan ang kanilang sarili, na nangangahulugan ng pagsusuko ng buhay — sa espiritwal, at sa pisikal, kung kinakailangan. Ito ang mga kinakailangan sa pagiging tagasunod ni Kristo na nagsabi na ang pagtatangka na iligtas ang panlupang buhay ay magreresulta sa pagkawalay sa Kanyang kaharian. Ngunit ang mga nagsuko ng kanilang buhay alang-alang sa Kanya ay magtatamasa ng buhay na walang hanggan (Mateo 16:24–25; Markos 8:34–35). Tahasang sinabi ni Hesus na ang mga taong hindi handang mag-alay ng kanilang buhay para sa Kanya ay hindi maaaring maging Kanyang alagad (Lukas 14:27).
Inilalarawan ng bawtismo ang pagtatalaga ng mananampalataya na mamatay sa kanyang luma at makasalanang buhay (Roma 6:4–8) at maisilang na muli sa isang bagong buhay kay Kristo. Sa bawtismong Kristiyano, ang paglubog sa tubig ay sumisimbolo sa kamatayan at pagkalibing na kasama ni Kristo. Ang pag-ahon sa tubig ay sumisimbolo naman sa muling pagkabuhay ni Kristo. Ipinapakita ng bawtismo ang ating pakikipagisa kay Kristo sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, at inilalarawan ang buong buhay ng Kristiyano na isang buhay ng nagpapatuloy na pagkamatay sa sarili at pamumuhay sa Kanya at para sa Kanya na namatay para sa atin (Galacia 2:20).
Ipinaliwanag ni Pablo sa mga taga Galacia ang proseso ng kanyang pagkamatay sa sarili bilang isang taong "ipinakong kasama ni Kristo," at hindi na siya ang nabubuhay kundi si Kristo na ang nabubuhay sa Kanya (Galacia 2:20). Ang dating buhay ni Pablo at ang inklinasyon ng kanyang katawan sa pagkakasala at pagsunod sa kaparaanan ng mundo ay patay na, at ang bagong Pablo ay isa na ngayong tahanan ni Kristo na nananahan sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi ito nangangahulugan na kung "namatay tayo sa ating sarili," ay nawawalan tayo ng pakiramdam o wala ng ginagawa, o kaya naman ay nararamdaman natin na patay na tayo. Sa halip, ang pagkamatay sa sarili ay nangangahulugan na ang mga bagay ng ating dating pagkatao ay pinatay na, lalo't higit ang ating makasalanang pamumuhay. Ipinako na ng mga na kay Kristo ang kanilang makasalanang kalikasan kasama ang mga hilig at kagustuhan nito (Galacia 5:24). Hinahangad natin dati ang ating mga pansariling kasiyahan, ngunit ngayon ay hinahangad naman natin ng may higit na pagnanasa ang mga bagay na nakasisiya sa Diyos.
Hindi ipinapakita sa Kasulatan na ang pagkamatay sa sarili ay isang bagay na pagpipilian ng isang Kristiyano. Ito ang katibayan at realidad ng kapanganakang muli; walang makalalapit kay Kristo malibang handa siyang makita ang kanyang dating buhay na nakapakong kasama ni Kristo at magumpisang mabuhay sa isang bagong buhay ng pagsunod sa Kanya. Inilarawan ni Hesus ang mga malahiningang tagasunod bilang mga taong sinusubukan na parehong mabuhay sa kanilang dating buhay at bagong buhay bilang mga taong Kanyang isusuka (Pahayag 3:15–16). Ang mahiningang kundisyong ito ay sintomas ng pagiging hindi handa na mamatay sa sarili at mabuhay para kay Kristo. Ang pagkamatay sa sarili ay hindi isang pagpipilian para sa mga Kristiyano; ito ay isang desisyon na magdadala sa atin sa walang hanggang buhay.
English
Ano ang ibig sabihin ng Bibliya tungkol sa pagkamatay sa sarili?