Tanong
Paano ako magkakaloob ng masaya?
Sagot
Matututuhan natin na maging masaya sa pagkakaloob sa pamamagitan ng pagaaral sa buhay at katauhan ng pinakadakilang pagkakaloob na isinakatuparan ng isang tao na nakilala ng sangkatauhan: ang Panginoong Hesu Kristo. Iniwan ang Kanyang kayamanan at kaluwalhatian sa Kanyang kaharian sa kalangitan, pumunta si Hesus sa lupa at kusang loob na ibinigay ang Kanyang buhay upang iligtas tayo. Dahil itinalaga tayo ng Diyos na maging katulad ng Kanyang Anak (Roma 8:29), walang ibang mas magandang paraan kundi tularan ang Panginoong Hesu Kristo sa pamamagitan ng kusang loob na pagbibigay ng Kanyang sarili. Sinabi ng ating Tagapagligtas, “Higit na mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap” (Gawa 20:35). Kaya nga sa isang simpleng paliwanag, ang pinakadakilang motibasyon para sa isang masaya at masaganang pagbibigay ay ang pagbibigay na nakalulugod sa Panginoon at sumasalamin sa Kanyang regalo ng kaligtasan para sa atin.
Ipinakikita sa ikalawang sulat ni Pablo sa mga taga Corinto ang ilang nakakahamong katotohanan na tutulong sa atin upang maging masaya sa ating pagkakaloob. Matalinong ipinaalala ni Pablo sa mga taga Corinto, “Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami” (2 Corinto 9:6). Ang hindi nagmamaliw na katotohanang ito ay binanggit din ni Solomon isang libong taon bago isulat ang 2 Corinto: “Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.…” (Kawikaan 3:9-10). Sinabi sa atin ng Panginoong Hesu Kristo, “Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo …” (Lukas 6:38). Tunay na “Ang mapagpautang nagiging mapalad, kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.…” (Awit 112:5).
Ang prinsipyong ito ay napakalinaw: hindi mahihigitan ng ating pagbibigay ang pagbibigay sa atin ng ating mapagbigay na Diyos. Habang nagbibigay tayo bilang paglilingkod sa ating Panginoon, mas maraming bumabalik sa atin. Sa katotohanan, ang tanging lugar sa Bibliya kung saan inaanyayahan tayo na subukan Siya ay ang Malakias 3:10, kung saan binabanggit ng Diyos ang mga kaloob na ating ibinibigay sa Kanya: “…Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.” Inulit itong muli ni Solomon: “Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay. Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan” (Kawikaan 11:24-25).
Gaya ng sinabi ni Pablo “...sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan” (2 Corinto 9:7). Ang pagbibigay ng masaya kung ganoon, ang dapat na maging uri ng buhay para sa Kristiyano na nakakaunawa sa biyaya ng Diyos. Kung nagbibigay tayo ng masagana at ng kusang loob mula sa ating puso, tinitiyak sa atin ng Diyos na Siya ang magiingat at magkakaloob sa atin ng ating mga pangangailangan (Isaias 58:9; Awit 41:1-3; Kawikaan 22:9; 2 Corinto 9:8, 11). At dapat nating tandaan na hindi lamang ang ating mga kayamanan ang dapat nating ibalik sa Diyos ng may kagalakan. Gaya ng sinabi ni Haring David, ang lahat ng nasa atin ay nagmula sa Diyos (1 Cronica 29:14), at kasama sa mga ito ang ating mga talento, gayundin ang ating mga panahon. Dahil itinakda ng Diyos ang lahat sa ating buhay (Awit 139:16), tunay na ang ating panahon ay pagaari ng Diyos. Ang lahat ng mga kaloob na mayroon tayo ay nagmula rin sa Kanya kaya nga, “Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat” (1 Pedro 4:10).
Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya Siya nagkaloob (Juan 3:16). Dapat nating tandaan na naligtas tayo dahil sa mabiyayang pagkakaloob ng Diyos. Bilang Kanyang mga anak, tinawag tayo upang maging “mga ilaw ng salibutan” (Mateo 5:14). Kung pinagtitiwalaan natin at pinararangalan ang Diyos sa pamamagitan ng masayang pagkakaloob ng ating panahon, kayamanan at talento, tunay na pinaliliwanag natin ang ating ilaw sa harap ng mga tao at masasalamin nila sa atin ang kabutihan ng ating Ama sa langit.
English
Paano ako magkakaloob ng masaya?